Chapter 5

942 21 0
                                    


ANG sumunod na mga araw ay naging lubhang abala para sa engineering dahil sa nalalapit na isang panibagong project na sasalihan ng kompanya.

Sina Megan at Miguel ay halatang parehong nag-iiwasan sa isa't isa. Ipinagpapasalamat naman ito ng una.

"Meg, puwede bang pakitawag si Gil dito," si Mr. Arnaldo, ang VP for finance na sumungaw mula sa pinto ng silid ni JS.

Nag-intercom sa accounting ang dalaga subalit sinabi ni Alice na hindi pa ito dumarating.

Kung kailan nagkakotse ay saka naman nali-late, bulong ng dalaga. Tumayo at pumasok sa silid ng boss.

"Sir, hindi pa ho dumarating si Gil," aniya sa boses na tila humihingi ng paumanhin.

"Kung ganoon ay kayong dalawa na lang ni Miguel ang magtungo sa bangko, Megan. Kunin mo ang certificate ng credit line natin para sa project na ito. Kailangang ma-incorporate ang mga papeles bago mag-alas-singko," ani JS.

Napasulyap kay Miguel ang dalaga. Kampante lang ito sa pagkakaupo. Bakit kailangang samahan niya ito gayong kayang-kaya nito ang trabahong iyon? O kaya'y siya na lang mag-isa.

"Eh... JS, hindi ba puwedeng isa na lang sa amin ang magpunta sa bangko?"

"Inaasahan ng Vice President ng bangko si Miguel, hija. Mayroon kaming business deal. Dahil nga dito sa meeting ay si Miguel na lang ang makikipag-usap. Habang ikaw naman, ayusin mo ang credit line natin sa bank manager."

Tumango ang dalawa at walang kibong lumabas. Bakit siya? Bakit hindi si Alice? Habang ipinapasok niya ang formal request sa envelope ay lumabas si Miguel.

"Hihintayin na kita sa labas," anito.

Mabilis na dinampot ng dalaga ang bag. Sinuklay na lamang ng daliri ang buhok. Sa elevator ay walang kibuan ang dalawa. Parehong nagpapakiramdaman.
Kinuha niya sa bag ang susi ng kotse pagdating sa parking lot.

"Do you drive?" aniya na inaabot dito ang susi.

Tumango si Mguel. "But go ahead. I have nothing against women driving their own car."

Walang kibong binuksan ng dalaga ang pinto. Pumasok si Mguel.

Kampante sa pagkakaupo si Mguel habang nagda-drive ang dalaga. At gusto niyang magtaka. Hindi pa niya naipag-drive si Gil na hindi nag-iingay. Backseat driver ang tawag niya rito.

Isang nagmamadaling sasakyan ang biglang nag-overtake. Mabilis na inapakan ni Megan ang preno at kinabig pakanan ang manibela. Bahagya silang sumadsad sa tabi. Huminga nang malalim ang dalaga at muling pinatakbo ng normal ang kotse. "I'm... sorry," marahang sabi niya pero hindi inaalis ang mga mata sa daan. Nagsalubong ang mga kilay ng binata. "For what?" Nagkibit siya ng balikat. Para saan nga ba at humingi siya ng paumanhin?

"Tama ang ginawa mo. Reckless ang driver na iyon. Kung hindi ka umilag ay baka nadagil ang unahang kaliwa ng sasakyan."

Isa uling buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga. Kung kay Gil nangyari iyon, tiyak na katakot-takot na salita ang inabot niya. Kesyo hindi siya maingat... hindi marunong... at kung ano-ano pa.

"Are you always that defensive sa pagmamaneho kahit ang boyfriend mo ang kasama mo?"

Ilang segundo ang lumipas bago sumagot ang dalaga. "Hindi siguro ako maayos mag-drive. Kalimitan ay siya ang nagmamaneho."

Nagtagis ang mga bagang ni Mguel. Nahuhulaan na nito kung anong uri ng pasahero si Gil. At nagtataka ang binata sa mga ganoong uri ng lalaki na kapag babae na ang may hawak ng manibela ay para bang nababawasan ang pagkalalaki.

Nagtatalo ang damdamin ni Megan. This guy is conflicting. Macho type, very sure of himself, authoritative at domineering ang aura. Pero heto at binigyan siya ng credit sa driving niya na minsan man ay hindi mya narinig mula sa katipan.

All-Time Favorite: Kung Kaya Mo Nang Sabihing Mahal Mo AkoKde žijí příběhy. Začni objevovat