Ang Katapusan

11 1 0
                                    

Kung nagtataka kayo kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit ko ginawa ang proyektong ito, pasensya na ngunit hindi ko masasagot ang inyong katanungan bagkus kahit ako walang maiging dahilan kung bakit ko isinulat ang mga ito.

Ano nga ba talaga ang 'Malabo pa sa sabaw ng pusit'?

Nung simula, naisipan kong gumawa ng isang proyekto kung saan pwede akong gumawa ng compilation ng mga problemang nakikita ko o nakakasalubong sa pangaraw-araw kong buhay. At habang ginawa ko ang bawat parte o kabanata ng nito, dito ko nalaman na nagiging stress reliever ko na ang pagsusulat ko dito. Ang mga problemang hindi ko maisigaw sa ibang social networking sites, dito ko naibubuhos. Pero syempre, kung hindi niyo naitatanong. Oo. Maingay ako sa Facebook ko. Pero yung mga rants na sinusulat ko sa proyekto kong ito, hindi ko na pinapaabot sa aking account sa FB. Simple lamang ang aking rason, hindi babasahin ng ibang tao ang mga mahahabang post ko sa FB. Ano bang pakialam nila sa mga problema o kaya naman mga opinyon ko sa mga pangyayari sa ating bansa? Kaya dito sa Malabo pa sa sabaw ng pusit, ito ang nagsisilbi kong bagsakan ng mga opinyon ko sa palpak na sistema ng ating bansa. Hindi lamang sa gobyerno, kung hindi kasama ang iba't ibang institusyon ng Pilipinas.

May mga pagkakataon na taliwas ang aking mga opinyon sa inyo, pero para sa akin iyon ang magandang parte ng proyektong ito. Naririnig ko o ninyo ang iba't ibang ideya ng mga taong hindi ninyo kakilala o kaya naman dito niyo lamang sa site na ito nakilala. Dito nagsisimula ang dalawang bagay. Maaaring magdulot ito ng masama sapagkat may mga taong sarado para sa opinyon ng iba, na nagreresuta sa away o kung sakali giyera, kung pambansang o pandaigdigang hindi pagkakaunawan ang pinag-uusapan. Ang pangalawa naman ay pagkakaisa kung matututo tayong makinig at umunawa kung sa mga opinyon ng iba. Alamin ang kanyang kasaysayan kung bakit nga ba nabuo ang ideya niya na siyang taliwas sa iyo. 

Malabo nga ba ang sistema ng ating bansa? Sa tingin ko, oo, sa ngayon. Pero hindi pa din nawawala sa akin ang maniwala na may pag-asa pa ang bansang ito. Kung totoo man ang mga sinasabi ng kasalukuyang administrasyon na kailangan lamang nating magtiyaga at magtiwala sa tuwid na daan na balang araw ay magagawa nating makamtan ang TUNAY na kaunlaran. O kaya naman ang pangako ni Duterte na iwaksi niya ang krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Malamang may tiyansa nga talaga ang bansang ito. 

Hindi ko inaasahan na sa loob ng labing-limang kabanata ay matatapos ko ang proyektong ito. Nakatanggap na ako ng 38 na boto at 573 na views habang sinusulat ko ang kabanatang ito. Hindi ako magaling na manunulat, tanggap ko iyon. Maraming mas magaling dyan kaysa sa akin. Maraming mas matalino at may iba o mas malalim pang pananaw sa bansa natin.  Pero hindi nito nabubura ang katotohanan na may mga taong may paki sa kung paano umaandar ang bansang ito.

Ang nakaktawang katotohanan sa ngayon ay kung paano ko tatapusin ang proyektong ito. Dahil kung tutuusin, sa tuwing sumisikat ang araw, may mga panibagong karanasan ang aking natatahak na maaari kong ilagay sa proyektong ito. Madaling simulan ngunit mahirap tapusin. Siguro tatapusin ko ito sa pamamagitan ng isang pasasalamat na may mga taong nagbabasa ng aking gawa. Hindi ko man kayo kilala, pero malaki ang utang na loob ko sa inyo sapagkat binigyan niyo ako ng dahilan na magpatuloy. Sa tuwing nakikita kong tumataas ang bilang ng views ko, mas lalo akong nasasabik na magsulat. Kahit views lang, wala ng votes. Masaya na ako. Sana masubaybayan niyo pa ako sa mga susunod kong proyekto at muli maraming salamat.

OUT. 


Malabo pa sa Sabaw ng PusitWhere stories live. Discover now