Episode 9 - Red Herring

25 1 0
                                    

◼️◾▪️◼️◾▪️

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

◼️◾▪️◼️◾▪️

EPISODE 9
RED HERRING

▪️◾◼️▪️◾◼️

Sa likod ng maskara ng Alpha, napaangat ang kilay niya dahil sa sinambit ng isang Werewolf. “At bakit hindi? Muntikan ka nang mabuking nang dahil sa ideya niya!”

“Basta, pakiramdam ko, malabong siya ang Inspector. Iba na lang. ’Wag lang siya.”

“Pa’no kung sa susunod, tuluyan na ngang malagas ang isa sa ’tin, ha? Baka nakalilimutan mo, magkaiba kayo ng panig. Bakit mo siya kakampihan?”

Ipinaling nilang dalawa ang atensyon sa ikatlong Werewolf na nakasubo ng lollipop nang tuluyan itong tumayo. “Magtatago na lang ako kunwari. Mukhang hindi pa kayo tapos diyan,” tila nabuburyo nitong sabi habang nakahalukipkip. “Kung sino ang isa-suggest niyang maging target, doon ako. Siya ang masusunod sa gabing ’to.” Pagkatapos, nauna itong naglakad palayo.

Bumuntonghininga ang tumatayong lider ng mga Werewolf bago magsabi ng, “Sino ba kasi ang gusto n’yong patayin ko ngayong gabi?”

Napalunok ang kausap niya. Tumingala ito sa itaas na para bang nakatala roon ang angkop na sagot sa isinaboy niyang kuwestiyon. “Si ano . . . si Shibal na lang—si Fahren. Tutal, marami namang naiinis sa kaniya. At saka, magaling din siyang mag-manipulate, ’di ba? Pa’no kung maisipan niyang idiin ang isa sa atin during daytime discussion? ’Kita mo ’yong ginawa niya kay Pressy? Parang na-hypnotize ang karamihan dahil sa mga pinagsasabi niya.”

Tumango-tango ang Alpha, tuluyang binili ang paliwanag niya. “Sige. Pagbibigyan ko kayo. Consider it done.”

• • • • •

Kasalukuyang tinatahak ni Fahren ang hagdan pababa sa unang palapag. May nahanap na siyang pagtataguan kanina, ngunit minabuti niyang lumipat ng puwesto ’pagkat nararamdaman niyang hindi siya ligtas doon.

Lumangitngit ang pinto ng isang silid nang buksan niya iyon. Napaubo siya nang tambangan ng mga alikabok ang kaniyang ilong. May kinapa siya sa pader, at sa isang kisapmata’y biglang sinakop ng berdeng liwanag ang kaniyang kinaroroonan. Iginala niya ang mga mata niya sa kabuoan ng kuwarto. Laking gulat niya nang dumako ang kaniyang paningin sa itim na balabal at puting maskara sa ibabaw ng lamesa.

Maingat siyang lumapit doon. Di-kaginsa-ginsa, dumaan sa paligid ng kaniyang tainga ang mga yabag, dahilan upang dali-daling pumihit ang ulo niya patungo sa may pintuan. Doon ay sinalakay siya ng pagsisisi; sana pala, hindi na lang siya lumabas sa kinatataguan niya kanina.

“Naknampucha! Ikaw?” nanlalaki ang mga matang bulalas ng binata. “Akala ko, isa kang maamong tupa. ’Yon pala, isa kang mapanlinlang na lobo! Dilangina ka!”

Sunod-sunod na umiling ang dalaga. “Ano ba’ng pinagsasabi mo, Fahren? Hindi ako Werewolf! Nagpunta lang ako rito para magtago.”

Pinatunog ng binata ang kaniyang dila. “’Wag mo ’kong pinaglololoko, Millie.”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 03 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Werewolf GameWhere stories live. Discover now