Untitled Part 10

2.3K 98 9
                                    


ILANG saglit pa ay nasa gate na siya nina Buddy at tumatawag kasabay ng pagpisil sa doorbell.

"Si Buddy?" aniya sa maid na nagbukas.

"Nasa pool," anito at pinatuloy siya. Mas madalas pa siya roon kaysa sa mga magulang ni Buddy. Tuluy-tuloy siya sa loob.

Malapit na siya sa pool nang marinig niyang kausap ni Buddy ang ina. Mukhang nagtatalo. Nagtago siya sa likod ng halamang San Francisco.

"Ang kulit n'yo kasi, 'Ma!" wika ni Buddy. "Maayos naman ang negosyo natin dito, hindi naman tayo nagugutom, gustung-gusto n'yo pa ring makarating sa Amerika!"

"Dahil mas maganda ang buhay roon. Hindi kaparis dito, nakakairita ang mga tao, ang tatamad at ang babagal kumilos, nakakainip," anang mommy ni Buddy. Dilaw ang buhok gayong medyo may kaitiman ito, tuloy ay mistulang nakatira sa aplaya.

"Eh, bakit n'yo ba pinoproblema 'yong mga tamad? Hayaan n'yo sila, bahala sila sa buhay nila. Ang mahalaga, kayo ni Daddy ay nagsisikap. Mabuti nga rito at kayo ang amo, doon sa Amerika ay kayo ang maninilbihan.

"At baka hindi mo nalalaman na matinding mag-discriminate ang mga Amerikano. At hindi lamang sa mga negro kundi lalo na sa mga Asians. 'Yang liit n'yong 'yan, ewan ko kung hindi kayo tapak-tapakan ng mga kano," sermon ni Buddy sa ina.

"Basta! Pupunta pa rin ako sa Amerika. Alam ko na nagkamali lang ang Diyos nang isilang ako rito sa Pilipinas. Amerikana ako dapat!" dabog na naman ng ina ni Buddy.

"Manalamin ka nga, Mama. Hindi ka lang oriental, Malay pa. At kahit mag-abroad kayong lahat, maiiwan ako rito sa Pilipinas!" pagmamatigas ni Buddy.

"Bahala ka!" anang mama nito at napalingon sa pinagtataguan niya.

"Nandito pala ang kaibigan mong sipunin." At iniwan nito ang anak.

"Kanina ka pa ba, Fernie?" tanong ni Buddy.

"Two minutes," aniya. "May problema kasi ako eh." Itinaas niya ang chessboard habang kinakamot naman ni Buddy ang ulo ni Dindo. Mayamaya ay tumakbo ang aso, hinabol si Tootsie at inamuy-amoy ang likuran niyon.

"Hoy, Dindo, nanay mo 'yan!" sigaw ni Buddy. At bumaling sa kanya. "What's the problem?" he asked.

"May intrams kasi kami. Hindi naman ako nakasali sa basketball dahil na-eliminate na 'ko. Sa volleyball naman ay ganoon din. Sa chess na lang ako pinasali ng teacher 'ko. Ang kaso ay hindi naman ako gaanong marunong. Turuan mo 'ko," aniya at ikiniling pa ang ulo.

Hindi makakatanggi si Buddy kapag ganoon.

"Sige." Ito pa ang naglatag ng chessboard. "Alam mo naman siguro ang basics. Maglaro tayo, titingnan ko kung may pag-asa ka," anito.

Habang naglalaro sila ay ipinaliwanag ni Buddy ang kahalagahan ng bawat tira at kung anong move ang dapat. Ngunit hindi siya nakikinig.

At nahalata iyon ni Buddy. "Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko, Fernanda?" anitong nanlalaki ang mga mata sa kanya.

Tumango siya habang nakapatong ang baba sa palad. Nakangiti at kumikinang ang mga mata.

"Hoy!" Pumitik pa si Buddy sa harap ng mukha niya. "Addict ka ba? Bakit mukha kang bangag?"

"Wala ka bang napapansin sa 'kin, Buddy?" tanong niya.

Pinagmasdan siya ng lalaki. "Bago ang hikaw mo?" anito.

"Hindi, luma na nga iyan, eh. Basta may nagbago sa 'kin." Kulang na lang na isigaw niya: Dalaga na 'ko!

Tumawa si Buddy. "Ano ba'ng bago? Panty mo?"

Binato niya ito ng kabayo sa chess. Sapul sa noo si Buddy.

"Ano ba talaga ang bago sa iyo?" anitong tumatawa pa rin.

"Kuya Buddy, telephone!" tawag ng maid. Inabot ni Buddy ang wireless.

"Hello..." Nang marinig nito kung sino ang tumawag ay biglang nag-modulate at parang ayaw iparinig sa kanya ang sinasabi. Halatang-halata na babae iyon.

"Buddy!" tili niya, tiniyak na makakaabot iyon sa pandinig ng caller. Sinadya niyang itumba ang sarili, kasama ng upuan. malambot naman ang babagsakan niya dahil bermuda grass.

"Fernie..." Agad siyang inalalayan nitong makatindig. "Are you all right?" tanong pa nito na puno ng pag-aalala.

"Sandali lang, Milet," anito sa kausap.

"Aray ko, naipit yata ang ugat ko sa bewang," daing niya at ginusot ang mukha para magmukha siyang nasaktan talaga.

"Ang likot mo kasi," hinagod pa nito ang bewang niya. "Masakit pa? I'll call you later, Milet... No... She's Fernie... okay! Okay!"

Tila nagalit ang babaing nagngangalang Milet. Patuloy siya sa pag-arte. Ini-off na ni Buddy ang telepono at ipinatong iyon sa ibabaw ng chessboard.

"Masakit pa ba? Bakit ka ba natumba?"

"Na-off balance, eh. Aray ko, hindi na yata ako makakalakad kahit kailan. Malulumpo na 'ko, Buddy..." daing pa niya.

"Gaga! Tumayo ka nga riyan," anang lalaki.

Kunwa'y namimilipit pa siya. "Masakit, eh."

"Sige, maupo ka lang diyan." Lumipat pa ng puwesto si Buddy para mahilot na maige ang tagiliran niya. Pinisil-pisil pa nito iyon. "Dito ba? O dito?"

"Hindi ko alam, basta, masakit siya," aniya.

Idiniin ni Buddy ang pressure sa tagiliran niya at doon siya totoong nasaktan.

"Masakit pa?"

"Hindi na." Itinuwid niya ang katawan. "Nawala na nga ang sakit. Himala!"

"Niloloko mo yata ako, eh." Kakamut-kamot sa ulo si Buddy.

"Hindi, ah. Masakit talaga kanina," aniya.

Naupo muli si Buddy sa puwesto nito at humalukipkip. "Alam ko na ang nagbago sa iyo," anito.

"Talaga?" excited niyang sabi.

Tumango ang lalaki. "Naka-bra ka na! Dalaga ka na, Fernie! May nanliligaw na siguro sa iyo, sino? Ipakilala mo naman sa akin at nang makilatis," ani Buddy.

Hindi niya malaman kung matutuwa o maiinis. Napansin nga ni Buddy na dalaga na siya, pero parang bale-wala naman dito.

"Wala akong manliligaw," aniya ngunit sa tonong parang mayroon nga at ayaw lang niyang aminin.

Effective naman dahil lalong na-curious ang lalaki. "Sabihin mo na. Baka mamaya, eh, may boyfriend ka na na hindi ko nalalaman? Huwag ka munang magbo-boyfriend... baka mag-asawa ka nang wala sa panahon," payo pa nito.

Umismid siya. "Sixteen na naman ako, a. Bakit si Desiree, nakakatatlong boyfriends na?"

"Iba ka naman kaysa sa pinsan mo. Huwag kang gagaya do'n. Kiriray 'yon," wika pa ni Buddy.

Natawa siya sa ginamit nitong salita. "Kailan ako puwedeng mag-boyfriend?" tanong niya.

"Dahil hindi ka naman kiriray, siguro kapag treinta ka na."

sweet periwinkleWhere stories live. Discover now