Kapitulo - XXXVII

65 5 53
                                    

SA pagtungtong ng alas-syete ng gabi, lahat ng mga hayop sa paligid ay tila napaamo sa bagong sibol ng buwan. Nagsipasukan ang mga ito sa mga sariling lungga at walang anong huni ang maririnig.

Ang mga mamamayan ng San Fernando ay nabahala sa naging kalagayan ng buwan. Ang iba'y hinigpitan ang pagkandado at pagsara sa kanilang mga pintuan, ang iba naman ay pinili na tingnan sa kauna-unahang pagkakataon ang buwan na ngayon ay unti-unting binabalot ng kadiliman.

Sa kabilang dako, ang matandang si Himala ay nakatingala sa kalangitan, "Masamang pangitain" Pakli niya.

"Bakit po, lolo?" Tanong ni Julian.

"Mabuti pa ay pumasok na lang tayo." Pag-iiba ni Himala, pero sa kaniyang kaloob-looban ay may hindi tama sa mangyayari.

SAMANTALA, napaharap si Marco sa isang salamin at pinagmasdan niya ang sarili. Kalahati sa kaniyang kaliwang busilig ng mata ay unti-unting ginagapangan ng mapupulang maliit na ugat. Lubhang napakainit ng kaniyang katawan at gusto niyang magwala.

"H-hindi..." Tanging nasambit ng binata. Nakakaramdam siya ng sakit sa kaniyang mga kasukasuan at ibang parte ng katawan. Gusto niyang isuka lahat ng kaniyang kinain sa hapunan. Tagaktak ang kaniyang pawis at sumisingaw ang init sa kaniyang mga mata.

Napalingon siya nang may kumatok sa kaniyang pintuan.

"Kuya?" Boses ni Dolorosa sa labas ng silid.

"D-dolor! Huwag ka na lang pum-" Biglang napahawak si Marco sa kaniyang ulo at halos mapaluhod sa sakit na natatamasa. Kakaiba ang kaniyang nararamdaman sapagkat hindi ganito ka sakit mag palit ng anyo magmula noong naging hibrido siya.

Si Dolorosa na nasa labas ay napakunot-noo at nagkaroon ng pagkabahala sa kaniyang kalooban, "B-bakit, kuya? Nais mo bang tawagin ko sila ama?"

"H-huwag! Por favor, Dolor..." Nahihirapang saad ni Marco. Agad niyang tinulak ang malaking tukador sa pintuan kahit alam niyang hindi naman uubra iyon kung sakaling pumasok ang ama.

Hindi mapakali si Dolorosa at nais puntahan ang ama na nasa labas na ngayon at pinupulong ang mga cambiaformas.

BINUKLAT ni Liyong ang pulang libro na nanggaling sa mga prayle noon. Sinigurado niyang nakasara nang mahigpit ang pintuan. Gusto niyang alamin kung paano maging isang ganap na bampira ang isang tao para mapaghandaan niya ang pagpapanggap.

Kanina, noong nag-uusap sila ng kaniyang ama ay tumango lamang siya sa nais mangyari. Ayaw niyang maghinala ito sa kaniya kung kaya ay sasakyan niya lahat ng mga pagpapasya nito.

Napunta siya sa isang pahina na kung saan nakasulat sa wikang espanyol at sa kaniyang pagkakaintindi ay kapag sumapit ang kauna-unahang duyog ay magkakaroon ng nag-iisang alay para sumunod sa trono ng haring bampira. Kung likas na malakas na ang iaalay o may kakayahan na kakaiba na ay mas pabor dahil ito ang siyang magpapatuloy sa henerasyon at maging tagapangalaga ng pulang hiyas.

Kapag sasapit na ang hatinggabi sa huling araw ng duyog, sa isang parihabang semento, hihiga ang alay na nakasuot ng isang mataas na damit na kulay pula. Papalibutan ito ng labing-tatlong bampira, kapag nabalutan na ng kadiliman ang buwan ay sabay-sabay nilang kakagatin ang alay sa pulso, leeg, at hita.

Ang tatagas na dugo mula sa alay ay siyang isasalin sa isang kupita at itatapat sa buwan upang doon sa mismong dugo tatama ang repleksyon at pagkatapos ay iinumin ng mga ito ang dugo ng alay.

Nanghilakbot si Liyong sa nabasa, titig na titig siya sa bawat salitang nakalapat sa pahina. Pagkatapos ay inilipat niya muli ang isa pang pahina. Nang malipat ito ay napukaw ang kaniyang atensyon sa isang larawan ng taong-lobo. Binasa niya ang nakasaad doon.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now