Untitled Part 1

6.3K 151 25
                                    


...and now the end is near, and so I'll face the final curtain...

NAPANGITI at napailing si Fernie habang ipina-punch ang mga numero sa cash register. Hindi talaga pinagsasawaan ng mga customers ng kanyang videoke bar-restaurant ang awiting iyon.

"Dalawang beer lang ang in-order? Kaninang alas-sais pa rito ang mamang 'yon..." aniya nang makitang hindi pa umabot ng two hundred ang bill ng customer. "Nakalimang kanta yata 'yon, a..." wika pa niya sa waitress.

regrets, I have a few, but then again, too few to mention...

Halos sumayad na sa sahig ang boses ng kumakanta at kung maririnig ni Ol' Blue Eyes, baka bumangon pa iyon sa hukay.

I did it... my... way...

"Hoy! Tumigil ka na! Ampangit ng boses mo!"

Naitigil ni Fernie ang ginagawa nang marinig ang sumigaw. Hindi talaga nawawalan ng alaskador kahit saan. Kabado na siya. Alas-onse na ng gabi at mga nakainom na ang mga customers na kalimitan naman ay mga lalaki.

At nangyari ang kinatatakutan niya. Pinatulan ng kumakanta ang sumigaw.

"Ikaw ang umuwi! Tarantado!" sigaw rin nito. "Iuntog mo ang ulo mo sa pader kung wala kang magawa!" Nagpalakpakan ang mga kasama nito sa mesa.

"Tarantado pala, ha...!" Tumindig ang nagpasimuno ng gulo at walang sali-salitang inupakan ang may tangan ng mikropono.

Sumadsad iyon sa mesa, tumilapon ang mga bote ng beer, nabasag ang mga plato ng pulutan, pati ang maliit na flower vase sa gitna ng mesa.

Shit! usal ni Fernie. Maagap naman ang guwardiya niya. Agad iyong dumalo sa nagkakagulo.

"Tigil 'yan!" sigaw nito.

Nakabangon na ang sinuntok at nakadampot ng basag na bote ng beer. Nakaamba iyon sa nanuntok.

"'Tado ka, ha! Ito'ng katapat mo..." Itatarak na lamang nito ang basag na bote nang sumigaw si Fernie.

"Sandali!" Nakataas pa ang isang kamay niya.

Lahat ay napatingin sa babaing five-four lamang ang taas, balingkinitan at mukhang high schooler dahil naka-ponytail ang buhok. Naka-shorts at rosas ang T-shirt. Nakasandalyas ito na minedyasan ng puti.

"Ano ba'ng problema?" usisa niya na puno ng awtoridad ang tinig.

"Tarantado kasi 'to, eh. Kumakanta ako nang maayos dito..." anang lalaking may hawak ng basag na bote.

Agad namang sumabat ang nanggulo. "Maayos ba 'yon, eh, parang palakang bakla na ginagahasa ng matsing ang boses mo?"

"Aba't talagang hinahamon ako ng walanghiyang ito, a!" Muli nitong iniamba ang basag na bote.

"Teka munaaa!" sigaw na naman ni Fernie. "Magsitigil nga kayo!" Hinarap niya ang lalaking nag-umpisa ng gulo. "Ikaw? Umuwi ka na at itulog mo 'yang ininom mo!" Binalingan naman niya ang kaaway nito. "Ikaw naman, huwag mo na itong patulan. Ituloy mo na lang ang kanta mo," aniya.

Lumakad palayo ang nanggulo, at babalik na sana sa puwesto niya si Fernie nang may maalala.

"Hoy!" buwelta niya at sigaw. "Nagbayad ka na ba?" Tinawag niya ang isang waitress. "Nasaan ang bill nito?"

"'Yon pong hawak ninyo kanina," anang waitress.

Kumunot ang noo ni Fernie. Iyong dadalawang beer na in-order, pagkatapos ay lasing at nanggugulo? Imposible yatang makalasing ang dalawang bote ng beer, lalo pa at mukha namang talamak na manginginom ang lalaki.

Samantala ay bumilis ang lakad ng lalaki patungo sa entrance.

"Guard, pigilan mo 'yan!" utos niya. "Ayaw niyang magbayad, eh. Kung anu-ano pang perhuwisyo ang dadalhin dito." Hindi na bago sa kanya ang ganoong style.

Hinarang nga ng guwardiya ang lalaki, nang umangal ay tinutukan ito ng baril.

Nakapamewang na lumapit si Fernie."Magbayad ka muna bago ka umuwi. Two hundred lahat, hindi ko na isinama ang sinira mo," aniya.

"Bakit ako magbabayad, hindi naman ako nasiyahan sa serbisyo n'yo?" katwiran ng lalaki na lalong nagpainit sa ulo ni Fernie.

Talaga nga pa lang ayaw lang magbayad kaya nanggulo! Inagaw niya ang revolver sa guwardiya at itinutok iyon sa lalaki.

"Magbabayad ka o hindi?"

"Huwag kang magbiro ng ganyan, Miss. Nakakamatay 'yan, makukulong ka, mabibitay ka, Miss..." anang manggagantso.

"Mauuna kang mamatay, walanghiya ka! Uutakan mo pa ako!" Idiniin niya ang dulo ng baril sa noo ng lalaki. "Labas ang pera!" Daig pa niya ang holdupper.

"B-baka puwedeng pag-usapan natin ito, Miss. W-wala akong pera, nadukutan ako kanina, babalikan ko na lang," anang lalaki.

"P'wes, doon ka sa kusina. Hugasan mong lahat ang plato!" Hindi tuminag ang customer. "Isa! Pagdating ng tatlo, butas ang noo mo! Dalawa!"

"Saan ang kusina n'yo, Miss?" anang lalaki na hindi naman nga totoong lasing.

Sinamahan niya ito sa kusina. Kung hindi iyon piyon sa construction ay tsuper. Parang hindi na siya makapaghintay na lumago ang kanyang negosyo at nang mapalitan na ang uri ng kanyang customers. Doon na lamang siya sa mga mayayaman at propesyonal na magka-cater.

"Hugasan mo 'yan lahat! Galingan mo, ayoko ng amoy-sabon, at ilubog mo sa mainit na tubig pagkatapos!" utos niya at hinaklit ang apron na nakasabit sa pinto ng ref at isinalpak iyon sa dibdib ng lalaki.

Tuloy na naman ang kantahan sa loob pagbalik niya. Ang inaawit ng nasa dulong mesa ay iyong pangalawang national anthem ng kanyang mga regular customer.

Strangers in the night... Two lonely people wonderin' in the night...

Tumunog ang teleponong nasa tabi ng kaha. "Yes?" sagot niya sa matamlay na tinig.

"Fernie!" bulalas ng caller. Kahit maingay sa loob ay dinig na dinig niya ang tinig niyon.

Namilog ang kanyang mga mata at hindi kaagad nakapagsalita. Nananaginip ba siya? Pero gising na gising naman siya. Baka naman nagha-hallucinate na siya?

"Fernie, is that you?" wika muli ng caller.

"Yes... B-Buddy..." usal niya, hindi pa rin mapaniwalaan ang naririnig na tinig. Si Buddy nga ba ang tumawag?

"Yes, it's me. I'm home!" wika ng lalaki.

Home!

"Narito ka na sa Cavite?" tanong niya. Naguguluhan sa nararamdaman. Matagal na niyang pinananabikang makita ulit ang lalaki at ngayong nagbalik ito ay bigla siyang naalarma.

"No. Narito pa ako sa Manila, may mga inaayos lang ako, pero within this week ay uuwi ako riyan," anito. "And I'm staying. Hindi na ako babalik sa New York, ipaaayos ko ang bahay."

"Bakit?" aniya. She didn't know what to say kaya iyon ang lumabas sa bibig niya.

"Bakit? Alam mo kung bakit. Sinabi ko naman sa iyo na babalik at babalik din ako riyan, dahil may babalikan ako," anang lalaki.

"Ano?" tanong naman niya.

"Hindi ano. Sino. Babalikan ko si Periwinkle. I'm gonna marry her," ani Buddy na may paniniyak.

Napalunok si Fernie. Periwinkle.

Hindi na niya nalaman kung paano natapos ang pag-uusap nila sa telepono sapagka't ang isip niya ay nakatuon kay Periwinkle.

He was coming back to marry her!

Sino nga ba si Periwinkle?

sweet periwinkleWhere stories live. Discover now