Untitled Part 7

2.1K 92 13
                                    


AT IYON ang simula ng bago nilang pagkakaibigan. Wala siyang pinananabikang araw kundi ang makasama si Buddy, at lihim pa siyang nakikipagkompetensya kay Desiree. Nais niyang sa kanya lamang nakatuon ang atensyon ni Buddy.

Tulad ng pangako ni Buddy, isang umaga ay dinala nito sa kanila ang tuta.

"Pangalanan mo na, binyagan natin doon sa lababo," suhestiyon pa ni Buddy.

Dinala nga nila sa lababo ang tuta at doon ay winisikan niya ng tubig.

"'Janice' ang pangalan niya," deklara niya.

"Tange, lalaki 'yan," wika naman ni Buddy.

Nag-isip siya. "'Dindo' na lang."

Napatawa si Buddy. "Pangalan naman ng tao 'yon, eh."

"Basta, Dindo na lang siya..." Hinimas-himas niya ang ulo ng tuta. "Hello, Dindo," Dinilaan ng tuta ang palad niya.

Ang hindi alam ni Fernie ay nasermunan nang husto ng mommy niya si Buddy nang malamang dinala nito sa kapitbahay ang isang tuta.

"Nakapangako na ako kay Mareng Wendy! Ano ka ba naman, Baldomero? Inilagay mo pa ako sa kahihiyan!" talak ng mommy nito.

"May iba pa naman, eh," katwiran ng binata.

"May iba pa! Alam mo namang may may-ari na ng mga iyon! Bakit ba napakabait mo sa uhuging 'yon?"

"Naaawa lang ako kay Fernie, Mommy. Naulila kaagad, nalulungkot, kamuntik na ngang mapipi. Mabuti na nga at nagsasalita na ulit. Makakatulong si Dindo para tuluyan siyang maka-recover..."

"Sinong Dindo?"

Napakamot ng ulo si Buddy at nagpaliwanag.

"Basta!" Nakapamewang ang kanyang ina. "Hindi kita maintindihan. Ano ba'ng balak mo, magtayo ng bahay-ampunan? Aba'y lagi mo na lang kabuntot ang batang iyon. Baka mapagkamalan kang pedophile!"

"Mommy, naman. Mabait si Fernie, ayaw mo lang kasing kausapin. At hindi naman siya palaboy, lagi lang uhugin, singhot nang singhot..."

"Marungis 'kamo..."

"Bata pa kasi," ani Buddy.

Hindi rin nito maipaliwanag kung bakit wala nang sipon ay singhot pa rin nang singhot si Fernie, at kung maghakot ng dumi—nakakaturete! Minsan ay ito na mismo ang nagpupunas sa mukha ng bata.

Hindi rin malaman ni Buddy kung bakit ganoon ito ka-protective kay Fernie. Walang araw na hindi nito kinukumusta kay Lola Caring ang apo nito.

At nang magsimula na ulit mag-aral si Fernie ay si Buddy mismo ang nagpa-enroll. At kung wala itong klase ay ito pa ang sumusundo sa bata. Bago umuwi ay ibibili nito ng twin popsies na kapag kinain na ni Fernie ay abot hanggang siko ang tulo ng ice drop.

"Supsupin mo na!" utos ni Buddy kapag hindi na mapigil ang tulo ng twin popsies.

Sisigehin naman ni Fernie ang pagsupsop hanggang lumagkit na ang buong mukha, at habang sinusupsop ang ice drop ay sinasabayan naman ng singhot.

"Maalat na siguro 'yan," komento nito at napapailing.

But he was fond of her.

sweet periwinkleOnde histórias criam vida. Descubra agora