30

28 17 0
                                    

30th Piece Title: Ang sulat ko para kay Pan.
©PMBPoemOriginal (2022)



Hayaan n'yong umpisahan ko ito sa pagtatanong ng bakit ngayon pa?
Bakit sa dinami-rami ng araw, buwan, taon ay dumating ka pang pandemya ka.
Lahat tuloy ng tao rito sa mundo ay apektado dahil sa pagdating mo.

Dinaig mo pa ang isang granada,
na bigla na lang ding sumabog
sa 'di namin malamang dahilan.

At dahil nandito na nga kami,
tinanggap ka namin.
Sinong mag-aakala na may magandang dulot ka rin?

At sa edukasyon naging susi ka para maging malikhain kami.
Dahil sa iyo, napilitan kaming gumamit ng iba't ibang anggulo, paraan para matuto.

Pagtuturo at Pagkatuto
Dalawang salita
magkaibang pakahulugan.
Iba ang pagbaybay
At ikaw, ikaw ang naturo
Kami naman sa iyo ay natuto.

Ikaw ang naging dahilan kung bakit
Ang mundo ay pansamantalang nakahinga
Ang mga tao ay napasobra na sa pahinga
Salamat kasi kahit papaano may rason naman pala kung bakit dumating ka pa.

Dahil sa iyo...
Natutong tumayo, turuan mong bumangon.
Kahit na para bang paulit-ulit na lang ang hamon
Sa buhay ay nahirapan,
Hindi kinayang mag-isa sa harapan
Nakalulungkot na mga balitaan
Parati na lang naririnig mapa-kanan o kaliwa man.

Nasanay kaming mag-isa, nakatulala
Nakatingin sa hangin na para bang may inaalala
May gumagambala sa loob ng aming isipan at parating may babala
Maliit na boses ang nagsasabing hindi namin kaya.

Natutong gumamit ng kompyuter
Lumaganap ang 'di berbal na pag-uusap
Tuluyang nagbago ang kinagisnan
Nasanay na parati na lang ganito sa daan.

Ang masiglang klase na higit pa sa sampu ang bilang, ngayon ay mas bumaba pa.
Mula sa mga salitang “ipasa na ang iyong papel” naging “ipasa n'yo na sa gclass natin.”
Dati pawang kuwaderno ang mga nais tsekan pero ngayon sa dokyument na.

Ilan lamang ito sa mga pagbabagong dulot mo. Kita mo na? Kinaya namin at mas kakayanin pa namin.

Tinuruan mo kaming magpakatatag,
lumakas kami at naging panatag;
Ang takot ay pansamantalang nawala
'Di pinasawalang-bahala ang iyong presensiya

Sapagkat batid namin
na kaya ka dumating
ay para makabawi kami
sa lahat ng pagkukulang na nagawa
mapa-kaibigan o pamilya man namin.

Natuto kaming mag-isa,
Ngunit tinuruan mo kaming magbago't humanap ng kasama.

Dahil sa digmaan na ito ng buhay
Kapag hinayaan na lang namin 'to
Susugod nang mag-isa, tiyak mapapagod.
Nagpapatuloy kahit na walang sapat na rason?
Paniguradong sa agos ng buhay
Kami ay matatalo.

Aking ipagpapatuloy ang paglayag
Sa paglipad, kasangga ko ang inyong mga pakpak
Tila naging ibon sa pakiramdam na paglaya, salamat.
Dahil sa iyong kinaiya, nahanap ko ang aking hiraya.

Padayon sa laban
Ako man ay manghina
Kami nama'y may sasandalan

Ang sandata'y panalangin
Kami ay patuloy na hihiling
Taimtim na nananalangin
Wakas mo ay aming mithiin.

Bago ko 'to tapusin,
Hayaan n'yong ipaalala kong muli sa inyo na,
Ang pandemya ang nagturo, tayo ang natuto.
Muli, ako si Edu ang tahimik n'yo kaibigan na mananatiling katuwang ninyo sa lahat ng bagay. Maraming salamat.






Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon