Chapter Ten

3.2K 131 1
                                    

HABANG nakapila sa school canteen ay abala si Crayon sa pagtawag sa organisasyong balak niyang bisitahin sa susunod na linggo. Taon-taon ay may binibisita siyang shelter na malapit sa kanyang puso. Dapat, naroon ang buong atensiyon niya pero ng mga sandaling iyon ay nasa ibang tao ang isip niya.

Hindi kasi niya maalis ang malungkot na mukha ni Riley at ang sakit sa mga mata nito pagkatapos niya itong pagsalitaan ng masasakit na bagay. Hindi naman niya sinasadyang masabi ang mga 'yon. Marahil ay nag-freak out lang siya matapos niyang aksidenteng marinig na sinasabi ni Antenna kay Ate Eliie na may balak si Riley na ligawan siya.

Hindi niya maintindihan kung bakit gusto siyang ligawan ni Riley gayong parati naman niya itong sinusungitan. Buong buhay niya, si Logan lang ang lalaking napalapit sa kanya dahil maagang yumao ang ama niya. She was bad at dealing with men other than Logan.

Mayamaya ay nagulat siya nang may umagaw sa tray na hawak niya. Hindi na siya nakapag-react nang makitang si Riley iyon. Kaya naman pala nakarinig siya ng impit na tilian ng mga babae.

Ang binata na ang um-order at nagbayad ng pagkain niya. Pagkatapos ay hinawakan siya nito sa siko at marahang inakay papunta sa bakanteng mesa. Hindi siya makapagsalita o makatutol dahil wala naman siyang nakikitang masama sa ginagawa nito.

"Ano na naman 'tong ginagawa mo, Riley?" nakasimangot na tanong niya.

Umupo si Riley sa silya sa tabi niya. "Nakita kitang dumaan sa classroom namin kanina ng mag-isa. Sinundan kita para masiguro kong hindi ako mauunahan ng iba na manligaw sa'yo."

"May klase ka?"

"Nagpaalam ako sa prof namin na mag-C-CR lang kaya kailangan ko ring bumalik agad sa klase. May kailangan ka pa ba, Crayon?"

Napatitig na lang siya sa guwapong mukha ni Riley. Wala siyang makitang paghihinanakit dito tulad ng inaasahan niya pagkatapos ng mga sinabi niya rito. All she could see in his eyes was his genuine care for her.

May mainit na bagay na gumapang sa buo niyang sistema at ang init na hatid niyon ang tila unti-unting tumutunaw sa yelo na binalot niya sa puso niya.

Bakit ba ang bait-bait sa kanya ni Riley kahit puro kagaspangan naman ang pinapakita niya rito? Dapat ay matagal na siya nitong nilayuan gaya ng ginagawa ng ibang lalaking nagtatangkang lumapit sa kanya. Hindi niya ito kayang tanggapin sa buhay niya at nahihirapan na siyang panindigan iyon.

Ano ba talaga ang gagawin ko sa'yo, Riley?

"Crayon?" untag ni Riley sa kanya.

Umiling siya. "Just go back to your class, Riley."

"Anong oras ang uwi mo? Para alam ko kung anong oras kita susunduin."

Bumuntong-hininga siya. "Hindi na kailangan. Sabay kaming uuwi ni Logan ngayon."

"Ah."

Nilingon niya si Riley. Dati, normal lang sa kanya ang manakit ng mga lalaking hindi niya gustong mapalapit sa kanya. Pero pagdating sa isang ito, sumasakit ang puso niya. "Kung ano man ang ginagawa mo, itigil mo na, Riley."

Mariing umiling ito. "I'm sorry for making you feel uncomfortable before, Crayon." Itinaas nito ang kanang kamay nito. "No more extravagant moves, I promise. I'll make it simple this time. Just let me stay close to you."

Hindi niya nagawang tanggihan si Riley kahit gustung-gusto na niya itong lumayo sa kanya. She couldn't do that while looking back at his honest and innocent eyes.

Mukhang nakuha ni Riley na hindi niya ito magawang tanggihan kaya napangiti ito. Tumayo ito at masuyong pinisil ang pisngi niya. "See you later, Crayon."

Napahawak siya sa pisngi niyang hinawakan ni Riley habang hinahatid ito ng tingin. Hindi niya napigilang mapangiti. "Sira-ulo talaga ang lalaking 'yon."

A Rocker May Get Tongue-tied (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon