꧁ ҳѵııı | ɖıєƈıơƈɧơ

2.1K 118 67
                                    

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁

Sa aking pagbaba ay naabutan ko si Doña Soledad na nakaupo sa kabisera ng hapagkainan. Ako na lamang ang hinihintay dahil nakalatag na ang mga kumikinang na kubyertos na gawa sa pilak.

Nakahain na rin ang tila mechadong putahe na nakalagay sa isang may kalakihang palayok. Samantalang nakalagay naman sa isang babasaging mangkok ang napakaputing kanin. Ito'y sinamahan ng dahon ng pandan kaya naman lasap na lasap ko ang mabangong amoy nito.

Tumuloy ako sa katabing upuan ng doña sa gawi niyang kaliwa at pinamunuan ang aming pagdarasal. Matapos noon ay nagsimula na kaming kumain.

"Nakapanayam ko si Don Santiago saglit bago siya bumalik ng Tundok. Ayon sa kanya'y sa susunod na linggo na idaraos ang salu-salo sa kanyang tahanan," salaysay ng doña habang sumasandok muli ng ulam mula sa palayok.

Napababa ang mga kamay kong may hawak na kubyertos at nagtatakang tumingin kay Doña Soledad.

"Hindi po ba't sinabi ng tinyente na rito idaraos ang piging?" tanong ko.

Tinapos muna ng doña ang pagnguya bago bumaling sa akin.

"Nabago raw ang plano at iginiit ni Don Santiago na mahalagang ipagdiwang ang piging sa tahanan nila sa Calle Anloague," paliwanag naman ni Doña Soledad bago muling sumubo.

Hindi na ako tumugon sapagkat nababagabag na naman ang aking isipan.

Hindi ako mapalagay sa salu-salong iyon. Pakiramdam ko ay may mangyayari na hindi ko matukoy.

"Bagamat nagpasya na akong isama ka sa piging na iyon ay huwag mong iwawaglit sa iyong isipan na maging mapagmatyag sa paligid. Maraming intelihente ang paroroon at magkakaroon ng interes sa iyo," muling saad ng doña na hindi ko namalayang tapos na sa kanyang pagkain.

Ilang minuto ba akong natulala sa kawalan at hindi ko namalayan ang oras?

"Ipalagay n'yo po ang inyong kalooban sapagkat ako'y kikilos doon ng nararapat," nakangiti kong paninigurado sa doña na sinuklian din naman niya ng ngiti.

Tumayo siya't lumapit sa akin upang hawakan ang balikat ko.

"Hindi ako nangangamba dahil nalalaman kong kaya mong makibagay sa ibang tao. Ayoko lamang maulit ang nangyari sa kaarawan ng alkade noong nasa Santa Cruz tayo, Mirasol," paalala ng doña bago tuluyang lumisan.

Mauuna na raw itong pumanhik sa kanyang silid dahil siya'y napagod sa dami ng kanyang ginawa sa araw na ito.

Mabilis ko na ring tinapos ang aking pagkain upang makapagpahinga na. Hindi ko na natanong sa doña kung anong paksa ng salu-salong darating.

Nabanggit naman niya na bagamat may lupain si Kapitan Tiyago rito sa San Diego ay kasalukuyan itong naninirahan sa Tundok.

Natuwa ako ng malaman iyon sapagkat malapit lang ang Tundok sa Santa Cruz. Maaari kong mabisita si Juan Vicente kahit saglit lang pagkatapos ng handaan.

Alam kong sinabi niya na maaari ko siyang sulatan na lang pero mas masarap magkuwento ng personal.

Kung maaari nga lang sana ay unang una kong babanggitin itong mga kakaibang pangyayari sa akin kay Yuan.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Where stories live. Discover now