Untitled Part 27

2.1K 75 2
                                    


NAPABUNTONG-HININGA si Fernie sa mga alaalang iyon. Hindi natupad ang hiling niya, bagkus ay binigyan pa siya ng malusog na pangangatawan.

Gayon din sina Lola Caring at Lolo Julian. Buhay at malakas pa ang dalawang matanda. Pero kung sa bagay, wala pa namang sitenta ang mga iyon.

"May proposal ako sa iyo, Fernie," wika ni Desiree na naupo sa stool sa harap ng kaha. Mamaya lang ay mapupuno na ng kostumer ang kanyang restaurant.

Nang makatapos siya ng kolehiyo, naisip niyang mas mabuting mag-self-employed. Kung paghuhusayin naman niya ang paghawak ng negosyo ay hindi na siya maghihirap, kagaya ng kanyang lolo at lola.

Sinuportahan naman ng dalawang matanda ang balak niyang pagtatayo ng videoke bar and restaurant. Umupa lang siya ng puwesto malapit sa highway.

"Ano?" tanong niya. Na-miss din naman niya ang pinsan, ngunit nangangamba pa rin siya. Ayaw niyang isipin ang mangyayari kapag nagkita muli ito at si Buddy.

"Gusto kong sumosyo rito sa negosyo mo, pagandahin pa natin, kaparis no'ng mga pinagtrabahuhan ko sa Japan," wika ni Desiree.

"Kulang pa ang kapital ko," aniya.

"Kaya nga susosyo ako sa iyo. Marami yata akong naipon. Sinekreto ko lang dahil baka ubusin ng mga kamag-anak natin na mahilig mangutang," anang pinsan niya. "Namana ko yata ang utak ni Lola Caring," wika pa nito.

Istrikto talaga sa paglalabas ng pera ang matanda kaya marami sa kamag-anak nila ang nagtatampo, pero hindi iyon pinapansin ng matanda.

"Ano, payag ka na? At saka may balak ako pagdating ni Buddy, gusto kong bigyan natin siya ng party," suhestiyon pa ni Desiree.

"Party?"

"Yes, party. Mabait naman talaga ang kumag na iyon, eh. Naalala mo noong mga bata pa tayo? Lagi tayong nililibre ng twin popsies, at hindi lang 'yon, nagbibigay pa ng baon." Bumungisngis pa si Desiree.

At nahawa naman siya at natawa. Maganda naman talagang balikan ang mga alaala ni Buddy.

"Nangupit ka pa sa kanya," aniya.

"Huwag mong sasabihin 'yon, nakakahiya," ani Desiree. "Ano, linisin natin ang bahay nila, tapos sabitan natin ng crepe paper... parang nightclub..."

"Sige. Ako'ng bahala sa pagkain."

Nutrition ang kursong tinapos ni Fernie sa UPLB, at expert siya sa pagluluto, kaya nga restaurant ang business niya. Ngunit sa gabi lang malakas, kaya laging pulutan ang niluluto niya.

Nang magsimulang dumating ang mga regular na kostumer ay agad na nilapitan ni Desiree ang mga iyon, nilambing at ito mismo ang kumuha ng orders. At nakikipag-duet pa sa pagkanta ng mga iyon. Aliw na aliw ang mga kostumer.

"Baka naman mapagkamalan kang GRO, Des," aniya sa pinsan.

"Iyon mismo ang kailangan natin, Fernie, para dayuhin itong videoke mo," anito.

"Ayoko n'on at saka baka hindi tayo bigyan ng permit kapag naglagay tayo ng babae."

"Sa bagay, at saka baka isumpa tayo ni Buddy kapag ganoon ang ginawa natin," anito, at napapansin ni Fernie na panay ang banggit nito sa pangalan ng lalaki.

"Pagandahin na lang natin ang interior para maging class ang ambience, pero hindi muna tayo magtataas ng presyo. Loyal sa akin ang mga kostumer ko, eh, baka magtampo kung mamahalan ko ang beer at pulutan," aniya.

Mabuti na nga at naisipan ni Desiree na sumosyo sa kanya; at least, hindi na ito babalik sa Japan, nag-aalala rin naman siya sa pinsan.

"Ako na lang ang mag-e-entertain sa mga kostumer. At least, solo ko ang atensyon nila," ani Desiree na hindi pa rin nawawala ang pagkakiriray.

sweet periwinkleWhere stories live. Discover now