05

6 3 0
                                    

Gusto ko siyang tawanan matapos niyang sabihin iyon pero mas nanaig sa akin ang gulat. Talaga bang gusto niya akong maging kaibigan?

“Bakit?” tanong ko.

Bahagya siyang natawa. “Anong bakit? Gusto kitang maging kaibigan, bawal ba ’yon?” tanong niya.

Agad naman akong umiling. Medyo nataranta pa sa kung ano ba talaga ang sasabihin ko sa kaniya.

“Hindi naman sa gano’n. Kasi halos lahat sila ayaw akong maging kaibigan. Nakakapagtaka lang na ikaw, gusto mo akong maging kaibigan,” sabi ko naman.

Iniwas ko ang tingin sa kaniya. Muli siyang natawa kaya mas lalo akong nakaramdam ng hiya. Hindi ko magawang ibalik ang tingin ko sa kaniya ngayon.

“Wala naman akong pinipiling kaibigan, Solemn. Kung sa tingin kong okay ka naman na maging kaibigan, kakaibiganin naman kita. Kung ayaw nila sa ’yo, ako gusto kong maging close tayo,” aniya.

Naramdaman ko ang pagtapik niya sa balikat ko. Bumaling ako sa kaniya. Nakangiti siya sa akin ngayon. Labas ang mapuputi at pantay pantay na ngipin. Ang ganda ng ngipin niya. Parang hindi nakaranas kumain ng candy noong bata siya. Totoong ngipin kaya iyon o pustiso na?

“Tara na. Gagabihin ka pa sa pag-uwi,” aya niya.

Saka ko lang naalala na naghihintay nga pala sa akin ang driver namin. Lagot ako kay Mommy kapag late na akong umuwi. Baka isipin no’n ay mabinat ako at baka hindi na naman ako papasukin.

“Bukas na lang natin ituloy ang paglibot dito sa school,” aniya pa.

Tumango na lang ako. Tinahak namin ang daan palabas ng school. Nagtaka pa nga si Manong guard dahil may grade eight pa raw palang naiwan. Halos umuwi na kasi ang mga kaklase namin. Late lang kaming lumabas ni Ryo.

“See you tomorrow!”

Tipid na ngiti lang ang tinugon ko sa sinabi niya. Naghihintay na sa Kuyang driver sa akin. Ako naman ang mapapagalitan ni Mommy kapag ganito, hindi naman apektado ang mga nagtatrabaho sa amin.

Pagkarating sa bahay ay wala pa naman sila mommy. Safe ako, hindi ako masesermunan. Dumiretso ako sa kwarto ko para mag-asikaso ng sarili. Sumagi na naman sa isip ko ang libro kaya naman iyon ang pinagkaabalahan kong hanapin nang matapos akong magbihis.

“Bakit naman kasi biglang nawala?” tanong ko sa sarili ko.

Nakakapagtaka kasing biglang nawala iyon. Dito ko lang naman sa kwarto nilalagay iyon. Kapag naman dala ko sa school, palaging nasa bag ko lang iyon.

“Mom, my book is missing. Did you see my book?”  I asked Mommy.

Kararating lang nila pero iyon agad ang tinanong ko. I need to find my book. Bigay ni Lola sa akin iyon. At isa pa, kamukhang-kamukha kasi talaga ni Josaiah si Ryo.

“No. Baka na-misplace mo lang,” sagot niya naman.

Sumuko na rin akong hanapin ang librong iyon. Makikita ko rin naman siguro iyon kapag tumagal. Kaya hindi ko na lang hahanapin muna.

“Ryo lang ba talaga ang pangalan mo?” tanong ko sa katabi ko.

Sabay kaming kumakain ngayon ng lunch. Dito lang kami sa room kumakain. Ayaw niya ring pumunta kami sa cafeteria dahil marami raw tao. Dito sa room ay iilan lang kasi ang kumakain.

“Tingnan mo sa ID ko,” sagot niya.

Pinakita niya ang ID niyang suot. Ryo Tuazon nga lang ang nandoon. Sa tingin ko ay kailangan ko na ring itigil ang pag-iisip ko na iisang tao lang si Ryo at si Josaiah.

Ochinaide (The New Version)Where stories live. Discover now