Chapter 12

137K 8.4K 1.5K
                                    

Chapter 12

Hangin

"Huwag na huwag mong pagtataasan ng boses ang aking reyna."

Kanyang tinig na bago sa aking pandinig, bantang may dalang karahasan at salitang nakapapaminsala sa dumadaloy na buhay ang dapat mamayani sa mga binitiwan nitong kataga. Ngunit huling dalawang salita'y tila nagdala ng kalituhan sa aking puso at isipan.

Ang kanyang mga mata'y tila uri ng apoy na handang tumupok sa kahit anong bagay na hamplusin nito. Ang kanyang paraan ng pagliliyab ay animo'y nakamamatay sa nakapaligid, naghahangad ng pagyuko na dapat katakutan at kapangyarihang dapat tingalain. Ngunit ang mga mata niya sa mga mata ko'y may hatid na ibang uri ng panganib.

Kakaibang uri ng pagliliyab na tila ako lamang ang nakadarama. Sino ang lalaking ito na may mga matang nagsusumigaw ng pagka-uhaw?

At ang marinig ang katagang, aking reyna...

Nagawang mag-iwas ang aking mga mata mula sa lalaking bampira nang matagpuan ang daang bampira, lobo at ilan pang mga nilalang na unti-unting lumuluhod sa akin.

Ngunit sa bawat pagluhod ng mga ito, iisang nilalang lamang ang nanatiling nakatayo na hanggang ngayon ay hindi mag-alis ng paninitig sa akin.

Hindi ito ang inaasahan kong mangyayari, ang mga lobo ay may dahilan pa para igalang at luhuran ako, ngunit ang makitang maging ang ibang nilalang ay gawin ito para sa akin—ano ang—

Natigil ako sa pagtatanong sa aking sarili at unti-unti kong muling ibinalik ang mga mata sa bampira at muling pinurosesa ang mga katagang huli niyang sinabi. Pumasok sa alaala ko ang istorya ng unang dyosa na bumaba rito. Na kung sinong nilalang ang mapapares sa isang dyosa ay magkakaroon ng higit na kapangyarihan sa lahat na siyang maaaring maghari sa mundong ito.

Gusto kong umiling sa kanilang lahat. Nagkakamali sila... hindi ako—

Ngunit nagpatuloy pa rin ang sunod-sunod nilang pagluhod. Hindi ako ang inyong reyna, hindi ako maaaring ipares sa isang bampira at lalong wala akong nararamdaman—

Muling akong natigil sa pagdiskusyon sa aking sarili nang bumalik sa aking isip ang ginawa ko simula nang makababa rito sa lupa. Siya—sa kanya ako kumukuha ng enerhiya, siya ang dahilan kung bakit ako nakababa, dahilan kung bakit hindi ko nagawang sirain ang katawan at kitilin ang buhay ni Lily para lamang makababa rito. Hindi ang presensiya ng Glaoch sa katawan ni Lily ang sumuporta sa akin, kundi ang lalaking bampirang ito.

Hindi na mawala ang kalituhan sa aking kaanyuan habang pinagmamasdan ang bampira, o tamang sabihin na hari, dahil ito ang tawag sa kanya ng ilang mga bampira.

Siya ang dahilan kaya nagagawa kong gamitin ang kapangyarihan ko bilang dyosa ng walang restriksyon. Ang kanyang presensiya...

Nang sulyapan ko si Lily ay naluluha itong nakatitig sa akin. Yumakap ito kay Adam na nagpalambot sa puso ko.

Nagtagumpay ako, natigil ang digmaan, magkasama na ang pagmamahalang buong puso kong isinugal, ilang taong pinaglaban at araw-araw na pinagdasal ng isang magandang katapusan.

Ito ako, isa lamang akong hamak na dyosang may dalang pag-ibig. Wala akong karapatan para magtamasa ng ganito, dahil ako'y isinilang para maglingkod sa pag-ibig hindi para maranasan ito.

Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata para magpaalam. Ngunit ang huling bitaw ng kanyang mga salita'y tila uli ng tali na pilit akong hinihila patungo sa kanya.

"I've been waiting for you, My Queen."

Ang grupo ng mga bampirang nasa kaliwang bahagi ng malaking bitak ng lupa ay nagsisimula nang maglaho at bumalik sa kanilang mga emperyo. Ngunit ang kakaunting bilang ng mga bampira sa kanang bitak ng lupa'y tila nais maging saksi nang unti-unting paglapit sa akin ng kanilang hari.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now