II. Story Elements

2.6K 140 0
                                    

Lagi nating nakatatagpo ang mga elemento ng isang kuwento. Sa isang bago pa lamang na nagsusulat ngunit matagal nang nagbabasa, pamilyar na tayo sa mga ito. Alam nating bawat kuwento ay may bida at kontrabida, may kinaroroonan at panahon, may mga pangyayari, may balakid, may mensaheng ipinararating, at sa dulo ay may katapusan.

Hindi man natin tuwirang mapangalanan ang mga tinatawag na story elements, natutukoy pa rin natin ito sa pagbabasa at pagsusulat.

Ang iba't ibang writing reference ay tumutukoy sa iba't iba ring bilang ng story elements. Ang pinaka-basic ay lima:

1. Character o Tauhan

Ang SINO ng kuwento. Ang characters o tauhan ay maaaring tao, hayop, halaman, o mga bagay na may personipikasyon. Sa tauhan tumatakbo ang kuwento.

2. Setting o Tagpuan

Ang SAAN at KAILAN ng kuwento. Ang setting o tagpuan ay ang lugar at panahon ng kuwento. Ito rin ang kultura at kalagayan ng kuwento.

3. Plot o Balangkas

Ang PANGYAYARI sa kuwento. Ang plot o balangkas ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari mula sa pangunahing galaw hanggang sa wakas. Ang pagmamapa nito ang bumubuo sa Story Arc o Narrative Arc.

4. Conflict o Tunggalian

Ang BALAKID ng kuwento. Ang conflict o tunggalian ay ang pakikipaglaban ng pangunahing tauhan sa isang kalabang puwersa upang matupad o makamit ang kanyang tagumpay. Ito ay maaaring laban sa kalikasan, laban sa sarili, laban sa kapwa, o laban sa lipunan.

5. Theme o Tema

Ang PAHIWATIG ng kuwento. Ang theme o tema ay ang mensahe, kahulugan, intensyon, at aral ng kuwento na nais nating ibahagi sa nagbabasa. Ito ang central idea na iniinugan ng kuwento.

Bukod sa limang ito, may iba pang story elements na isinasaalang-alang sa pagsusulat. Ang mga ito ay:

6. Point of View (POV) o Panauhan

Ang PANANAW ng narrative o pagkukuwento. Ang point of view o Panauhan ay ang pananaw na ginagamit ng manunulat sa pagsasalaysay ng kuwento. Mayroon itong iba't ibang uri: Unang Panauhan o First Person POV kung saan ang nagsasalaysay ay ang mismo ring tauhan na nakararanas ng mga pangyayari; Ikalawang Panauhan o Second Person POV kung saan ang nagsasalaysay ay kinakausap ang tauhang pinagagalaw sa kuwento; at ang Ikatlong Panauhan o Third Person POV kung saan ang nagsasalaysay ay mistulang ikatlong taong nanonood malayo sa tauhan.

7. Tone o Tono

Ang EMOSYON ng narrative o pagkukuwento. Ang tone o tono ay ang angking ritmo, musika, atmospera, mood o emosyon ng kuwento ayon sa pagsasalaysay ng manunulat. Ang tono ang nagdidikta sa mambabasa sa bigat o gaan ng mga eksena; sundot ng komedya; romansa ng pag-ibig; sidhi ng tunggalian; sakit at pait ng trahedya; at habol-hiningang pakikipagsapalaran at pakikidigma ng mga tauhan.

8. Style o Istilo

Ang SINING ng narrative o pagkukuwento. Ang style o istilo ay ang mga storytelling techniques, literary devices, figures of speech, sentence structures, rhythms at iba pang personal na preferences na ginagamit ng manunulat sa paglalahad ng kuwento.

Ang mga story elements na ito ay maaaring paisa-isang dumalaw at magpapulot bilang story idea. 

Pagsulat ng Kuwento 101 (Published under PSICOM PUBLISHING)Where stories live. Discover now