Agawin Mo Ako sa Diyos

79 5 2
                                    

NAGISING AKO nang umagang iyon dahil sa ingay na narinig ko mula sa kapitbahay. Kaagad kong naisip si Angela. Ngayon nga pala ang dating niya galing Maynila. Makikita ko na siya uli. Ilang taon din kasi siyang nag-aral at nagtrabaho sa siyudad at hindi man lang umuwi upang magbakasyon kahit isang beses. Ngayon lang.

Dali-dali akong bumangon at sumilip sa bintana ng aking kuwarto. Ngumiti ako nang makita si Angela na masayang nakangiti sa mga magulang niyang sumalubong sa kanya sa labas ng kanilang bahay. Ipinasok naman ng nakatatandang kapatid niya ang mga dala niya sa loob ng bahay mula sa tricycle na nakaparada sa tapat nila. Isang tricycle driver ang kuya niya sa aming lugar. Nasa tapat lang ng bahay namin ang bahay nila at nasa tapat ng kalsada ang kwarto ko kaya kitang-kita ko sila.

Hindi nagbago ang itsura ni Angela. Maganda pa rin siya tulad noon. Mas lalo pa nga siyang gumanda ngayon. Gusto kong tawagin siya pero pinigilan ko ang aking sarili. Naisip ko na bumaba na lang. Excited na akong kumustahin siya, yakapin, at sabihing miss na miss ko na siya. Pero naisip ko, hindi pala ganoon kadali. Nalungkot ako bigla. Nalungkot ako sa ideya na hindi ko siya puwedeng bigla na lang yakapin at kausapin.

Saglit kong nakalimutan na galit pala sa akin si Angela. Pero marahil ngayon ay hindi na. Nakalimutan na niya siguro ang galit niya sa akin. Nakalimutan na niya siguro ang nangyari noon. Sana.

Totoo nga ang balitang ikakasal na siya. Umuwi siya sa aming probinsiya kasama ang lalaking pakakasalan niya. Ako naman ay malapit nang ordinahan.

Ang pagpapari ko ang isa sa mga dahilan kung bakit tumungo si Angela sa Maynila upang magtrabaho. Para lumayo sa akin. Para kalimutan ako.

Inamin niya sa akin noong high school na mahal niya ako nang higit pa sa isang kaibigan pero sinabi ko na hindi ko siya puwedeng mahalin nang higit pa roon dahil bukod sa pagmamahal-kaibigan lang ang kaya kong isukli sa kanya, papasok ako sa semenaryo. Ako ay magpapari. Alam niya iyon. Hindi lang daw niya napigilan ang sinasabi ng puso niya. Sinabi niyang tanggap niya ang sinabi ko subalit hindi na niya ako pinansin nang mga sumunod na araw. Iniwasan na niya ako. Hanggang sa tumungo siya sa Maynila ay hindi kami nag-usap.

Alam kong nasaktan siya nang labis kaya natural lang na magalit siya sa akin. Naiintindihan ko siya. Sana, naintindihan na niya ako. At sana, maibalik muli ang dati-ang dating masaya naming pagkakaibigan.


BATA PA LANG ako noon, naririnig ko nang ikinukuwento nina Tatay at Nanay sa mga kaibigan nila na magpapari ako balang araw. Isang bagay na ayaw ko. Ayaw ko ng gusto ng mga magulang ko para sa akin. Ayaw kong maging pari. Sinabi ko iyon sa kanila pero ipinipilit nila sa akin na magiging pari ako. Iyon ang gusto nila para sa akin.

Hinayaan ko na lang dahil bata pa naman ako noon. Matagal pa ako matatapos sa high school. Pero kapag nai-imagine ko noon na magtatapos na ako sa high school ay kinakabahan ako. Ayaw kong pumasok sa semenaryo. Dahil ang totoo, ayaw kong maging pari.

Lumaki ako sa isang relihiyosong pamilya. Nagsisilbi sa simbahan ang mga magulang ko, pati na ang aking mga kapatid. Pawang mga lector sina Tatay at Nanay samantalang ang dalawang nakatatandang mga kapatid ko na puro babae ay miyembro ng choir. Ako naman na bunso ay isang sakristan.

Ayaw ko sanang maging sakristan noon pero pinilit ako ng buo kong pamilya. Hindi ko rin sana sila susundin kung hindi ako kinausap ni Uncle Pete. "Pedro" ang tawag sa kanya ng karamihan dahil iyon ang tunay niyang pangalan pero "Pete" ang tawag ko sa kanya. Minsan naman ay tinatawag ko rin siyang "Pads" na pinaiksing Father.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now