Prologue

439 10 3
                                    

Kalayaan, pangarap, pag-ibig--mga bagay na hindi naman nakikita, hindi rin nahahawakan, pero ang hirap-hirap makamtan.

Tandang-tanda ko pa ang nakaguhit na pyramid ng Hierarchy of Needs ni Abraham Maslow sa cartolinang kinokopya ko noong high school. Iyong tatlong bagay na iyon ay nakasulat sa bandang itaas ng pyramid. Sa itaas ng pagkain, tubig, pananamit, at tirahan. Naisip ko na siguro nga, mas magkakaroon ng saysay ang buhay ko kung iyon ang makakamtan ko kaysa sa pera at ari-arian, kahit na ang pangarap ko lang noong bata ako ay ang yumaman.

Kaya noong tumuntong ako sa university na 'to, itinatak ko sa isip ko na handa akong mahirapan para makamtan ang tatlong bagay na iyon. Pinili kong tahakin ang landas na 'to dahil umaasa akong iyon ang matatagpuan ko sa dulo.

Nabigo ba ako? Sa tingin ko, hindi. Sa katunayan, nagsisimula pa nga lang ako, pero parang natagpuan ko na.

Tinipa ko ulit ang hawak kong gitara at inihanda ang lalamunan ko para kantahin ang piyesang tinatapos ko.

"Iggy!"

Napaigtad ako at natigil sa pagtugtog nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Bumungad sa pintuan si Ate Jacky, pinsan ko. Nilagay niya ang mga kamay niya sa magkabilang baywang at tinaasan ako ng kilay. Napailing na lang ako at inilapag sa kama ang gitara. Hinanda ko na ang sarili ko sa mala-armalite niyang bibig dahil panigurado, tatalakan na naman ako nito.

"Kanina ka pa tinatawag ni Mommy! Wala na raw gatas si Josh, tapos paubos na rin 'yung mga gamot ni Sheila. Nadamay pa tuloy ako at ako pa inutusan niyang bumili! Hay nako, asikasuhin mo naman 'yung mga kapatid mo!"

Sinasabi ko na nga ba.

"Pumayag ka naman? Ba't 'di mo 'ko tinawag agad?" katwiran ko naman at inipit ko sa notebook ang papel na sinusulatan ko ng chords.

"Kanina pa kaya kita tinatawag! Hindi mo naririnig? Ano ba kasing ginagawa mo?" Sinundan niya ng tingin ang mga papel na hawak ko at nagsalubong ang mga kilay niya.

"Wala, assignment ko," walang gana kong sagot.

"Assignment? Sembreak, may assignment ka? Sinong niloloko mo?"

Umirap na lang ako at tumayo. Lalabas na sana ako ng kwarto para bumili ng mga pinapabili ng tita ko, pero biglang pumasok si Ate Jacky at kinuha ang mga papel ko. Anak ng!

"Oy, 'wag mong tingnan iyan!" Akmang babawiin ko na sana ulit ang papel pero inilayo niya iyon sa 'kin at binasa pa niya nang malakas ang nakasulat doon. Parang timang naman 'to.

"'Sa bawat gabing hinahatid ka pauwi, maaari bang bagalan natin ang lakad?' Ay, sana all hinahatid pauwi!"

"Ate kasi!"

Hinawakan ko ang braso niya at hindi na siya nagpumiglas kaya inis kong hinablot ang papel. Buti na lang at hindi napunit. Humagalpak siya sa katatawa kaya tiningnan ko siya nang masama.

"Sinasabi ko na nga ba, luma-love life ka na ngayon!" bungisngis niya. "Iba talaga kapag inspired! Biruin mo, hindi ko alam na nagsusulat ka na rin pala ng kanta ah! Ang effort mo!"

Inirapan ko lang siya at itinago na sa bag ko 'yung papel pero hindi niya tinigilan ang pagkantyaw sa akin.

"Ikaw ha! So, who's the lucky girl? Kilala ko ba? Ay shet, feeling ko 'yung ano, 'yung kasama mo noong debut ko! Tama ba? Ano ngang pangalan no'n?"

"Ulol, hindi ah," pagtanggi ko kaagad.

"Sus! Alam kong siya iyon! Hindi mo naman siya isasama kung walang something sa inyo, 'di ba? Yiee!" Tinusok-tusok pa niya ang tagiliran ko para asarin ako lalo. "So what's the real deal? Nililigawan mo ba or kayo na?"

Meet Me at the Crossroad (Artist Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon