Chapter 2

54.7K 3.2K 1.6K
                                    

"BAKIT MO AKO KILALA?!"


Napalunok ako dahil sa klase ng titig ni Asher sa akin. Ganito ba talaga ang mga mata niya sa malapitan? Nakakapanghina ng tuhod?


Hindi ako puwedeng magtagal na kaharap siya. Hindi pa oras. Kalkulado ko kahit segundo at ayaw ko na masira ang aking mga plano. Pero paano ako tatakas sa kanya? Heto at parang wala siyang balak na bitiwan ako!


Hindi puwede! Kailangang makaisip ako ng paraan! Itinuro ko bigla 'yong likod niya. "Hala, tingnan mo, oh!"


Napalingon naman si Asher sa itinuturo ko. "Ha, ano?"


Sinamantala ko ang sitwasyon para maitulak siya at makawala ako sa kanya, sabay bira ko ng takbo. Sa bilis naman ng pangyayari at gulat ni Asher ay napaupo siya sa lapag.


Napasigaw siya, "Hoy!"


Hindi ko naman na siya nilingon pa. Matulin ang takbo ko hanggang makalayo.


Hingal aso ako hanggang makalabas ng gate ng school namin. Kung hinabol niya man ako, hindi niya ako agad makikita dahil humalo ako sa ibang estudyante na palabas. Pagdating sa paradahan ng tricycle biyaheng Brgy. Pasong Camachile ay sumakay na agad ako. 


Sa Sunterra Place Subdivision ako nakatira kasama ang mama at papa ko. Sa ngayon ay wala si Papa dahil OFW ito. Ang bahay namin ay isang rent to own townhouse. Dito iyon sa Pascam. Tapat ng Grand Riverside Subdivision.


Pagbaba ko sa tricycle ay naglakad na ako papasok sa loob. Pagliko ko sa street namin ay napahinto sandali ang aking mga paa sa paghakbang. Sa tapat kasi ng bahay namin ay may nakaparadang lumang sedan. Itim na Toyota Vios.


Hindi lang mismo ang pamilyar na sasakyan ang dahilan ng aking paghinto, kundi ang matangkad na lalaking nakasandal sa hood ng kotse. Isang lalaki na matanda lang sa akin ng ilang buwan. Black shoes, school polo, and pair of slacks pants. Napakaaliwalas tingnan ang complete uniform na pang-private.


Habang marahang naglalakad ay nakatingin ako sa kanya. Nakatagilid siya sa gawi ko. Kitang-kita ang matangos niyang ilong kung saan nakapatong sa mataas na bridge ang suot na clear glasses. 


Kilala ko siya. Siya si Rio Theodore V. Estrada. Panganay na anak ng nakatatandang kapatid ni Papa na si Tita Rica. Taga Sta. Clara sila.


Sa kabila ng suot niyang salamin sa mata, ang mahahabang eyelashes niya ay kapansin-pansin pa rin. Ang kanyang makinis na pisngi at leeg ay may kaunting pawis dahil mainit dito sa labas. Gayunpaman, mukha pa rin siyang malinis. Mukhang mabango. Mukhang napakabait at napakaamo.


Pero anong ginagawa ni Rio dito? Naramdaman siguro niya ako kaya siya marahang lumingon sa gawi ko. Ang inosenteng mga mata ay pumungay nang makita ako. Mga mata niya na sa unang tingin pa lang ay napakabait na.


Buong kamaganakan yata namin o kahit hindi namin kaano-ano ay gustong-gusto si Rio. Matalino, masipag, mabait. Napakapino rin kumilos, napakagalang, napakamahinahon. Ang tingin sa kanya ng lahat ay perpekto... Maliban sa akin dahil alam ko ang totoo.

South Boys #5: Crazy StrangerWhere stories live. Discover now