08

4 3 0
                                    

Nagyaya manood ng sine si Nihannah. Nang matapos ay kumain na naman kami. Naglaro din at inubos ang oras na natitira sa pagkain na naman. Wala kaming ginawa kundi ang maggala rito sa mall sa tuwing katatapos lang kumain.

“Uwi na tayo,” aya ko na sa kaniya nang mapansin ko ang oras.

May dala siyang mga paper bag na ang laman ay mga bagong dress at sapatos. Ako naman ay ang libro lang ang dala. Hindi ako masyadong gumastos kahit na dala ko ang card ni Dad. Ang pagkain at pangsine lang ang nagastos ko.

Umangkala siya sa braso ko at tinungo namin ang daan palabas ng mall. Wala pang six PM. Pero iyon ang sinabi niya kay Mommy kaya iyon ang susundin namin. Pagkalabas namin ay sa parking lot agad kami nagtungo. Hindi naman kami nahirapan na hanapin ang sasakyan nila dahil agad din naman iyong tumunog at lumabas ang driver para kunin ang mga dala namin.

“Ako na nito, Kuya. Salamat po!” sambit ko nang pati sa akin ay balak niyang dalhin.

Nauna na akong pumasok at sumunod naman din agad si Nihannah. Nag-ayos na naman siya ng buhok at tinutok sa kaniya ang aircon. Naiinitan ang bruha.

“Basahin ko ’yang mga binili mong libro,” sabi ko sa kaniya.

Paalis na kami ngayon. Ihahatid pa ako sa amin kagaya ng nakaugalian namin sa tuwing lalabas kami.

“Sure ba? Baka itambak mo lang ’yan,” pang-asar niya naman sa akin.

Umiling lang ako. Kinuha ko ang isang libro na nasa paper bag. Ang fantasy book ang nakuha ko. Mukhang maganda naman ito. Susubukan ko na lang muna ito.

“Maganda ’yan. Parang ang kwento niyan yata ay lumabas galing sa libro ’yung character na babae, or ’yung mismong lalaki ang napunta sa libro. Nakalimutan ko na agad, pero sure maganda ’yan,” aniya.

Kumabog ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Pinakatitigan ko ang libro. Kekka ang pamagat nito. May kung anong nag-uudyok sa akin na basahin na ito.

“Babasahin ko mamaya,” sagot ko sa kaniya.

Binalik ko ang libro sa paper bag at tinuon ko na ang atensyon ko sa harapan. Ang isip ko ay parang okupado ng ibang bagay pero hindi ko rin maintindihan kung ano iyon. Masyado na naman akong nagpapa-apekto sa kakaibang nararamdaman ko sa mga libro, lalo na sa ochinaide na binigay ni Lola sa akin.

Kaya naman nang makauwi na at makapag-asikaso ng sarili ko ay naisipan ko nang basahin ang librong binili namin ni Nihannah. Sa unang page pa lang ay parang may idea na nga agad ako sa mangyayari. I-ni-spoil kasi ni Nihannah kanina, e. Wala na tuloy thrill sa pagbabasa ngayon. Pero pinagpatuloy ko pa rin iyon.

“Puyat na puyat ka yata?” puna ni Nihannah.

Kauupo ko lang sa pwesto ko at agad dinukdok ang ulo ko sa lamesa. Wala pa namang teacher. At oo, inaantok ako ngayon.

“Nagbasa ka na naman hanggang madaling araw ’no?” mapang-asar niyang tanong.

Tumango lang ako. Nanatili akong nakadukdok lang. Iidlip lang ako kahit ilang minuto. Hindi madadaan sa kape ’tong antok ko.

“Sabi ko kasi isang chapter na lang matutulog na ako, inabot pa ng ilang chapter hanggang madaling araw,” sabi ko naman habang nakapikit pa rin.

Tinawanan naman ako ni Nihannah. Hindi ko na kinaya ang antok kaya hinayaan ko na ang sarili ko na umidlip muna. Nandiyan naman si Nihannah para gisingin ako kung sakaling may teacher na kami.

Ginising niya ako para yayain kumain. Nagtaka pa ako dahil ang tagal ng tulog ko. Hindi ba dumating ang teacher? Vacant ba namin kanina?

“Walang teacher kanina?” takang tanong ko sa kaniya.

Ochinaide (The New Version)Where stories live. Discover now