Chapter One - The Snowhite - Dork Collision

6.5K 129 36
                                    

Isang inch na lang talaga at ubos na ang pasensya niya.

"Potek, 7:34 na!" Nabubuwisit na naihilamos ni Kiel ang kamay sa mukha. "Carl, halika na, male-late na ako. Maliligo pa ako, please!"

"Ayaw ko ligo, ayaw ko ligo!" Nagtatakbo ang kanyang pinsang si Carl sa loob ng kuwarto nito.

"Carlos Miguel Vicencio!"

Sa edad nitong apat, nasa peak ito nang kalikutan. Idagdag pang may hinala siyang may Attention Deficit Hyperactivity Disorder o ADHD ang paslit.

Mabilis itong hinabol ni Kiel. "Carl, di puwede. Magagalit si Ya Glenda mo pag inabutan ka niyang mabaho, tara na!" pang-uuto niya na ang tinutukoy ay ang stay-out yaya nito.

"Ayaw, ayaw!" ulit nitong nagtatakbo patungo sa ilalim ng kama.

"Carl, parang awa mo na! Pleeease!" Yumuko siya sa ilalim ng kama at hinila ito sa braso. Naisip niyang magpalit ng taktika. "Papahiran ko ng tae ng manok yung dede mo kapag di ka tumigil, tara na!"

Mukhang natakot ang bata at hindi na nagpapilit. Lihim siyang napabuga ng hangin.

Matapos ang ilang minutong kulitan at habulan (at pag-burn niya ng kulang-kulang 4500 calories kasabay nun) natapos din niya itong paliguan at bihisan. Nagpakarga ito nang pababa na sila sa kusina ng maliit na bahay.

Naabutan nilang nag-aalmusal na ang mga magulang ni Carl. Ang mag-asawa ang kumukupkop sa kanya dahil nasa probinsya ang buo niyang pamilya.

"Hanggang anong oras ang klase mo?" tanong ng tita niya, sa pagitan ng pagnguya sa siningag at daing na niluto niya rin kanina.

"Six po."

"Good. Dapat 6:15 andito ka na mamaya, ah," anang kanyang tiyahin.

Namilog ang mga mata ni Kiel. "Po, Tita? Eh, m-may-"

Ikinumpas nito ang kamay para putulin siya."'Wag ka nang pumunta d'un, kung saan man 'yan! May meeting ako mamaya sa opisina, gagabihin ako at ang tito mo naman, mag-a-attend ng birthday ng kanyang boss. Walang makakasama si Carl pag-alis ni Glenda kaya dalian mong umuwi," dere-derechong anito.

Hindi na siya nakahirit ng reklamo kahit gusto niyang umalma. Balak kasi niyang pumunta kay Aling Eva na gumagawa ng pastillas para maka-sideline na taga-repack doon. Sayang din kasi ang kikitain niya roon; pambili na rin iyon ng ilang pangangailangan niya sa school.

Nagsimula siyang umangal. "Eh, Tita, mayroon pa po kasi akong-"

Pinandilatan na siya ng tiyahin. "Hindi puwede, Kiel! Umuwi ka pagkatapos ng klase mo."

"Okay po." Bagsak ang balikat na inilagay na niya sa kanyang bag at ang baong lunch. Pagkatapos, nagmano na siya sa mag-asawa.

"Aalis na po ako," paalam niya saka lumabas ng bahay.

Walking distance lang naman ang kolehiyong pinapasukan niya pero ilang minutong lakarin din iyon. At dahil napagtripan ng mga bully ang bike niya n'ung nakaraang linggo, hindi niya iyon magagamit ngayon, kaya kailangan niyang bilisan lumakad; tumakbo kung kinakailangan.

Sa malas, umambon pa. At wala siyang dalang payong.

Humahangos siya habang kinakapa sa bag ang kanyang ID para ipakita sa guard sa gate. Pero hindi niya iyon makapa kaya minabuti niyang silipin nang maigi ang bag.

Dahil nakayuko, hindi niya napansin ang nakaharang sa daan niya. Sumalpok siya sa malambot na katawan na may pinaghalong amoy ng sosyal na bulaklak na di niya kayang i-spell at strawberries. Agad niya iyong nahila papayakap sa sarili para hindi bumagsak.

The Dork Knight (Published by Bookware Pink&Purple)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon