Abito

73 3 0
                                    

Abito

Nakakapanibago, ang daming tao sa simbahan. Karamihan ay nakita ko na kaninang madaling araw na misa. Ipinagdasal ko itong araw na ito. Ipinagdasal ko sa Panginoon na bigyan niya ako ng tamang kaisipan at lakas ng loob upang sabihin ang nais kong sabihin sa huling pagkakataon.

Sabi ng aking ina noon, 'Ang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali. Kapag nagkamali ka, akuin mo iyon.'

"Magandang hapon sa inyong lahat." Nanginginig ang kamay ko habang hindi ko naman maunawaan ang aking isinulat sa index card.

Naalala ko ang isang Linggo na nagpabago ng buhay ko.

Araw iyon ng kumpisal at nakaupo ako sa upuang nakalaan para sa akin. Kinapapanabikan ko ang araw ng kumpisal. Kinasasabikan ko na magpatawad sa ngalan Niya. Kinasasabikan ko ang araw na ito kahit madalang ang umuupo sa tabi ko sa panahon ngayon.

"Padre," wika ng isang babae na umupo sa upuan ng kumpisalan. "Magandang araw po."

"Magandang araw din," bati ko naman. "Magsimula na tayo kung kailan ka kalmado."

"Patawarin ninyo ako dahil ako ay nagkasala."

"Nakikinig ang Panginoon," sagot ko.

"Ako po ay makasalanang babae na may maruming hanapbuhay. Hindi ko po ginusto na mapunta sa ganitong trabaho ngunit dala ng kahirapan, pikit mata na lang akong nagpatuloy. Gusto kong humingi ng tawad sa anak ko dahil hindi ko masabi kung sino ang kanyang ama. At nais ko rin humingi ng tawad sa walang malay na ama ng anak ko. Hindi niya alam na nagbunga ang pamimilit ko sa kanila noon."

Umiyak muli ang babae sa kabila ng upuan. Nakasarado ang tabing ng maliit na bintana kung kaya hindi ko makita ang kanyang mukha. Hindi ko maabutan ng tissue man lamang.

"Nahiya ako noong nalaman kong mga seminarista sila. Nahiya ako dahil mas inuna kong kumita ng pera noon. Mas lalo akong nangliit nang magbunga ang panloloko ko. Nabuntis po ako, Padre. Nabuntis ako nang nilasing kong seminarista."

Patuloy sa pag-iyak ang babae at ako naman ay nawalan ng kakayahang magsalita. Hinintay ko siyang muling magsalita ngunit hindi na siya nagpatuloy.

"Binuhay mo ba ang bata?"

"Opo," sagot niya na ikinahinga ko ng maluwag. Hindi ko akalain na nagpipigil ako ng hininga.

"Opo, binuhay ko. Binuhay ko kahit sa maling paraan. Pinilit kong magtrabaho ng marangal no'ng nagsimulang mag-aral ang bata. Awang-awa ako sa anak ko. Nilalayuan ng mga kaklase na parang kasalanan niya na masamang babae ako."

"Ang ating Panginoon ay mapagpatawad—"

"Pero Father, paano ko iiwan ang bata?"

Iiwan?

"Hija—"

"May taning ang buhay ko. Paano ko iiwanan ang anak ko? Father, paano?"

Humagulgol muli ng iyak ang babae at hinayaan ko siyang kumalma bago ako muling nagsalita.

"May idadagdag ka pa ba?"

"Wala na po," mahinang sagot niya.

"Ang ating Diyos ay mapagpatawad. Pinapatawad ka niya sa iyong mga kasalanan at nawa ay lumisan ka na may kapayapaan sa kalooban. Hindi pababayaan ng Panginoon ang iyong anak. Sa paglabas mo rito sa kumpisalan, hinihiling kong magdasal ka ng limang Ama Namin, limang Aba Ginoong Maria at limang Luwalhati."

Lumabas ang babae sa kumpisalan ngunit may maliit na tinig sa likod ng aking isip na nagsasabing sundan ko siya.

Lahat tayo ay nagkakasala, maging ako noon ay makasalanan rin. Alam ko sa sarili ko na napatawad na ako ng Ama ngunit alam ko rin ang pakiramdam na hindi mapatawad ang sarili.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 18, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Midnight Thoughts (Short Stories Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon