29

54 0 1
                                    

Gumaan na lamang ang aking katawan. Naramdaman ko ang paglapat ng aking likod sa isang matigas na bagay. Lumitaw ang liwanag at nagkaroon ako ng pagkakataong idilat ang aking mga mata. Sa aking pagdilat ay tumambad sa akin ang malagong puno.

Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong nakahiga na ako. Sinubukan kong bumangon kaagad ngunit muntik nang bumagsak ulit ang katawan ko kung hindi ko lang naitukod ang kaliwang kamay ko. Napahawak naman ako sa aking leeg nang makaramdam doon ng hapdi gamit ang kabila. “Aray… aray, aray.”

Malabo pa ang mga mata ko. Ilang beses ako kumurap hanggang sa luminaw na ang paningin ko. 

Anong nangyari?

Sigurado akong hindi nagtagal ang pagsakop sa aking ng ugat. Pero pagdilat ko’y wala na ako sa dating pwesto. Nasa unahan ko lamang ang batong lamesa’t mga upuan.

Nanlaki ang mga mata ko sa napagtanto.

Kaagad kong binaba ang aking paningin sa aking hinihigaan at sa aking likod. Tila natuyo ang dugo sa aking katawan nang makita ang pamilyar na bato.

“Ah!” Wala pang lakas ang aking mga paa kaya dagli akong gumapang pababa. Nagkamali pa ako ng pagbaba’t sa huli ay nayakap na ang damo. 

Napangiwi ako sa sakit ng pagbagsak ko. “A-aray…” 

Ano ba 'yan, Adira. Ang lapitin mo sa disgrasya sa mundong ito.

Dahan-dahan akong bumangon at dali-daling tinanggal ang mga kumapit na damo sa damit ko dahil alam kong nabahiran na ito ng dugo ng fariya. May dugo ito ng mga fariyang pinatay niya.

“Anong nangyari sa 'yo?” Nahigit ko ang hininga ko nang marinig ang boses niya. Sumulpot ang babae mula sa likod ng puno. May hawak-hawak itong mahabang tali na hindi ko alam kung saan niya kinuha. Binitawan niya rin ito nang makita akong naka-upo sa lupa. 

Nanginginig ang labi ko nang makita siyang mabagal na lumapit sa akin. Hindi ako makapagsalita’t umuurong ang dila ko sa palapit niyang presensya. Naroon pa rin ang talim sa mga mata niya ngunit tila may kaunting naiba.

Sa huli ay umupo siya sa mahabang bato at pinagmasdan ako sa lupa. “Hindi riyan ang trono ng isang prinsesa, Adira.” Tinapik niya ang bato. Bato kung saan ako hiniga at kung saan niya inaalay ang mga fariya. 

Napalunok ako. Imbis na sundin ay umatras ako saka umiling.

Ayoko. Baka sa oras na sundin ko siya ay bigla na lang niya akong sasaksakin ng ugat… o iaalay rin sa kanyang tahanan.

“Matigas ang ulo.” Rinig kong bulong niya. Linibot ko ang tingin sa paligid. 

“N-nasaan sila?” Katahimikan ang bumungad sa akin kanina. Hindi ko na sila makita ngayon, pero gusto kong makasigurado kung pinalaya na ba niya talaga sila.

“Katulad ng ating usapan. Pinalaya ko na sila.” May parte sa akin ang nabunutan ng tinik. Paniguradong makikita na sila ng mga naghahanap sa kanila ngayon.

Ah, tama. Tapos na ang misyon ng mga prinsipe. 

“Anong kailangan mo sa akin?” 

“May iilan lamang akong katanungan.” Mula sa akin ay lumipat ang mga mata niya sa aking likuran. Tumayo siya saka umalis sa aking harapan. Nilagpasan niya ako. Sinundan ko ang bawat galaw niya hanggang sa tumigil siya sa may batong lamesa.  

Umupo siya sa upuan kung saan siya nakapwesto kanina. “Sumunod ka, Adira.” May awtoridad na sambit niya. Tila nagkaroon ng kaunting lakas upang tumayo. Maingat kong tinungo iyon.

Nang makaupo ay nanatili lamang ang mga mata ko sa lamesa. “Huwag kang mabahala. Hahayaan kitang baybayin ang lagusan paalis dito.” Napaangat ang tingin ko sa kanya.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 29 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now