Chapter 19

212K 9.5K 2.8K
                                    

Chapter 19


"ASAWA NIYA AKO."


Nais kong maluha habang sinasabi ko iyon sa guard ng kulungan. Damang-dama ko pa ang pagkakasabi ng mga salita, dahil alam kong ito na ang huling beses na masasabi ko iyon.


Sa presinto ako sa bayan pumunta. Nakaayos na ang mga papel, at ang pera na pam-piyansa na lamang ang kailangan para makalabas si Xerxes.


"Sandali lang ho, Ma'am," wika ng bantay na pulis.


Humiling ako sa hepe na wag munang papalayain si Xerxes hanggat hindi ako nakakaalis. Pero gusto ko munang makausap sa huling pagkakataon ang ama ng anak ko.


"Rita!" Gulat na gulat siya nang makita ako.


"Xerxes." Pinilit kong maging pormal ng palabasin siya sa selda.


Namayat siya, siguro dahil isang sandok lang daw ng kanin ang ipinapakain sa mga preso tuwing kainan. At dalawang beses lang sila sa isang araw pinapakain. At dahil hindi ko naman siya mapadalhan ng makakain ay wala na siyang ibang makakain pa sa loob.


"Akala ko hindi mo talaga ako dadalawin..." Basa ang mga mata niya habang nakatingin siya sa akin. Para bang gustong-gusto niya akong yakapin.


"K-kumusta ka?"


Alanganin siyang ngumiti at saka yumuko. "Heto, nakakulong... pasensiya ka na, ha? Nahihiya ako sa'yo."


"Makakalaya ka rito."


Umangat ang mukha niya. "Oo. Makakalaya ako rito. Gumagawa na ako ng paraan para—"


"Basta makakalaya ka. Naawa raw sa'yo ang nagdemanda, iuurong na ang kaso. Nagpapa-areglo na lang," putol ko sa sinasabi niya. Nagsinungaling ako sa kanya. Baka kasi iniisip niyang tumakas, lalo lang magiging malabo ang kinabukasan niya pag itinuloy niya iyon.


Namilog ang mga mata niya na kulay luntian. "T-talaga?"


"Oo. Nandito ako para sabihin iyon sa'yo."


"Iyong mga kasama ko na nanloob, makakalaya rin ba?"


"Hindi siguro. Mga kawatan ang mga iyon, marami ng record. Kumbaga ikaw lang ang swerte sa kanila."


Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Nakatingin lang siya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Ang mga mata ni Xerxes ay kababakasan ng pangungulila, pero ang mga mata ko ay blangko. Dahil ayaw kong ipakita sa kanya na nalulungkot ako sa mga sandaling ito.


"G-galit ka pa rin ba sa akin, pangga?"


Umiling ako.


Maliit siyang ngumiti saka lumapit sa akin. Hindi ako pumalag ng yakapin niya ako. Ngunit hindi ako gumanti sa yakap niya.

His Bad WaysWhere stories live. Discover now