24

174 7 17
                                    

Adira's POV:

Nasa harap lamang ang tingin ko hanggang sa naramdaman kong tumigil ang paggalaw ng karwahe.

"Adira." Tinanguan ako ni Fira bago niya binuksan ang pinto nito. Una siyang lumabas at nang ako na ay nahagip ko ang Prinsipe na nasa gilid ko. Nakalahad ang kanyang kamay sa akin.

Nakapurap ako. Hindi makapaniwala. "Prinsipe, nakakahiya," bulong ko. Iginala ko ang tingin sa mga kasama namin. May mga pagkakataon talagang tinatamaan ako ng kahiyaan. Lalo na ngayong ramdam ko ang dami ng pares ng mga matang nakabantay.

Parang gusto ko na lang magpalamon sa damo.

Sumilay nang kaunti ang labi ng prinsipe, sumulyap siya sa paligid at nang muling bumalik sa akin ang atensyon ay mas lalo niyang inangat ang kanyang nakalahad na kamay. "Mapapahintulutan mo ba akong mahawakan ang iyong kamay?" Tila sa sumunod na iilang segundo ay iba ang pinaparating ng kanyang mga pinakawalan na salita.

Malayo ang narating ng pagkakaintindi ko. Ngunit sa huli ay tinanggap ko rin ang kanyang kamay. "Salamat."

Pagkababa ko ng karwahe ay nadikit na ang mga mata ko sa aming harapan.

Napuno ng pagkamangha ang loob ko nang makita ang mga fariyang nasa harap ng tarangkahan at waring sinasalubong ang aming pagdating.

"Maligayang pagdating, kataas-taasang prinsipe ng Silvrian." Lumapit ang babaeng fariyang nakaputi kay prinsipe Gavino. May hawak-hawak itong hugis bilog na gawa sa dahon.

"Maraming salamat," usal ng prinsipe at bahagyang yumuko. Sa kanyang pagyuko ay pinatong ng babae ang hawak na bilog sa ulo ng prinsipe. Sunod niyang nilagay ang kamay sa kanang dibdib saka yumuko.

Napagtanto kong korona pala ito.

"Maligayang pagdating, prinsesa!" Napatingin ako sa batang babaeng tumigil sa harap ko. Nakatingala pa siya sa akin.

Naka-puti siya at hanggang paa ang laylayan ng damit. Ang kanyang pakpak ay animo'y gawa sa liwanag na kumurba lamang upang maghugis pakpak ito.

Napangiti ako. Isang puting fariya. Mabilang lang sa daliri ang nakita kong fariyang ganito sa Silvrian. Halos ang fariyang naroroon ay kakulay nila Gevne.

Binitawan ko ang kamay ng prinsipe. Lumuhod ako upang magpantay kami ng batang babae. "Maraming salamat." Pumikit ako't yumuko rin sa batang babae, ngunit hindi ko inaasahan ang isang bagay na linagay nito sa ulo ko.

Doon ako dumilat at tumayo. Kinapa ko ang ulo ko, puro mga bulaklak ang nahahawakan ko. Bumaba ulit ang tingin ko at nakita ko itong nagbibigay ng pagbati.

"Maligayang pagdating." Ngayon naman ay nagsalita na silang lahat. Kasunod nito'y nagsalita ang mga nasa likod namin at nagbigay ng kanilang pasasalamat.

Pinasunod kami ng babaeng fariya na siyang unang bumati sa amin sa loob. Ang mga kasama naman niya'y lumakad papunta sa aming likod at ang sunod ko na lang na narinig ay ang mga kamustahan nito.

Tumingin ako sa likod at may nakitang iba't-ibang mukha. Iba't-ibang emosyon ng mga fariyang nahiwalay sa kanilang tahanan ng maraming panahon. Halos lahat ng kasama ko'y may mga korona sa ulo. Isa siguro ito sa tradisyon nila sa mga darating na bisita.

Nagdala ito ng init sa loob ko.

Nawala lamang sa kanila ang atensiyon ko nang tuluyan nang binuksan ang malaking tarangkahan. Ang unang bumungad sa akin ay ang mga paru-parong may mga grupo. Lumipad ito patungo sa akin. Napahagikhik ako nang parang tuma-taas ang korona sa ulo ko.

May isang grupo ng paru-parong pumunta sa braso kong may nakapulupot na panyo. May tumigil doon at animo'y ginawang pahingaan ang braso ko. Meron naman isang puting paru-parong lumipad mismo sa harap ko, sa mukha ko. Itinaas ko ang aking hintuturo at doon na siya tumigil, pero may mga kasama siyang nakiki-agaw sa kanyang pwesto kung kaya't itinaas ko na lang ang iba kong daliri.

Taken By An EngkantoTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang