Simula

59.8K 1.3K 268
                                    

Simula

Away

Iginala ko ang mga mata sa buong bahay. Bago ang mga kasangkapan at ang amoy ng barnis ay matindi ang naging pagyakap sa aking ilong. Humakbang ako, lumangitngit ang kahoy na sahig dahil doon.

Sa pagkakaalam ko, ilang buwan pa lang ang nakalipas simula ng matapos ang pagpapagawa sa bahay na ito. Maganda kung tutuusin. Ngayon pa lang ay alam ko nang hindi ako mabuburyo dito.

“Sana ay ayos sa’yo itong lugar na tutuluyan mo. Ito lang ang klase ng bahay na mayroon ako dito sa Nueva Vizcaya.”

Ngumiti ako kay Tita Sherlie. “Wala pong problema, auntie. Maswerte po akong may matutuluyan akong bahay matapos ang nangyari.”

Kusang dumapo ang mga mata ko sa kaniya. Nagkatitigan kami ng ilang sandali bago siya nag iwas ng tingin at alanganing ngumiti.

“Oo naman. Wala naman ibang magtutulungan kung hindi tayo lang mag tiyahin,” sagot niya. “Sandali at aayusin ko lang itong mga gamit natin. Iyong sa kaliwang pinto ang magiging kwarto mo.”

Tumango ako at hindi na nag abala pang sumagot. Pinanood ko siyang bitbitin ang mga gamit namin hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko.

Pumihit ako patalikod at mabagal na humakbang patungo sa nakasarang bintana na yari sa capiz. Nang buksan ito ay kaagad na pumasok ang pang umagang hangin dahilan para magmistulang sumasayaw ang puting kurtina na nakatabing dito.

Iginalaw ko ang mga mata. Malayo ang agwat ng mga bahay dito sa lugar na ito. Karamihan sa mga natatanaw ay damuhan at kapatagan. Sa pagkakaalam ko ay pagtatanim ang unang kabuhayan dito. Hindi na ako nagtataka pa dahil literal na malayo ito sa sibilisasyon.

“Bagong salta ata dito?”

“Baka nagbabakasyon lang?”

“Ewan ko. Mukhang maldita.”

Naagaw ng bulong bulungan na ‘yon ang atensyon ko mula sa pagtitig sa malayong tanawin. Tatlong babae ang nakatingin sa akin hindi kalayuan sa bahay. Kung hindi ako nagkakamali ay iritasyon ang namamayani sa mga mata nila. Iritasyon para sa akin.

“Magandang umaga,” bati ko sa kanila at ngumiti.

Imbes na sumagot ay inirapan nila ako saka naglakad paalis. Lihim na nagtagis ang bagang ko sa naging asal nila. Sinikap ko ang huminga nang malalim at huwag na lang pansinin ‘yon dahil baka gano’n lang talaga ang normal na reaksyon para sa isang dayo na kagaya ko.

Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib at pumihit na patalikod sa bintana. Nagtungo ako sa kwartong inihanda para sa akin ni Auntie Sherlie. Nang makapasok ay hindi ko napigilan ang puriin ito sa isip.

Maliit lang pero malinis at pasok na pasok ang hangin mula sa nakabukas na bintana. Malayo ito sa itsura ng kwartong nakasanayan ko pero sa tingin ko ay mas magugustuhan ko ito lalo na at napapalibutan ng napakaraming puno.

Nahiga ako sa malambot na kama na nababalutan ng puting kobre. Bigla ko naramdaman ang pagod para sa nagdaang biyahe. Higit kumulang anim na oras ang itinigal namin sa daan ni Auntie Sherlie mula pa Maynila. Madaling araw pa lang ay bumiyahe na kami.

Ipinikit ko ang mga mata at hindi namalayang nakatulog na. Nang magising ako ay tiningnan ko ang relo sa bisig. May tatlong oras akong natulog.

Bumangon ako at lumabas ng kwarto. Naabutan ko si Auntie Sherlie na naghahain ng kung ano sa bilog na mesa. Nilingon niya ako.

“Gising ka na pala. Halika at kumain ka na. Hindi pa tayo nag aalmusal buhat kanina.”

Tumango ako at tahimik na lumapit. May bagong lutong kanin, itlog, isda at hotdog na nakahain sa mesa. Masiyadong marami para sa aming dalawa. Alam niyang hindi ako masiyado mahilig mag almusal pero dahil nakahain na ay wala naman na akong magagawa.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Where stories live. Discover now