⇜CHAPTER 2⇝

365 10 2
                                    


               "Ah! Narumi!"

              "Shhh!" bigla niyang sabi sabay takip sa bibig ko. Tapos parang takas sa preso na nagtatago sa pulis na sumilip sa bintana. Grabe kabado talaga siya. Nanlalamig pa nga yung kamay nya eh.

              Tinanggal ko yung kamay nya sa bibig ko. Hindi kasi ako makahinga.

              "Sorry," sabi nya lang. Tapos pareho na kaming natahimik. Ang awkward lang habang nakasalampak kami pareho sa sahig.

             "Aaahhh, sige ha. Alis na 'ko," sabi ko maya-maya saka tatayo na sana pero pinigil nya 'ko. Salampak uli ako sa sahig.

             "Aray! Dahan-dahan naman noh. Bakit ba?" naiinis at nagtatakang tanong ko. Pero pinatahimik nya lang uli ako sa pamamagitan ng pag-shush sa akin habang silip pa rin sya nang silip sa bintana.

              Ano ba 'to? Paranoid?

              "Aalis na 'ko. Uuwi na kase ako. May homeworks pa ko'ng gagawin," paliwanag ko sa kaniya na parang nagrereklamo na rin. Istorbo na kasi siya. Pero di pa rin siya sumagot. Basta para lang siyang timang na takas sa mental na silip nang silip sa bintana. Akala mo mahuhuli ng hukbalahap at ibibitin patiwarik sa ibabaw ng aquarium ng mga pating. Kung pagpawisan sya ng malamig wagas.

             Teka. Siguro hindi niya 'ko naiintindihan. Kasi Japanese siya di ba?

             "Ahhh...I need to go. I'll make homework pa kase," awkward na translate ko sa English. Worst subject ko kase ang English. Hirap ako pagdating dyan.

              Tiningnan naman ako ni Narumi. Pero di pa rin sya nagsalita. Nangunot pa nga yung noo niya. Siguro di nya rin maintindihan. Kase di ba hindi rin naman magaling sa English ang mga Hapon? Kaya nag-try ulit ako magpaliwanag. Mas sinimplehan ko yung English ko.

              "Ahhh..." bungad ko habang iniisip kung paano magta-translate sa English. "Homeworks. Assignments," sabi ko sabay sulat-sulat sa palad ko gamit ang daliri. Baka kase ma-gets nya kung may action. Pero hindi pa rin eh. Lalo lang nangunot ang noo niya.

              "Homeworks. Work that you do at home. Homework," paliwanag ko ulet. Nang di pa rin siya umimik, nauubusan ng pasensyang kinuha ko ang libro sa bag at ipinakita iyon sa kaniya.

             "Book. You open. Then you read. Then answer the questions. Like this, you see," sabi ko habang pinapakita sa kaniya yung page na assignment namin para bukas. Pero matapos niya yung tingnan, tiningnan niya lang ulit ako na parang nasasapian ako ng engkanto.

             "Amputcha naman! Ano'ng paliwanang pa ba ang kailangan mo? Ano gusto mo mag-Japanese pa 'ko? Hindi ako marunong mag-Hapon okay? Hindi!" frustrated kong reklamo. Halos sabunutan ko na si Narumi sa pagka-frustrated ko. Syempre si Narumi ang gusto kong sabunutan, alangan namang sarili ko eh siya ang hindi makaintindi. Nagulat tuloy ako nang bigla siyang magsalita ng...

              "Eh di mag-Tagalog ka. Sino ba nagsabing mag-Japanese ka? Ang sagwa ng English mo, nag-English ka pa!"

              Napanganga ako. Nag-Tagalog siya! Dire-diretcho. AS IN!

              "Marunong kang mag-Tagalog!?" parang tangang tanong ko kahit obvious naman ang sagot. Nagsalita na nga siya ng Tagalog eh. Pa-point-point finger pa 'ko sa kaniya.

              "Nag-Tagalog ako di ba? Malamang marunong ako," sarkastikong sagot niya.

               "Pero di ba...Japanese ka?" namamangha pa ring tanong ko na parang niloloko ako ni Narumi habang parang namaligno na nakaturo pa ang hintuturo sa kaniya.

               "I'm half-Filipino. Pinay ang mommy ko," parang asar na sagot nya.

               "Malay ko ba," nakalabi namang sagot ko sabay halukipkip. Sinamahan ko pa ng irap. Siya naman ang nagulat.

               "Hindi mo alam?"

              "Hindi! Hindi naman kasi lahat ng babae sa mundo fangirl mo. Kaya wag kang assuming. Hmp! Che! Di ka naman ka-gwapuhan, ang yabang mo. Dyan ka na nga," mataray kong sabi tapos tumayo na 'ko. Iiwanan ko na talaga siya.

              "Sandali!" nabiglang sabi niya sabay pigil sa akin sa braso.

              "Ano na naman?" mataray kong tanong habang natayo si Narumi. Medyo nagulat pa 'ko nang ma-realize kong ang tangkad niya pala. Di ko kasi masyadong napansin yun kanina kasi ang bilis ng mga nangyari. Pero ngayon na halos hindi siya makatingin sa akin ng diretso, nagkaroon ako ng pagkakataong mapagmasdan siya.

              Ang cute nya naman pala talaga. Kaya siguro marami siyang fangirls. Pero ang dami namang cute na lalaki diyan sa tabi-tabi eh. So, kung looks lang din ang pagbabasihan, wala naman talagang espesyal kay Narumi Takada. He's just another pretty face, ika nga.

              Timang! Look at him closely, udyok ng utak ko na magaling mang-uto. Kaya nauto naman ako. Tinitigan ko nga tuloy si Narumi habang parang hiyang-hiya siya at halos kainin ang sarili niyang dila.

             Ano'ng nangyari sa kaniya?

             Narumi looked so uncomfortable. Pero parang...parang mas lalo siyang naging cute. Feeling ko tuloy nagba-blush na 'ko. Shet! Posible bang madagdagan ang pagka-cute ng isang tao dahil lang nahihiya siya?

              Dinala ni Narumi ang kanang kamay sa mukha saka pumikit at nagbuga ng hangin. Parang napipilitan siya na ewan. Muntik pa akong mapaatras nang pagdilat niya ay sa akin na siya nakatingin. Isang mata niya lang ang nakikita ko kasi hindi niya pa rin inaalis ang kamay niya sa mukha niya. Pero parang natulala pa rin ako. Parang...parang ginagayuma ako ni Narumi. Dinadala ng isang salamangka. Parang nahi-hypnotize ako ng mata niya.

              Hwaaah! May sharingan kaya siya? tanong ko sa isip nang sa wakas ay magsalita siya.

             "I...need your help."

He's a SuperstarWhere stories live. Discover now