Episode 14: Revelation [Part 2] (P1)

2.9K 44 0
                                    

* * *

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

* * *

"Ano na?"

Nakatanaw lang si Cathy sa bintana at pinapanood ang mga manok na nagpupulong sa silong habang kinakausap siya ng ina sa kwarto. Kanina pa siya nitong kinukulit na pumunta sa okasyon ng mga del Viñedo sa Maynila ngayong hapon. Ilang beses na niyang tinanggihan ang alok na iyon ngunit heto at hindi parin tumitigil ang nanay sa pag-aya.

"Eh... 'nay... si Lola lang naman po ang may gusto no'n," tutol niya habang patuloy na nakamasid sa labas.

"Paano mo naman nalaman? Sinabi ba ni Xander sa'yo na hindi niya gusto?" Nakapameywang na kuwestiyon ni Nanay Charito.

"Hindi po..."

"O, eh hindi naman pala eh. Bakit ka ba nag-iisip ng kung anu-ano?"

Bumuntong-hininga siya't hindi nakasagot. Paano ba niya ipapaliwanag ang kanyang nararamdaman kung maging siya ay hindi rin sigurado kung tama ba ito?

Ilang araw na rin siyang nagkukulong maghapon sa kwarto at nagmumukmok. Pero sa mga araw rin na 'yon ay napapaisip siya kung tama ba ang ginawa niyang pag-iwan kay Xander. Gumugulo kasi sa isipan niya ang huli nilang paguusap, yung pagmamakaawa ng asawa at pagtutol sa paghihiwalay nila—hay, tama nga ba ang naging desisyon niya?

Ang problema rin naman kasi, sa tuwing napapasama sa eksena ang nobya ng asawa ay hindi talaga niya mapigilan ang sarili na magdamdam. Siguro nga selos na ang tawag doon, selos sa pagpapahalaga nito kay Ariana. Kung bakit ba kasi naging ganito pa kakumplikado ang kanilang sitwasyon.

"Anong masama sa gusto ni Madam? Ikaw na nga itong ipinagmamalaki," dagdag pa ng ginang.

Nangalumbaba nalang siya sa pasamano ng bintana at nanatili paring tahimik.

"Aba, anak! 'Wag ka namang ganyan. Malaki narin ang naitulong nila sa'tin. Ano ba naman yung pagbigyan mo 'yong hiling niya sa'yo?"

Lalong lumapit si Nanay Charito sa kanyang kinauupuan at inihalukipkip ang mga kamay nito. Napalingon naman siya dito ngunit agad niya iyong pinagsisihan dahil kitang-kita niya ang pagkainis sa mukha ng nanay. Hindi tuloy siya makatingin dito ng maayos.

"Eh..." nakasimangot niyang umpisa, "... nando'n din po kasi si Xander at si Ariana. Hindi ko pa po sila kayang makita ulit. Hindi nalang po... ayoko..."

"Bakit hindi mo ipaglaban ang karapatan mo bilang asawa ni Xander?" Agad nitong usal.

"Hindi na po kami mag-asawa," sing-bilis din niyang sagot.

"Aba, Cathy! Hindi naman ganun-gano'n lang 'yon!"

"Nay..."

"Cathy," tumaas ang boses nito at bumalik sa pamemewang, "magtapat ka nga sa'kin. Sino bang nakipaghiwalay sa inyong dalawa? Siya o ikaw?"

Fated to Love You: BOOK 1  || Social SeryeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon