9

381K 15.6K 3.5K
                                    

Chapter 9

NAMAGA ang ari ni Monmon dahil sa inspeksyon.

Para akong mamamatay sa pag-aalala. At hindi lang iyon, may isa pang problema. Pambayad sa ospital. San ako kukuha ng ibabayad sa bill niya? Nanlulumo akong napaupo sa bench na katapat ng cashier ng pampublikong ospital. Patong-patong na gamot at hospital bills.

Kung hindi ako magbabayad ay hindi makakalabas si Monmon. At iyong mga gamot niya para gumaling siya, kailangan ko pang bumili ng mga iyon. Pero saan ako kukuha ng pera?

Anong gagawin ko para magkapera ako?

Nanghihina akong naglakad pabalik sa public ward kung saan siya naroroon. Lalo akong nanghina ng mamasdan ko siya. Nakahiga siya sa pinakagilid ng ward, sa sobrang dami ng pasyente ay siksikan na ang mga hospital bed dito.

Ni hindi na nga abot ng electric fan ang kapatid ko.

Nilapitan ko siya gamit ang mabibigat kong hakbang. Parang sinasakal ang puso ko habang nakikita ko ang paghihirap niya. Namumutla ang kanyang mukha. Pumayat din siya.

Pinahid ko ang mga luha na umagos mula sa mga mata ko. Napakaingay ng paligid dahil maraming dalaw ang mga katabi naming pasyente. Gusto ko man silang sawayin dahil baka magising si Monmon ay hindi ko pwedeng gawin. Wala akong karapatan.

"Bunso, gagawa ng paraan si Ate..." pangako ko sa kanya. Hinalikan ko siya sa sentido. "Babalikan kita..."

Kapag nagising siya ay malamang na gutom siya. Ang kaso kahit tinapay ay wala akong dala. Wala akong pambili kahit isang pirasong candy na mura.

Lahat kasi ng pera ko ay naibili ko na sabon pampaligo, shampoo, mga biscuit at bumili rin ako kahapon ng mga bagong shorts niya. Ubos na ang mga biscuit at wala ng natira. Tapos ibinayad ko pa sa tricycle ang pinakahuli kong pera na iipunin ko sana. Mantakin ba naman na sitenta ang siningil sa akin kasi special daw ang pagsakay niya kay Monmon kagabi papunta rito sa ospital.

Hindi rin ako nakapagtinda ng sampaguita o nakapasok kay Mr. Husik dahil sa pag-aalala sa kanya.

Nalaman ko na nagpatule pala siya, at marumi ang tools na ipinantule sa kanya. Sa kagustuhan niyang magbinata na ay lumapit siya sa pekeng ermitanyo sa looban.

Ang kaso ay hindi lang basta peke ang nilapitan niya, nag-uulyanin na pati ang matandang iyon. Wala na ngang nagpapagamot don. Ewan ko ba kung bakit nagpauto ron si Monmon.

Kagabi ay trinangkaso siya habang patuloy sa pagdurugo ang titi niya. Takot na takot ako kaya kahit galit sa akin si Purita ay humingi ako ng tulong rito, nagpasama kami sa tiyuhin ni Purita para mai-admit sa ospital si Monmon.

...


"KAILANGANG-kailangan ko po ng pera..." Lakas-loob na lapit ko sa amo kong Intsik.

"Magkano iyo kailangan? One-hundred? Two-hundred?" Tanong sa akin ni Mr. Husik.

"Limang libo po..." Pikit-matang sagot ko.

"Aba'y 'lake! Ayoko bigay lake pera sa'yo!"

Naiiyak na sinalubong ko ang singkit niyang mga mata. "Sige na po..." Makaawa ko. "Pagta-trabahuan ko naman po. Kahit lagi po ako mag-over-time... kahit 'wag niyo na po akong pasahurin habambuhay..."

Nag-isang guhit sa inis ang mga mata niya. "Ikaw, uwi na! Ikaw, malas negosyo, e! Uwi!"

Lulugo-lugo akong lumabas ng kanyang opisina. Malungkot kong tiningnan ang palad ko kung saan dalawang limang piso lamang ang nakalagay. Kinita ko iyon sa pagtulong sa paglalaba ni Aling Perla kanina.

Trapped With HimWhere stories live. Discover now