Gusto Kong Bumalik

633 50 4
                                    

Gusto kong bumalik sa mga panahon na ang tanging suliranin ay ang pagtakas sa pagtulog.
Ang tanging iniisip ay kung ano ang bibilin sa baon kinabukasan o kung sapat ba ang limang piso kung bibili pa ako ng laruan.

Gusto kong bumalik sa mga panahon na natatanaw ko ang buwan, kumakanta kapag umuulan. Naririnig ang kuliglig sa paligid at napapasigaw sa mga dumadapong salagubang.

Gusto kong bumalik sa noon ay batang ako at sabihing huwag magmadali. Maging masaya sa bawat sandali na kapiling ang mga kapatid at ina at ama sa maliit na bahay.

Gusto kong bumalik sa aking kabataan kung saan ang miryenda ay bayabas o di kaya kaymito sa tabing daan. Uupo sa kalsada habang nagbabatukan kapag mayroong pagong na dumadaan.

Gusto kong bumalik sa simpleng tahanan, na kung saan katabi ko ang aking mga kapatid at walang sawang nagkukwentuhan hanggang bawalan kami ni ina, at bilangan na ang simula ay "Dalawa".

Gusto kong bumalik sa batang ako at umiyak sa kanya dahil nabigo ko ang binuo niyang mga pangarap. Gusto kong humingi ng tawad sa batang ako at sabihing, bagalan mo naman ang paglaki mo. Mahirap sa panahon ko.

Midnight Thoughts (Short Stories Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon