Ikalabing-apat ng Pebrero

26 2 0
                                    


KANINA PA hinihintay ni Febby ang pagdating ng boyfriend niyang si Hubert sa restaurant kung saan magaganap ang kanilang dinner date. Ang sabi nito ay susunduin siya nito subalit tinawagan siya nito at sinabing mauna siya sa restaurant at susunod na lang ito. Ngunit mahigit dalawang oras na siyang naghihintay ay wala pa rin ito.

Alas-siyete ang usapan nila at alas-nuwebe y medya na. Ilang magkasintahan na ang pumasok at lumabas sa restaurant pero ni anino ni Hubert ay hindi niya nakita. Ilang text message na ang ipinadala niya rito pero hindi ito nagre-reply. Nagri-ring naman ang cell phone nito pero hindi nito sinasagot ang mga tawag niya. Kinontak din niya ang kilala niyang mga kaibigan nito pati na ang pamilya nito pero wala siyang nakuhang impormasyon mula sa mga ito.

Ano na kaya ang nangyari sa lalaking 'yon? tanong niya sa sarili.

Maraming mga bagay ang pumapasok sa isip niya—mga posibleng nangyari dito at mga hinala. Kinakabahan siya dahil baka may masamang nangyari dito. Naiinis at nagagalit naman siya sa naisip na baka may kasama itong iba.

Nagdesisyon siyang lumabas sa restaurant. Uuwi na lang siya. Natagpuan niya ang sarili niyang umiiyak habang nag-aabang ng sasakyan sa waiting shed. Mas nangibabaw kasi ang hinala niya na may ibang ka-date si Hubert. Sana lang ay hindi totoo iyon. Tila wala sa sariling naglakad siya patungo sa kung saan. Hindi niya alam kung saan pupunta.

Nakakainis ka, Hubert! 'Pag napatunayan ko lang na totoo ang hinala ko, makikipag-break ako sa 'yo. Para ano pa na magpatuloy tayo sa relasyon natin kung meron ka namang iba?

Napasigaw siya kasabay ng paghinto sa paglalakad nang muntik na siyang mabangga ng sasakyan. Mabilis namang bumaba ang lalaking nagmamaneho ng kotse. Pinahid niya ng mga palad ang luha niya at inihanda ang sarili sa pagtutuos nila nito.

"Miss, s-sorry," nauutal na hinging-paumanhin nito nang makalapit sa kanya, halatang kinakabahan. Pero sa kabila niyon ay hindi nabawasan ang kaguwapuhan nito. Tila nawala ang paghanda niya sa sarili, wala siyang maisip na sasabihin. "A-Are you, okay?" segundang tanong nito.

"Sa tingin mo, okay lang ang isang tao na muntik nang mabangga ng sasakyan?"

"I-I'm really sorry. Mabuti pa siguro, dalhin kita sa ospital."

"Hindi na. Okay lang ako."

"Akala ko ba hindi ka okay?"

"Bakit, nakasisiguro ba ako na sa ospital mo talaga ako dadalhin? Baka mas hindi ako magiging okay sa kung saan mo man ako dadalhin, ano?"

"Miss, wala akong masamang balak sa 'yo, okay? Sobrang kinabahan kasi ako dahil muntik na kitang mabangga." Mukhang sinsero ito. At nag-aalala. "I'm sorry. Para kasing wala ako sa sarili habang nagmamaneho kanina."

Saka niya naisip na tumawid pala siya patungo sa kabilang kalsada kanina. Wala rin siya sa sariling naglalakad. May kasalanan din siya. Pero hindi siya sinita nito tungkol doon. Natahimik siya nang ilang sandali.

"Pasensiya ka na sa sinabi ko," mahinahong wika niya. "Sige na, okay na ako. Wala naman akong galos o gasgas. Talagang na-shock lang ako. Pero hindi na ngayon. Baka may pupuntahan ka pa. Nakaiistorbo ako. Sorry din pala."

"No, you don't have to," kaagad na sabi nito. "Kasalanan ko 'to. At wala akong pupuntahan. I mean, pauwi na rin ako."

"Naihatid mo na ba 'yong ka-date mo kaya uuwi ka na?"

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now