CHAPTER THREE

6.9K 195 24
                                    

SINAPO ko ang likod ng ulo ko habang naglalakad ako sa hallway papasok ng campus. Hindi na masakit ang ulo ko at wala na ring bukol iyon. Basta feel ko lang haplusin ang nauntog na bahagi ng ulo ko noongFriday sa hideout ng Mercurial Gang kung saan ay umepal ako sa bakbakan nila.

Ang huli kong naaalala ay may humila sa paa ko kaya bumagsak ako at nauntog ako sa matigas na bagay. Pagkatapos ay nagising na lang ako na nasa ospital ako. Ang sabi sa akin ng attending nurse sa emergency room ay may isang lalaking nagdala sa akin doon na nagbayad na rin ng hospital bills ko pero umalis na ang lalaki bago ako magising. Tinanong ko pa siya kung cute ang lalaki at ang sagot niya, "cute nga pero mukhang gangster."

Napangiti pa ako noon na mukhang pinagtakahan ng nurse. Mas inuna ko pang tanungin kung cute ang naghatid sa akin doon kaysa sa kung anong nangyari sa ulo ko. Parang mas interesado pa akong imagine-in ang eksena kung saan pangko ako ni Calix habang isinusugod sa ospital at may pag-aalala sa mukha niya kaysa itanong sa nurse kung naapektuhan ang utak ko, kung nagka-crack ang bungo ko o kung kailangan akong operahan dahil nagkaroon ako ng hemmorhage.

Mabuti na lang at hindi naman kasing seryoso ng mga nabanggit ko ang nangyari sa akin. Pero nagkaroon daw ako ng very mild concussion. Binigyan ako ng gamot ng doktor at binilinan na magpahinga sa bahay at obserbahan ko raw kung magsusuka ako o biglang mahihilo at maging antukin nang ilaw araw.

Wala naman akong naramdaman na kahit ano sa sinabi niya sa loob ng dalawang araw na walang pasok sa eskuwela kaya sa palagay ko ay okay lang ako. Sadyang matigas ang bungo ko. Praktisado sa kutos noong bata ako. Lagi kasi akong binu-bully ng ibang mga bata noon. Pero hindi na ngayon dahil simula nang maging ten years old ako ay naging matapang na ako at lumalaban na ako.

Nagmatapang ako noong Friday. Kaya ito ang napala ko. Okay lang naman sa akin ito. Nakatulong naman ako. Natulungan ko si Calix, tulad ng kung paano tinulungan ni Mela si Reid. Kung hindi dahil sa akin ay baka namatay si Calix kaya utang niya ang buhay niya sa akin.

Mai-in love kaya si Calix sa akin dahil ako ang tagapagligtas niya? Nangingiti ako habang naglalakad sa corridor papunta sa lockers. Siguradong hinahanap na niya ako ngayon. Malamang ay magte-thank you siya sa akin at tatanungin niya ako kung kumusta na ang lagay ng ulo ko.

Napahinto ako sa paglalakad nang matanaw ko na papasalubong sa akin si Calix na nag-iisa at walang kabuntot na mga alagad. Napasinghap ako. Maayos ba ang buhok ko? Wala ba akong muta? Pasimple kong pinalantsa ng palad ko ang buhok ko. Bakit ba kinakabahan ako? Hindi ito kaba dahil sa takot. Kaba ito dahil sa... excitement?

Hindi siya nakatingin sa akin habang nakatingin ako sa kanya. Diretso lang ang tingin niya. Parang gusto ko nang kumaway para kunin ang atensiyon niya pero pinigilan ko ang sarili ko. Hanggang sa kusa niyang ilipat sa akin ang mga mata niya at sa wakas ay nagtama ang mga paningin namin. Hindi ko alam kung ngingiti ako dahil walang bakas sa mukha niya na namumukhaan niya ako ni katiting. Iniwas niya ang tingin niya at nilagpasan ako.

Napanganga ako. Huminto ako sa paglalakad at nilingon ko siya. Patuloy siya sa paglalakad at ni wala ring balak na lingunin ako. Nakakainis siya. Matapos ang ginawa kong pagtataya ng buhay ko para mailigtas siya, dedeadmahin niya lang ako nang ganoon? Ang kapal niya!

Hinabol ko siya at humarang ako sa dinaraanan niya. Taas noo with matching taas ng isang kilay na hinarap ko siya. Nagsalubong ang mga kilay niya.

"Hoy, lalaki! Hindi ka man lang ba magte-thank you sa akin?" sa sobrang inis ko ay nakalimutan kong puwede pala niya akong ihagis sa pader dahil hinarang ko siya. Hindi ko lang siya hinarang, "h-in-oy" ko pa siya at tinalakan. Nakalimutan kong siya ang kinatatakutan sa buong campus. Nakalimutan kong isa lang akong hamak na fourth year high school student na hindi kilala sa campus at hindi pansinin ang cuteness.

I KNEW HE WAS TROUBLE [COMPLETED] (St. Catherine High Series Book #1)Where stories live. Discover now