Chapter 19

648K 19.9K 4.7K
                                    



TUMANAW sa kawalan si Just Lander matapos nyang makipag-usap sa cellphone. Alam ko iyong cellphone, binilhan na nya ako nito dati kung saan kaya ko syang kausapin kahit malayo sya sa akin.

Lumapit ako sa kanya. "Just Lander, uuwi na ba tayo?"

Pumamulsa siya at nagsalita nang hindi tumitingin sa akin. "Hindi na tayo makakauwi."

"Ha?" Tumakbo ako patungo sa kanyang harapan at tiningala ko siya. "Bakit?"

"Delikado. Mapapahamak tayo."

"Hala! Paano si Lola Peach? Bumalik tayo sa mansiyon, Just Lander. Iligtas natin si Lola."

Hindi agad siya kumibo. "Hindi."

"Pero–"

"Kapag sinabi kong hindi, hindi. Naiintindihan mo?" Matalim siyang tumingin sa akin.

Napakapit ako sa kanyang braso. "Paano si Lola?" Namalat ang tinig ko. Kung totoo mang delikaso bumalik sa mansiyon ngayon ay tiyak na nanenelikado rin doon ngayon si Lola Peach. Nag-aalala ako sa kanya.

Napapahilot sa kanyang batok na lumayo sa akin si Just Lander. Para siyang namomroblema. "How can we save her? Wala na ang mga tauhan ko roon at posibleng maraid na ang mansion anumang oras mula ngayon."

"Raid?"

"Pupunta roon ang mga pulis at sundalo."

"Pulis at sundalo?"

"Oo. Pulis at sundalo." Napakamot siya sa kanyang kilay. "Sila iyong nanghuhuli ng masasamang tao."

Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi. "Ibig sabihin, huhulihin ka nila?"

Napalingon siya sa akin. Saka lang nagtagpo ang aming mga mata. "So alam mo na pala na masama akong tao?"

Napalabi ako. "Iyon ba ang tingin mo sa sarili mo?"

Biglang lumamlam ang asul niyang mga mata.

Ikiniling ko ang aking ulo para pagmasdan siya nang mabuti. "Ano ba ang mga ginawa mo kaya mo nasabing masama kang tao?"

Umigting ang kanyang panga. "Marami."

"Tulad ng ano?"

Napabuga siya ng hangin. "Pumatay ako ng tao."

"Kung ganoon, hindi ka masama. Nagkasala ka lang."

"Tsss..." Pumaling muli sa kawalan ang kanyang mga mata. "Ang mga masasamang tao ang mga nagkakasala."

Kinalabit ko siya sa braso. "Ibig sabihin ba ay masamang tao si Lola Peach?"

"Huh?"

"Pumatay rin kasi siya."

Nangunot ang kanyang noo. "May pinatay siya?"

"Oo. Sabi niya kasi sa akin ay patay na patay raw sa kanya iyong Ybarra. Iyong matandang lalaking walang kilay."

Hindi ko alam kung bakit bigla na lang bumagsak ang balikat ni Just Lander.

Muli ko siyang kinalabit sa braso. "Mabuting tao si Lola Peach. Marami siyang itinuro sa akin. Sa madaling salita, hindi lahat ng nagkakasala ay masama."

Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti. Sa ginawa niyang iyon ay para na rin niya akong binuhat sa ere.

Napapangiti na rin naman si Just Lander noon, pero iba ang dating ng ngiti niya ngayon. Hindi ko maipaliwanag, pero iba talaga. Ibang-iba ang mga labi niyang nakangiti ngayon.

Umangat ang kanyang kamay upang pisilin ang aking baba. "You mean, hindi ka naniniwala na masama akong tao?"

Umiling ako. "Naniniwala ako na nagkasala ka. Pero hindi ibig sabihin niyon ay masama ka." Inilapat ko ang aking palad sa kanyang matigas na dibdib. "Ang totoong masamang tao ay wala nito. Kapag hindi mo na ito nararamdaman, ibig sabihin ay masama ka talaga."

His Indecent Proposal: Lander MontenegroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon