29

28 17 0
                                    

29th Piece Title: Padayon.
©PMBPoemOriginal (2021)
Tula para sa aking Ama't Ina.




Ngayong araw,
hayaan ninyo akong handugan kayo ng isang tula
Na aking inisip, sinulat, tinugma at inilathala
Ngayo'y inyong maririnig mula sa akin
Ang mga bagay na nais naming sabihin

Ma, Pa, maraming salamat
Sa lahat ng pagod, paghihirap at salat
Mga sakripisyo niyo't lahat
Kami ay buong pusong nagpapasalamat

Sa mga sermon, payo ninyong walang humpay
Hindi namin kayo kalilimutan sa aming mga tagumpay
Mga salitaan ninyo dati'y hindi namin maintindihan
Ngayo'y lubos na naming nauunawaan.

Parati man kaming makulit, nagloloko paulit-ulit
Kayo ay nariyan, handang manaway at magalit
Kahit minsan kami ay hindi sumusunod
Nandyan pa rin kayo gumagabay kasunod.

...ng padyak ng bawat paa namin papunta sa lugar kung saan dapat kami pimirmi
Naroon kayo nakaantabay, nakatingin, nakangiting naghihintay sa bawat isa sa amin.

Matuwa kayo dahil sa tagal ng panahon
Sabay-sabay tayong umuusad at aahon
Matuwa kayo kasi may apat na bata kayong napagtapos ng elementarya kahit halos mamulubi na tayo kalilipat ng bahay noon.

Matuwa kayo kasi kahit ganoon ay may napatapos na kayo sa k-12 na ngayon ay kolehiyo na.
Patuloy na mag-aaral nang mabuti
Hindi ipaparamdam sa inyo ang dalamhati.

Nais kong makita muli ang saya sa inyong mga mata.
Noong narinig n'yong ang ilan sa anak ninyo'y nanguna sa klase.
Tinawanan dahil sa mansanas nitong dala na siyang ginawang medalya.

Nakakatuwa, hindi ba?

Nais kong makita muli ang ningning sa inyong mga mata.
Noong narinig ninyo na ang ilan sa anak n'yo ay nanalo ng ilang sertipiko't medalya.
Nais kong masilayan muli ang lahat ng iyon
Mas lalo na kapag naiabot na namin sa inyo lahat ng diplomang makukuha namin yaon.

Ang dedikasyon ninyo sa mga trabaho n'yo
Ang nagpalaki sa amin, ang paghihirap ninyo
Ang naging rason namin, ang pagsasakripisyo n'yo ang naging gabay at tambayan namin.

Patawad, kung parati na lang kami nagkakamali
Patawad, kung nagpapasaway pa rin kami
Patawad, kasi hindi namin nasabi sa inyo kung gaano kami nagpapasalamat sa presensiya ninyo.
Palagi n'yo sanang tandaan na may apat kayong anak na parating sa inyo ay magmamahal at magpapasalamat.

Padayon, hindi pa ito ang huli.
Marami pa tayong gagawin, konting oras pa...
Konting panahon na lang, kami ay makakabawi na rin

At sa oras na iyon,
Isa-isa ang mga pangarap ninyo para sa amin ay makukuha na natin
At ang mga pangarap na binuo namin kasama kayo
Paunti-unti ay ating mararating.

Ito'y isang mensahe galing sa anak ninyong
Nangako na makakapagtapos
Ito'y isang tula gawa ng anak ninyong
medyo tanga at lampa
Patuloy na mangangarap para sa ating hinaharap.





Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon