Entry #14

5 5 0
                                    

Emina_Daisuki

Warning: Graphic scene ahead.

Ni minsan ba hiniling mong sana ay ipinanganak kang lalaki?

Mula bata pa lamang ako, tumatakbo na ang hiling na iyan sa isipan ko. Wala rin kasing silbi ang ganda, talino, at galing ko kung hindi rin ako kinikilala ng aking ama bilang anak niya. Kahit pa sunud-sunuran ako sa kaniya at kailanman ay hindi ko inayawan ang kahit anong utos niya, ni minsan ay hindi niya ako tinawag o ipinakilala na anak niya.

"Isa ka talagang inutil!" bulalas niya nang bigo akong isagawa ang misyong ibinigay niya. "Bakit ba kasi naging babae ka pa? Napaka-walang silbi!"

"Hindi na po mauulit," saad ko.

"Siguraduhin mo iyan dahil kapag pumalpak ka ulit, ako mismo ang babawi sa buhay mo."

Nagsimula sa araw na iyon, inubos ko ang oras ko sa pag-eensayo at pag-aaral sa mga taong kalaban ng angkan namin. Naging madali ang aking pagkumpleto sa mga misyong ibinibigay sa akin at ni isang beses ay hindi na ako umuwing bigo.

Gayunpaman, hindi pa rin sapat.

"Ituturing lang kitang anak kung isa kang lalaki," saad niya sa malamig na boses noong minsang umiyak ako sa harapan niya.

Sobrang sakit na marinig ang mga katagang iyon pero may natitira pa ring pag-asa sa kaloob-looban ko na darating din ang araw na tatanggapin ako ng aking ama. Kahit pa ilang taon ang kailangang lumipas para lamang mangyari iyon, handa akong maghintay.

Sa araw ng aking pag-iisang dibdib, isang bagay na hindi ko inaasahan ang nangyari. Dumating ang lalaking pinakamamahal ko. Isang ngiti ang iginawad niya sa akin nang makalapit siya sa kinauupuan namin ng aking bagong asawa.

"Congratulations," saad niya.

Pagkasabi niya roon, inilapag niya ang ulo ng aking ama sa harapan ko mismo. Tinitigan ko ang walang kabuhay-buhay nitong mga mata. Iisa at mumunti lang naman ang aking hiling ngunit kahit anuman ang aking gawin, mananatili na itong suntok lamang sa buwan.

-Laverna Hansley
From The Mafia's Deceitful Master

Suntok sa BuwanWhere stories live. Discover now