Kapitulo - XXV

59 5 80
                                    

HINDI maiwasang mapahagulhol ni Doña Araceli nang matanggap ang liham mula kay Marcelo.

Hinagod naman ni Don Xavier ang likuran ng kaniyang esposa, "Tahan na, mahal ko. Mamaya ay pupunta tayo sa bayan upang tumulong sa pag-aayos sa burol ng iyong kapatid,"

Napatitig si Doña Araceli sa mga mata ng esposo, "Hindi ko lamang matanggap na wala na si Ate Amanda. Masyado ba akong maramot?"

Natigilan si Don Xavier sa tinuran ng kaniyang asawa, "Maramot? Saan?"

"Ang aking mga kapatid ay tumatanda, samantalang ako'y natatamasa ang mataas na buhay" Humihikbing saad ni Doña Araceli, niyakap siya muli ng esposo.

"Si Amanda ay naging ulirang ina, kapatid, at asawa. Tiyak na hindi na siya muling malulungkot pa dahil makakasama na niya si Santiago sa kabilang buhay." Pagpapagaan pa ni Don Xavier sa kalooban ng asawa.

Nang makalabas si Dolorosa sa silid ay nakita na lamang ang ina na umiiyak, dumating din bigla ang kaniyang maestra na si Emilia.

"Nakikiramay ho ako, doña" Saad ni Emilia.

Bumaba si Dolorosa na may halong pagtataka, "Ina, bakit po kayo umiiyak? A-anong nakikiramay? S-sinong pumanaw?" Mga katanungan niya na tila sasabog na rin ang kaniyang puso.

"Ang iyong nanang Amanda, Dolor" Sagot pa ni Don Xavier sa anak. "Bueno, pagkatapos mo sa klase ng iyong maestra ay pupunta na tayo sa bayan"

Hindi maarok ni Dolorosa ang sinabi ng kaniyang ama tila umurong ang kaniyang dila at namumuo na naman ang luha sa kaniyang mga mata. "A-ano? Patay na si nanang Amanda? Kailan pa?"

"Kaninang madaling araw, anak" Saad pa ni Doña Araceli.

Napapikit si Dolorosa habang tumutulo ang luha. Kumirot ang kaniyang puso sa nalaman, si tiya Amanda na laging pinupuri siya at minsa'y binabantayan siya noong paslit pa siya kapag abala ang mga magulang. Ang kaniyang tiya na pala-ngiti at punong-puno ng karunungan.

Ang huling pagkikita lamang nila ay noong ikalabing-walong kaarawan niya, ni hindi man lang niya nabisita.

"Ang ganda mo, Dolor! Tiyak na pagtitinginan ka ng mga Ginoo sa labas." Manghang sabi ni Señora Amanda.

"Nanang Amanda, wala ho akong interes sa kanila."

"Sus!" Tukso pa ni Señora Amanda sa pamangkin.

Napapunas ng luha si Dolorosa at labis na nalulungkot siya sa mga pangyayari ngayon.

"Sige na, anak. Maghahanda na rin ako ng ibang kagamitan na dadalhin natin sa mansyon," Ani Doña Araceli at nilapitan ang anak sabay hawi ng mga luha nito sa mga pisngi.

Tumango-tango naman si Dolorosa bilang tugon.

SA isang maliit na silid, abala sa pagpipinta si Dolorosa dahil ito na naman ang nakatalaga sa kaniya na gawin. Napadalhan na rin niya ng sulat si Liyong na magkikita na lamang sila mamaya sa may talipapa.

"Mukhang nobyo mo nga ang iyo na ginuguhit, binibini" Mahinhin na saad ni Emilia sa dalaga.

Ngumiti nang tipid si Dolorosa, bago magsalita "Hindi naman po, siya nga pala, pasensya na ho sa aking inasal noong nakaraang araw, maestra"

"Wala iyon, siguro ay pagod kang talaga at kung anu-ano na lamang ang iyo na nakikita at naririnig. Huwag na natin iyong balikan," Kalmadong tugon ni Emilia, "Pinapatawad na kita, Dolor."

Via DolorosaWhere stories live. Discover now