⇜CHAPTER 3⇝

326 8 4
                                    

     "Naloloko ka na ba?" tanong ko kay Narumi nang makabawi ako sa pagkabigla. Nakakalaglag lang ng panga ang tulong na hinihingi niya. Tulungan ko daw siyang makalabas ng campus na walang makakakita sa kaniya. Sa dinami-dami ba naman ng mga fangirls niya sa tingin niya madali lang 'yon? Ano palagay nya sa 'kin magician na pwede siyang magic-in palabas ng campus?

    Sinalubong lang ni Narumi ang mga mata ko.

    Nagbuntung-hininga ako. Mukhang seryoso nga siya.

   "Isang beses lang ito ha. Ngayon lang," sabi ko sa kaniya. Itinaas ko pa ang hintuturo ko para i-emphasize na isang pabor lang talaga ang ibibigay ko sa kaniya. Para maintindihan niya na hindi ako mahilig magkawang-gawa. One time deal lang talaga iyon.

   Tumango si Narumi.

   "Aarrrgggg. Feeling ko pagsisisihan ko 'to," reklamo ko sa sarili pero hindi na 'ko bumulong. Eh ano kung marinig niya? Mabuti na 'yung alam niya kung gaano kalaking abala sa akin ang pabor na hiningi niya.

   Sumilip ako mula sa bintana para tiyaking walang tao sa paligid. Tapos maingat kong pinihit ang seradura at iniawang ang pinto saka sumilip uli. Nang masiguro kong walang tao sa labas, sinenyasan ko si Narumi na sumunod. Tapos maingat akong lumabas ng silid kasunod ang tinitiliang idol ng halos lahat ng babae sa campus.

   Nag-ala ninja kami sa pagtatago para lang makaiwas sa mga fans ni Narumi. Nagkalat sila sa buong campus. Grabe kumalat na siguro ang chismis na nandito si Narumi kaya ayun. Parang may mga gwardiya sibil sa campus. Tagaktak na ang pawis namin. Ang hirap palang maging ninja. Hindi yata kakayanin ng powers ko 'to.

   Tatakbo na sana ako kasunod ni Narumi kaso sumabit yung buhok ko sa sanga ng halaman. Para tuloy tinubuan ng spring ang buhok ko at imbes na makatakbo, napabalik ako ng di oras.

  "Ara...!"

  Maagap na tinakpan ni Narumi ang bibig ko para hindi ako marinig nung girl na parang aso sa paghahanap. Narinig niya nga yata ako eh kasi lumingon sya sa pinagtataguan namin. Nag-usisa siya sa halaman. Titingin-tingin at sisilip-silip kaya halos patayin na 'ko ni Narumi sa sobrang higpit ng pagtakip niya sa bibig ko. Amputcha! Hindi na nga ako makahinga eh.

  Nang umalis si girl, kinagat ko yung kamay ni Narumi. Bwahahahahaha.

  "Aray!" reklamo niya.

  "Quits na tayo. Muntik mo na 'kong patayin eh," taas ang kilay na sabi ko sa mahinang boses. Nakakita naman ng pagkakataon si Narumi na makaganti nang may marinig kaming mga paparating na babae. Hinaltak ni Narumi ang buhok ko mula sa pagkakasabit sa sanga! Ni hindi ako nakasigaw kahit masakit. Lalo kasi akong masasaktan pag nahuli ako ng mga fangirls niyang kasama siya. Aba! Paniguradong giyera ang aabutin ko. Baka pasabugan nila ako ng dinamita. Kaya wala akong nagawa kungdi sumunod na lang nang hilahin ako ni Narumi paalis sa pinagtataguan namin.

  Matapos ang ilang minutong pagtatago, pagkain ng damo habang subsob ang mukha namin sa pagdapa para hindi makita, pag-aala butiki sa pagdikit sa pader at mga isang dosenang beses na muntik na akong mabistong ipinupuslit ko si Narumi palabas ng campus, sa wakas, nakalabas din kami.

  "I'm aliiiivvveee," masayang sabi ko sabay taas ng dalawang kamay na parang nagha-halleluja sa langit. Pero unti-unting nawala ng ngiti ko nang mapansin ko ang isang babaing estudyante ng school namin na lumabas ng gate ng campus. Lumingon siya sa kanan tapos sa kaliwa at di sinasadyang nagtama ang mga mata namin. Tapos ay lumipat ang tingin niya sa katabi ko. Si Narumi.

   "Kyaaaaaaaaaaaaaaaaahhhhhhh!"

   "I'm dead," exaggerated kong bulalas bago ako hinila ni Narumi para makatakbo. "Waaahhh! Narumi kasalanan mo lahat 'to. Pag namatay ako babalatan ka ng buhay ng tatay ko at bubuhusan ka ng kumukulong suka ng nanay ko, alam mo ba 'yon?"

   "Urusai!" inis na sigaw niya sa akin habang tumatakbo kami para takasan ang padami nang padaming fangirls na humahabol sa amin. (urusai = shut up)

   Takbo kami nang takbo. Kung saan-saan na kami lumulusot makatakas lang. Hinabol pa nga kami ng aso eh. Buti na lang mabilis ako'ng tumakbo. P.E. yata ang paborito kong subject. At buti na lang mabilis din tumakbo si Narumi. Nakatakas na kami sa aso, nakatakas pa kami sa mga fangirls niya.

   Mabilis kaming nagtago ni Narumi sa likod ng isang tindahan na kakabit ng bahay ng may-ari. Nagtago kami sa likod ng sementong poste ng kuryente nang dumaan ang mga nagtitilian pa rin niyang fans. Nahinga lang kami ng maluwang nang makalampas silang lahat.

   "Hah! Grabe ang mga fans mo. Para kang may malaking spotlight at kahit nasaan ka nakikita ka pa rin nila," reklamo ko sa kaniya habang humihingal.

    Nang wala akong narinig mula kay Narumi, tiningnan ko siya. Hinihingal din siya. Parang daig niya pa ang nag-concert sa Tokyo Dome. Sumandal si Narumi sa sementadong dingding at bahagyang tumingala para isandal din ang ulo niya doon. Nakapikit siya habang habol niya ang paghinga kaya nagkaroon uli ako ng pagkakataong mapagmasdan siya. Ewan ko pero yung pagkakatayo niya sa tabi ko, parang sinisinagan siya ng araw. Kaya para nga siyang may spotlight. Kumikinang pa yung hikaw niya sa tama ng sikat ng araw. Nasilaw tuloy ako saglit. Pero somehow...it made me see him differently. Parang kakaiba nga talaga siya sa mga lalaking nakita at nakilala ko. Parang yung mere presence nya lang nahihila ka na palapit sa kaniya.

   "No wonder hindi ka nakakaligtas sa paningin nila," wala sa loob na sabi ko.

   "Huh?"

    "Huh!? Ah, wala," nabigla kong sagot sabay tungo. Nagulat kasi ako nang biglang tumingin si Narumi sa akin. Saka hindi ko naman kasi sinasadyang sabihin yung nasa isip ko. Baka kung ano pa'ng isipin niya.

    "Sabi ko yung bayad mo," palusot ko.

   "Ano'ng bayad?" tanong niya habang kunot ang noo.

    "Tinulungan kita di ba?"

    Tumango siya.

    "O bayaran mo 'ko. Pwede na'ng isang daan," sabi ko tapos naglahad ako ng kamay para sa bayad niya.

    "Tulong nga 'yon di ba? Bakit may bayad? Wala naman tayong pinag-usapan na babayaran kita ah."

    "Sabihin na lang nating trabaho 'yon. So kailangan mo 'kong bayaran."

    "And here I thought you did it out of the goodness of your heart. You are something, miss."

   "Sydney."

    "Huh?"

    "Yung pangalan ko. Sydney."

    "Hindi ko naman tinatanong ah."

    Nagtaas ako ng kilay.

    Lecheng lalaking 'to. Ang angas ng ugali.

    "Ay naku, wag ka na ngang magreklamo. Sa hirap ng dinanas ko maitakas ka lang sa mga fans mo kulang pa ang isang daan. Pasalamat ka nga at isang daan lang. Ang laki yata ng natipid mo dun. Kung magha-hire ka ng body guard di ba ang laki ng ibabayad mo? O sa akin nga one hundred pesos lang," nagmamalaking sabi ko.

    "Mendokusai na," mahinang sabi ni Narumi na sa iba nakatingin habang dumudukot ng wallet sa bulsa. (mendokusai na=how irritating)

    "Ano kamo?"

    "Wala," sagot niya. Kumuha siya ng pera mula sa wallet niya. Halatang napipilitan lang pero nag-abot pa rin sya ng one hundred peso bill sa akin.

    "Pleasure doing business with you," nakangiting sabi ko at kinuha ang one hundred pesos sa kamay niya. Sumaludo ako kay Narumi tapos iniwan ko na siya. Kaya niya na naman sigurong umuwing mag-isa. May cellphone naman siya di ba? Mag-taxi na lang siya or tumawag siya ng susundo sa kaniya. Wala na kong paki. Basta ako satisfied na 'ko sa isang daan ko.

     "May pambili na kami ng ulam para mamayang gabi," masaya kong sabi sa sarili saka patalun-talon na nagpunta sa palengke. Naiwan si Narumi na sinusundan ako ng tingin.


He's a SuperstarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon