28

31 18 0
                                    

28th Piece Title: MBW inspired poem.
©PMBPoemOriginal (2021)



Nagsimula tayo sa simpleng ugnayan
Nabuo tayo sa isang masayang samahan
Binuo natin ang salitang pagkakaibigan
Ako'y napapangiti sa mga simple mong banatan
Mga kasabihan, korning katatawanan at biruan.

Ngayon, naglakas-loob gumawa ng tula para sa iyo
Nais ko lang ilabas ang saloobin ko
Mga pangungusap na binubuo ng iba't ibang mga salita,
Mga katagang alam ko naman na hindi mo na mapapakinggan pa.

Alam mo ba, bago ka magkagusto sa tulad ko ay nagustuhan din naman kita?
Hindi ko lang sinabi dahil natakot ako
Natakot sa mga pwedeng mawala, mga bagay na pwedeng masira.
Hindi ko nasabi, hindi ko maamin sa iyo.

Sapagkat hindi ko kaya,
Na ipagpalit 'yung ikaw at ako sa salitang tayo na pwedeng maging dahilan para tayo'y magkahiwalay at magkalayo
Ayaw kong sumugal,
Natakot akong baka hindi rin naman tayo magtagal.

Hanggang sa biglang dumating ang araw na kinatatakutan ko
Araw na hindi ko akalaing darating at mararanasan ko
Umalis ka at tuluyan akong iniwan,
Pumunta ka sa lugar na hindi ko naman pwedeng sundan.

Kung kailan naman gusto ko ng kumapit
Doon ka pa bumitaw?
Bakit kung kailan ako naman 'yung lumalapit
Ikaw naman itong kusang lumalayo't hindi na lumitaw.

Sabi mo lalaban ka?
Sinabi mong kakayanin mo pa
Pero bakit bigla ka na lang nawala?
Bakit ka nang-iwan bigla?

Patawad...

Patawad kasi hindi kita kinausap noong mga panahong pwede pa kitang kausapin
Patawad kasi sinayang ko 'yung mga oras na pwede pa sana kitang makasama
Patawad kasi pinabayaan kitang lumaban mag-isa
Patawad kasi hindi ko man lang naiparamdam sa 'yong mahal din kita.

Mahal, maaari bang ako naman 'yung humiling?

Hihilingin ko lang na sana maibalik ka sa akin
Kahit saglit lang, uulitin ko lang 'yung orasan
Susubukan ko lang nakawin ang mga segundong ating hinayaan
Kung puwede lang sanang angkinin ka ulit ay aking gagawin
Maiparamdam ko lang sa 'yong karapat-dapat kang mahalin nang paulit-ulit.

Mahal, nami-miss na kita sobra.
Puwede bang payakap saglit?
'Yung yakap mo na hindi nakakasawang hingiin?

Ngayon, tatapusin ko na itong tula
Tatapusin ko na kahit hindi ko pa kaya
Kasabay nito ang pagbitaw ko sa ilang alaala
na mayroon tayong dalawa.

Salamat kasi nakasama't nakilala kita.
Hanggang dito na lang, salamat muli
aking sinta.







Spoken Word PoetryWhere stories live. Discover now