Kabanata 1

10.2K 361 177
                                    

"ALI! May bata dito!" malakas na sigaw ni Stefan nang makita ang isang sanggol na mukhang nasa isang taong gulang pa lamang.

Natigil sa pagbibilang ng mga bote at dyaryo si Ali na matalik na kaibigan ni Stefan at nagmadaling lumapit sa kinaroroonan ng binata.

Nang makita ni Ali ang sanggol ay umawang ang kanyang bibig dahil sa angking kagandahan nito. Para bang anak ito ng isang foreigner dahil sa banyagang itsura at mestisang balat.

"Sino kaya ang nag-abandona sa baby na 'yan?" malungkot na sabi ni Ali at tinignan si Stefan.

Kumuyom ang panga ng tahimik na si Stefan at kinuha ang sanggol sa trash bin kung saan ito inilagay.

Tinatawag siyang suplado at walang emosyon dahil sa kanyang personalidad. Totoo iyon dahil bukod kay Ali na matalik niyang kaibigan at kay Lola Remy na siyang kumupkop sa kanya nang mamatay ang kanyang mga magulang ay wala na siyang ibang pinapahalagahang tao.

Nakaramdam siya ng awa sa sanggol na itinapon sa basurahan. Kahit na sanay na sila ni Ali sa amoy ng basura dahil isa ang pangangalakal sa trabaho nila ay hindi pa rin dapat inabandona sa basurahan sa harapan ng simbahan ang batang babae. Kung ayaw ng mga magulang nito sa kanya ay bakit kailangan pa itong itapon at hindi na lang ipaampon sa bahay ampunan?

"Iuuwi natin 'tong baby at sasabihin ko kay Lola Remy na inabandona siya dito sa tapat ng simbahan." ani Stefan na pinagmasdan ang sanggol na hawak.

Napakacute nito at bilugan ang kulay tsokolateng mga mata, idagdag pa ang kulay kahel nitong buhok. Mukha itong manika kung titingnan. Hindi maintindihan ni Stefan ang kanyang sarili dahil ito ang unang beses na nagkaroon siya ng simpatya at interes sa isang tao.

"Mas mabuti pa nga. Kawawa naman at baka hindi pa siya nakakainom ng gatas. Ang tahimik niyang baby, parang ikaw!" Natawa si Ali sa sinabi at tinapik ang balikat ni Stefan na umiling at bumuntonghininga.

Matapos nilang mangalakal ng mga bote at dyaryo at ibenta ito sa junk shop ay kaagad silang umuwi sa barong-barong na bahay ni Lola Remy na kanilang tinutuluyan. Naabutan nila ang matanda na nagluluto ng pritong tuyo at itlog para sa kanilang hapunan.

Nang lumingon si Lola Remy sa kanila ay natigilan ito nang makita ang karga na bata ni Stefan.

"Jusmiyo! Kaninong sanggol iyan, Stefan?" gulat na tanong ng matanda na pinatay ang gas stove at sandaling itinigil ang pagluluto. Lumapit ito kina Ali at Stefan at dahan-dahang kinuha at kinarga ang sanggol.

"Nakita lang po namin siya sa basurahan. Mukhang inabandona siya ng mga magulang niya at itinapon lang doon." sagot ni Stefan.

"Hindi ko talaga maintindihan ang mga kabataan ngayon. Kung ayaw nilang magkaanak ay bakit sila nagpapabuntis? Kapag nagbunga ang ginawa nila at ayaw nila ng bata ay basta-basta na lang nilang itatapon mawalan lang ng responsibilidad. Nakakaawa naman ang magandang batang ito, mukhang nalahian pa ng isang banyaga." nag-aalalang sabi ni Lola Remy na marahang hinaplos ang makinis at mamula-mulang pisngi ng sanggol.

"Baka siguro wala silang perang pantustos kay baby?" sabi ni Ali na umupo sa silyang gawa sa kawayan at hinilot ang mga paa.

"Kailangan nating ibigay ang sanggol sa DSWD-"

"Hindi ba pwedeng kupkopin na lang natin ang bata, lola?" Pagputol ni Stefan sa sasabihin pa sana ni Lola Remy.

"Stefan, kung aalagaan natin ang sanggol ay baka hindi natin siya mabibigyan ng magandang kinabukasan dahil hirap din tayo sa buhay. Kung ibibigay natin siya sa DSWD ay maaalagaan nila ang sanggol at baka ipaampon sa mayamang-"

"Ako na po ang bahala sa bata. Dodoblehin ko pa po ang pagtatrabaho sa palengke at pangangalakal para matustusan ang pangangailangan niya." sabi ni Stefan na determinadong ampunin ang sanggol.

The Devil's Innocent BrideDonde viven las historias. Descúbrelo ahora