Isang Araw sa Sementeryo

46 5 0
                                    

DINAMPOT KO ang cell phone ko nang mag-ring iyon. Ang pinsan kong si Franco ang tumatawag. Ayoko sanang sagutin ang tawag dahil sigurado akong magkukuwento lang ito tungkol sa nobya nito. Siguradong masaya na naman ang ikukuwento nito. Masayang kuwento na nagpapalungkot naman sa akin. Pero sige lang, aalamin ko na lang kung ano ang kuwentong iyon. Dahil kahit papaano ay may malalaman akong bago tungkol sa kanya—tungkol sa girlfriend ng pinsan ko.

Ngunit nagtaka ako dahil tila hindi masaya ang boses ni Franco. Lalo pa nang banggitin nito ang pangalan ng nobya nito. Naiiyak ang tinig ng pinsan ko.

"Bakit? Ano ba ang nangyari?" usisa ko.

"Si Daisy Joy..." malungkot na banggit uli nito sa pangalan ng nobya nito. "Wala na siya..."

"Iniwan ka? Grabe ka naman, pinsan, hindi lang nagpaalam sa 'yo, nag-e-emote ka na riyan," pabirong sabi ko pero ang lakas at ang bilis ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako.

"She's dead, Erwin. Patay na si Daisy Joy," mahina ang boses at umiiyak na sabi ni Franco.

Kagabi raw ay hinarangan sila ng apat na lalaking nakasakay sa itim na van. Pilit na pinababa ng mga ito si Daisy Joy sa sasakyan upang sumama sa mga ito. Natakot si Daisy Joy. Pinakiusapan ni Franco ang mga lalaki na tumigil na ang mga ito pero hindi nakinig ang mga ito. Halatang sinaniban ang mga lalaki ng espiritu ng alak; siguro, pati na rin ng espiritu ng droga. Nilabanan ni Franco ang mga masamang lalaki. Nang tinutukan ng baril si Franco ng isa sa mga lalaki ay humarang si Daisy Joy. Nang biglang hinila ng lalaki ng daliri nito ang gatilyo ng baril, si Daisy Joy ang tinamaan.

Natulala ako sa kuwentong iyon ni Franco. Daisy Joy didn't deserve that kind of death. Hindi siya dapat namatay. Masyado pang maaga para bawiin ang buhay niya. Tila namanhid ang buo kong katawan at wala akong maramdaman. Hindi ko sinadyang mabitawan ang cell phone ko. Kasabay ng paglaglag niyon ay ang pagpatak ng aking mga luha. Pinatay ko ang TV at sumandal sa sofa.

Nang ipikit ko ang aking mga mata, muli kong nakita ang nakaraan. Mula noong mga bata pa kami nina Franco at Daisy Joy. Magkakaibigan kaming tatlo pero noon pa man ay sina Daisy Joy at Franco na ang tinutukso sa isa't isa ng kani-kanilang mga magulang, ng ibang tao, ng lahat. Kumbaga, noon pa, sila na ang love team. Ako naman ang kaibigan nila na parang saling-pusa lang tuwing naglalaro kami noong kami ay mga bata pa. Minsan, ako ang tatay o kapatid nila sa bahay-bahayan. Minsan, ako rin ang pari na nagkakasal sa kanila. Minsan, kontrabida rin ako.

Si Daisy Joy ang prinsesa, si Franco ang prinsipe at ang knight-in-shining-armor, at ako ang kalaban. Kahit papaano, importante rin naman ang role ko. Dahil ako ang conflict sa kuwento nila. Kung walang conflict, boring ang kuwento. Kung walang problemang ireresolba, kulang at hindi maganda ang istorya.

Inaamin ko na ang gusto ko talagang maging role noon ay ang mga ginaganapang papel ni Franco sa buhay ni Daisy Joy. Gusto ko, ako ang groom niya at hindi ang pari na nagkakasal sa kanila. Gusto ko, ako ang prinsipe at ang knight-in-shining-armor niya at hindi ang kontrabida.

Ako lang ang nakakaalam ng mga gusto ko na iyon. At alam ko rin na hanggang pangarap ko na lang iyon. Dahil kahit kailan, hindi na maisasakatuparan iyon. Mula noon, hanggang ngayon, hindi ko nasabi kay Daisy Joy ang totoo kong damdamin para sa kanya. At hindi ko na masasabi sa kanya iyon kahit kailan. Dahil wala na siya.

Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na siya. Hindi maaaring wala na si Daisy Joy. Hindi dahil hindi ko pa nasasabi sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Hindi na importante sa akin kung hindi ko nasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya. Ang importante sa akin ay ang makita, makausap, at makasama siya. Pero hindi na mangyayari iyon.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now