Chapter 40

123K 7.2K 1.2K
                                    

Chapter 40

Mga liham

Sa ilang beses kong paglalakbay sa nakaraan, hindi ko magagawang itanggi ang aking pagdududa sa mga ikinikilos ni Reyna Talisha, may parte sa sarili kong nais ko siyang hangaan dahil sa kabila ng pagkakakilala sa kanya ng lahat ay isang reyna palang may itinatagong kamandag, na ang siyang mabibiktima'y tiyak na mahihirapang makahanap ng lunas.

Hindi ko itatangging sa unang pagsaksi ng aking mga mata sa nakaraan at sa paraan ng pagpigil ni Reyna Talisha kay Claudeous ay nagduda na ako sa kanya. Nagawa niyang pakielaman ang dapat mangyayari sa hinaharap na siyang inakala ko sa una.

Ngunit nang hinayaan ko ang sarili kong pakaisipin ang aking mga nasaksihan, binigyan nitong linaw na hindi ang Reyna ng Parsua Sartorias ang unang kumikilos. Umaksyon siya dahil nauna si Reyna Claudia, nais nitong baguhin ang nakaraan sa pamamagitan ng pagbabalik ng kanyang anak mula sa hinaharap patungo sa pangyayaring siyang orihinal nang nakasulat sa tadhana.

At ngayon nama'y sa nakaraan ni Ahren, agad nabalot ng katanungan ang aking isipan sa unang paglabas ng reyna mula sa likuran ng estatwang dragon. May ilang sandaling nais kong sumang-ayon sa sinabi ni Reyna Aenor, bakit nga ba hindi na lang hayaan ng reyna ang tadhana at ang kanilang mga anak ang kumilos?

Ngunit natigilan din ako sa aking iniisip, ito na naman ba ako at huhusgahan ang reyna sa kapirasong parte ng nakaraan? Isa na naman ba itong hakbang upang masiguro ang magiging trono ni Dastan sa hinaharap o isa na naman itong kasagutan sa atakeng unang ibinigay ng panibagong reyna?

Ang katanungang ito'y nasagot nang sandaling ang nakaraan ay dalhin ako sa Parsua Sartorias.

Hindi pumasok sa isip ko ang pagkakataong dadalhin ako sa nakaraang inakala kong nasaksihan na ng aking mga mata.

Ang pagmamahal ng isang reyna sa kanyang anak ay talagang kahanga-hanga, mula kay Reyna Claudia hanggang kay Reyna Aenor.

Ngunit ano nga ba ang bersyon ng reyna mula sa Emperyo ng Parsua Sartorias sa likuran ng kanyang gintong pintuan na binabantayaan ng mahiwagang kuneho? Ano nga ba ang misteryong nakapaloob sa likuran ng gintong pintuan na siyang saksi sa totoong katauhan ng kinikilalang reyna ng Sartorias?

Isang payapang gabi ang sumalubong sa akin sa Emperyo ng Parsua Sartorias, maliwanag ang sinag ng buwan, umaawit ang mga kuliglig, mga kawal na matiyagang nagbabantay sa kanilang mga posisyon at banayad na pagwagayway ng watawat sa tuktok ng palasyo.

Sa pinakamataas na bahagi ng palasyo'y nananatiling nakabukas ang ilaw at bintana. Ang silid na hari at reyna.

"Mahal, nakatanggap ako ng liham mula sa Parsua Deltora." Sabi ni Reyna Talisha na nagbuburda sa tabi ng bintana habang ang hari'y nagbabasa ng kanyang aklat sa kama.

"Liham para sa akin, Mahal?"

Ibinaba ni Reyna Talisha ang kanyang ibinuburda at hinarap niya ang hari na nasa kanya na rin ang atensyon.

"Inaanyayahan ni Haring Raheem si Dastan at Zen na manatili ng ilang araw sa kanilang palasyo upang magkaroon ng katunggali ang kanilang mga anak sa pag-eensayo sa espada. Ibinalita nilang dumating ang kilalang maestro sa paggamit ng espada at kalasag sa Emperyo ng Parsua Deltora."

"Hmm... maging si Zen? Hindi kaya magkagulo na naman sila ni Rosh? Bakit kaya hindi magkasundo ang dalawang iyon?" tipid ngumuso ang hari na tila isang malaking misteryo ang hindi pagkakasundo ng dalawang prinsipe.

"Ngunit hindi ko nais umalis mag-isa si Dastan, sa ilang araw na gagawin nilang pananatili sa Deltora, maaaring maayos ang hindi pagkakaintindihan ni Zen at ng ikalawang prinsipe ng Deltora. Isa pa, hindi rin gugustuhin ni Zen na hayaang mag-isa ang kanyang kapatid sa paglalakbay."

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now