Chapter 25

60 5 0
                                    

Iggy's POV

[Warning: Murder, violence, drugs]

"Tita, titigil po muna ako sa pag-aaral."

Gulat akong nilingon ni Tita Miles at napatigil siya sa ginagawa niyang pagwawalis. Kumunot ang noo niya, naguguluhan sa sinabi ko. "Ano'ng pinagsasabi mong bata ka?"

Umupo ako sa sofa at bumuntong-hininga. Mabuti na lang ay nakahanap ako ng tiyempo na kausapin si Tita nang kaming dalawa lang at walang ibang makakarinig. Matagal ko nang gustong sabihin sa kanya ang desisyon ko. Ayaw ko namang magtaka siya kapag napansin niyang hindi na ako pumapasok. Mabuti pang sabihin ko na lang.

"Magwi-withdraw na po ako ng enrollment sa 2nd sem."

"At bakit?" nagsalubong ang mga kilay niya.

"Mag-fu-full time crew na lang po ako," sagot ko. "Parang hindi po kasi sapat ang kinikita ko kapag Sabado at Linggo lang ang shift ko."

"Aba, Iggy," ibinaba niya ang hawak niyang walis at umupo sa tabi ko. "Kung gusto mong magtrabaho para kumita, sige, hindi kita pipigilan. Pero huwag mo namang isakripisyo 'yung pag-aaral mo."

Tumikhim ako at sinubukang pigilan ang luhang nagbabadya sa mga mata ko. Sa totoo lang, hindi ito ang unang beses na sumagi sa isip ko ang tumigil muna. Noong umalis si Nanay, pinapahinto ako sa pag-aaral ng tatay ko dahil hindi niya raw kami kayang pag-aralin nang sabay-sabay kung mag-isa lang siya. Pero hindi ako pumayag dahil alam kong mas magandang kinabukasan ang naghihintay sa akin at sa pamilya ko kapag nakapagtapos ako.

Pero sa mga araw na kumakalam ang sikmura namin, sa mga panahong hindi namin alam kung saan kami kukuha ng pera para sa mga bayarin sa school, sa mga gabing tinitiis namin ang mag-aral sa dilim dahil naputulan na naman kami ng kuryente... hindi ko maiwasang maisip na kung titigil ba ako sa pag-aaral para magtrabaho muna ay mas magiging kapaki-pakinabang ako? Na mas makakatulong ako para mabigyan ng maginhawang buhay ang pamilya ko?

Pero gustong-gusto kong mag-aral at makapagtapos. Tuwing nakikita ko kung paano mangarap at magsumikap ang mga tao sa paligid ko, lalo na ang mga kaibigan ko, nabubuhayan ako ng loob para mangarap din nang mataas. Itinaga ko sa bato na handa akong tiisin ang lahat para sa pangarap na iyon. Pangarap para sa akin at sa pamilya ko. Ang sarap siguro sa pakiramdam na magkaroon ng sariling bahay na ikaw mismo ang nagtayo.

Kaya lang, ganito talaga siguro sa mundo ng mahihirap. Kapag lalo mong pinapatayog ang pangarap mo, lalo kang hahampasin ng malalaking alon hanggang sa tuluyan ka nang hindi makapaglayag patungo sa pangarap na iyon.

Pinili ko na lang na isantabi muna ang kinabukasan ko para ayusin ang ngayon. Babalik naman ako kapag nakatapak na ulit ang paa ko sa lupa. Hindi dahil bibitaw ako ngayon, eh bibitaw na ako habangbuhay. May parte pa rin ako na nakakapit sa pangarap ko.

Pero sa ngayon, handa akong magsakripisyo kung ito na lang ang tanging paraan para buhayin ang mga kapatid ko.

Hindi biro ang pinagdaraanang depresyon ni Sheila kaya may maintenance siyang gamot at kinailangan niyang magpatingin sa psychiatrist. Si Josh naman, mag-aaral na next school year. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera para tustusan ang mga pangangailangan nila. Hindi ko naman pwedeng i-asa lang kay tita ang lahat ng 'yon. Bilang sumunod na nakatatanda sa pamilya, responsibilidad ko ang mga nakababatang kapatid ko.

Meet Me at the Crossroad (Artist Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon