꧁ ҳҳıҳ | ʋıєŋɬıŋųєʋє

1.9K 93 6
                                    

ꜱᴀ ɪʏᴏɴɢ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ꧁

𝟷 𝟾 𝟾 𝟾 ,  𝙾 𝙺 𝚃 𝚄 𝙱 𝚁 𝙴   𝟹 𝟷
𝚂 𝙰 𝙽  𝙳 𝙸 𝙴 𝙶 𝙾
𝙻 𝚄 𝙽 𝙶 𝚂 𝙾 𝙳   𝙽 𝙶   𝚂 𝙰 𝙽 𝙿 𝙰 𝙱 𝙻 𝙾   
𝚂 𝙰  𝙻 𝙰 𝙶 𝚄 𝙽 𝙰


"Nang tayo'y lumalakad nang papauwi, sapagkat totoong mainit ang araw, ang ginawa ko'y nanguha ng mga dahon ng sambong na tumutubo sa tabi ng daan..." saad pa ni Maria Clara.

Ngunit ang mga sumunod ay hindi na narinig ni Sinang mula sa tinig ni Maria Clara. Muling nagsalaysay si Mirasol at ito'y hindi na mapagkakaila kay Sinang. Kaya siya ay napalingon sa kasama niyang dalaga.

"...Ito'y ibinigay ko sa iyo upang ilagay mo sa loob ng sumbrero nang hindi sumakit ang iyong ulo. Napangiti ka at sa gayo'y hinawakan ko ang iyong kamay dahil tayo ay nagkasundo na," pagtatapos ni Mirasol kasabay ni Maria Clara.

"Binibini?" nalilito at nagugulumihang sambit ni Sinang sa kanya.

Ibig niyang itanong kung bakit namumugto ang mga mata ni Mirasol. Ngunit umurong ang kanyang dila dahil sa nakita niya sa mga mata nito. Punong puno ng pangungulila at poot ang mga mata ni Mirasol na may bahid pa ng pagkagulat.

Dumaan ang ilang segundo na punong puno ng kalituhan ang isipan ni Mirasol. Ang mga sinabi niya ay kanyang naaalala ng lubusan. Na tila ba ang mga iyon ay tiyak na naganap sa pagkabata niya at ngayon lamang muling nanumbalik sa kanyang ulirat. Iniangat niya ang kanang kamay na hindi niya namalayang nakayukom ng mahigpit. Nanginginig ito at nang kanyang matitigang mabuti'y kapansin-pansin ang mamula-mulang bakas ng kukong iniwan nito sa palad niya.

Ibinuka ni Mirasol ang kanyang bibig ngunit walang tinig ang namayani rito. Sa sariling palad, kanyang nararamdaman ang silakbo ng araw na para bang kanina lang nangyari ang isinalaysay niyang iyon. 

"Binibini?" muling tawag ni Sinang sa kanyang kasama.

Sa pagkakataong iyon ay natauhan na si Mirasol at nanlalaking mata na tumitig sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin at sa hilatsa ni Sinang ay nakasisiguro siya na ito'y mag-uusisa. Alam ng binibini na wala siyang maisasagot dahil maski ang kanyang sarili ay litung-lito rin sa mga naganap.

"Bakit? Ano ang nangyayari sa iyo?" rinig nilang tanong ni Maria Clara na siya namang nasa azotea.

Tinakasan ng lakas-loob si Mirasol sa pag-aakalang nalalaman na ng magkasintahan na sila ay lihim na nakikinig. Dahil sa hindi maipaliwanag na alaala na kanyang nagunita ay lalong ayaw makaharap ni Mirasol sina Maria Clara at Ibarra. Sa gayo'y mabilis pa sa alas cuatro na tumalikod at patakbong nilisan ni Mirasol ang salas tungong tarangkahan.

Nanghilakbot si Sinang sa ginawa ni Mirasol sapagkat lumikha ito ng ingay. Sa pangambang baka malaman ng kanyang kaibigan na sila'y patagong nakikinig sa usapan nilang magkasintahan, si Sinang ay wala sa sariling nagbuka't nagpaypay ng abaniko bago maingat na tinungo ang looban ng tahanan.

Taliwas sa pagkabahala nina Mirasol at Sinang, abala ang magsing-irog sa isa't isa na kahit lumikha ng ingay si Mirasol ay hindi ito inalintana ng dalawa. 

"Ikaw ay nakapagpalimot sa akin na ako'y may mga tungkuling kailangang matupad," daglit na huminto si Ibarra upang lumayo sa barandilya ng azotea, "Dapat akong magtungo ngayon sa aking kinalakihan. Bukas ay araw ng mga patay."

Hindi na kumibo si Maria Clara at tinignang ilang saglit ang binata. Ang kanyang singkit na mga mata ay tila namilog sa may paghanga niyang titig kay Ibarra. Ngunit hindi rin nagtagal ng tatlong segundo at inilihis ni Maria Clara ang pagtingin sa iniibig dahil sa kahihiyan. Upang ilihim ang pagnakaw niya ng tingin ay pumitas na lamang ng ilang bulaklak na malapit sa azotea.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Where stories live. Discover now