꧁ ҳҳҳ | ɬгєıŋɬą

1.9K 92 5
                                    

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁

Ang mga mangkok at palayok na kaninang punong puno ng kain at ulam ay nagmistulang dinaan ng bagyo ngayong kakatapos lang namin magtanghalian. Ang palayok na naglalaman ng maputing kain ay mangilan-ilang butil na lamang ang natitira. Samantalang ang tatlong mangkok na puno ng iba't ibang putahe, kung hindi sabaw ay kakarampot na lang ang naiwan.

Si Doña Soledad ang unang tumayo matapos magpunas ng kanyang bibig gamit ang puting serbiliyeta. Pagkaraan ay siya namang nagpaalam na may aasikasuhin pa kaya nama'y mauuna nang lumisan. Ako'y ngumiti at nagpaalam sa doña ngunit lihim na nagtaka sapagkat inaakala kong masesermunan na naman ako dahil sa aking ginawang paglisan ng walang paalam kaninang umaga.

"Wari ko'y abala si Doña Soledad mula nang tayo ay makabalik dito sa bahay-tuluyan? May naganap ba sa simbahan noong wala ako?" paghimpil ko kay Crispin matapos makitang nakalayo na ang doña sa amin.

Si Crispin— na kasalukuyang nagliligpit ng aming pinagkainan— ay napahinto sa ginagawa upang ako'y lingunin.

"Nagkita po ang doña at si Kapitan Valentin sa simbahan. Ipinarating ni Doña Soledad sa kapitan ang balak na pagpapatayo ng pagawaan ng lambanog ng familia Marqueza rito sa San Diego. Tila po'y interesado ang kapitan kaya sila ay nagkalaliman ng pag-uusap. Iyon po siguro ang dahilan kung bakit biglang naging abala ang doña ngayon," aniya.

Ipiniling ko ang aking ulo dahil hindi ko nababatid ang pagkakakilanlan ni Kapitan Valentin. Halos ilang linggo na kaming nalalagi rito sa San Diego ngunit wala pa ring katiyakan kung maisakakatuparan at kung saan itatayo ang plantasyon ng lambanog. Bagamat bantog sa karatig-bayan ng Santa Cruz ang familia Marqueza, hindi ito dahilan upang mapadali ang pagpapalawak ng kanilang kalakal. Dahil mas uunahin ng Cabeza de Barangay ang kalakalan ng kanilang sariling pueblo kaysa sa mga dayuhan na ibig magpatayo ng kanilang kalakalan sa bayan nila.

Nang hindi ako tumugon ay nagsapantaha si Crispin na tapos na ang aming usapan. Siya ay muling naglikom ng mga kubyertos na naiwang nakalantad sa lamesa. Papatalikod na si Crispin buhat-buhat ang apat na magkakapatong na babasaging mga plato nang may bigla akong maalala.

"Sandali lamang, Crispin!" ang may kalakasan kong pagpigil sa kanya, "Nalalaman mo ba kung saan naroroon ang lugar ng San Gabriel?"

Dahan-dahang lumingon sa akin si Crispin at sandaling napatingin sa itaas.

"Hindi po, señorita," sagot niya matapos ay sandaling napahinto, "Subukan po ninyong dumulog kay señor Albino sapagkat siya po'y tubong tagarito."

Nginitian ko si Crispin at sinabihang ipagpatuloy na niya ang kanyang ginagawa na agad naman sinunod ng paslit.

May punto ang sinabi ni Crispin. Nalimutan kong hindi nga pala siya ang nakababatang kapatid ni Basilio at naitanong ko tuloy kung nasaan ang San Gabriel sa kanya. Minsan nga'y naiisip ko kung nasaan ang Crispin nina Basilio at Sisa. Ngayong nasa San Diego na ako't nakatagpo ko na ang ilan sa mga pangunahing tauhan ng Noli Me Tangere, ngayon lang din talaga nanuot sa aking kaibuturan na nasa loob ako ng nobelang iyon.

Bago pa man lumalim ang aking iniisip ay umiling-iling na ako upang mawaglit sa aking isipan ang mga ito. Nagpasya na akong lumabas upang hanapin si Albino at hindi nga ako nabigo nang makita ko siya sa hindi kalayuan. Siya ay nakagilid at tila binabasa ang hawak-hawak niyang liham.

"Isa ba iyang liham ng pag-ibig kaya't hindi mo maalis-alis ang iyong paningin diyan?" may bahid ng panunukso kong saad nang makalapit ako sa kanya.

Tila nagitla ang guardia civil at mabilis na ipinasok ang liham sa kanyang mano. Imbis na mamula'y alanganing nag-iwas ng tingin sa akin subalit ilang sandali lang ay palihim na bumuntong hininga.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Where stories live. Discover now