Ang Sining ng Pagpapalaya

53 4 2
                                    

MABUTI at dumating na siya. Kanina ko pa kasi siya hinintay. Mas maaga akong dumating sa oras na aming napag-usapan. Siya naman ay dumating ng alas nuwebe. Sakto lang. Iyon kasi ang oras na sinabi niya para magkita kami. Mayroon daw kasi siyang sasabihin sa akin. Importante raw iyon at kailangang sabihin sa personal.

Nang nginitian ko siya ay gumanti rin siya ng ngiti. Ngunit sa kabila ng ngiti niya ay halata ang kalungkutan sa mga mata niya. Hindi ba siya masaya na makita ako?

Tumayo ako upang hilain ang upuang nasa tapat ko nang makalapit siya sa kinapupuwestuhan kong mesa sa coffee shop na iyon.

"Thank you," pagpapasalamat niya bago umupo.

Bumalik ako sa upuang kaharap niya. "Kumusta ka na? Bakit parang malungkot ka?" tanong ko sa kanya.

"Ian... I'm sorry..." sabi niya pagkaraan ng ilang segundo, kasabay ng pagpatak ng nangingilid na mga luha niya.

"Vivian, may problema ba?" usisa ko. Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi at pinahid ko ng aking mga hinlalaki ang mga luha niya.

Hinawakan naman niya ang mga kamay ko. "Ayokong gawin ito, Ian. Pero kailangan. Sana maintindihan mo."

Ngumiti lang ako pero itinago ko lang sa ngiting iyon ang kaba at ang mga negatibong bagay na naiisip ko na sasabihin pa niya. Mayamaya ay dumating ang waiter. Inilapag nito sa mesa ang mga in-order ko para sa amin. Kanina, nang um-order ako, alam na alam na ng mga nasa counter ang o-order-in ko. Sa coffee shop na iyon kasi kami madalas pumupunta ni Vivian. Sa coffee shop na iyon kami nagkakilala. Sa coffee shop na iyon nagsimula ang lahat.


NAGLALAKAD ako noon patungo sa loading area ng sasakyan nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Binilisan ko na nga ang paglalakad ko para makarating doon at makasakay na pero naabutan pa rin ako ng ulan. Pauwi ako galing sa trabaho nang umagang iyon.

Wala akong dalang panangga sa ulan kaya tumakbo ako habang naghahanap ng masisilungan. Pero nang mahagip ng mga mata ko ang isang napakagandang babae ay tila nabura sa isip ko ang paghahanap ng masisilungan. Nabasa na ako ng ulan pero parang hindi ko iyon naramdaman. Mas nararamdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

Nanatili akong nakatingin sa kanya. Para akong tubig na na-freeze sa refrigerator, hindi makagalaw. Bakit kaya sa gitna ng maraming tao at mula sa hindi-kalayuan ay siya ang nahagip ng mga mata ko?

Pumasok siya sa isang coffee shop. Parang may nag-utos sa akin na pumasok din doon. Para naman akong taong de-remote control na sumunod. Siguro, puso ko ang nag-utos sa akin. Kapag may kinalaman talaga siguro sa puso, wala ka nang magagawa kundi ang sumunod. Sabi nga ng isang kanta, "Kapag tumibok ang puso, wala ka nang magagawa kundi sundin ito."

Pumasok ako sa coffee shop. Nakita ko siyang pumuwesto sa mesang malapit sa glass wall. Nakaupo siya sa upuang paharap sa entrance. Nang iangat niya ang kanyang mukha mula sa paghalungkat ng bag niya ay nagtagpo ang aming mga mata. Eksaherado na kung eksaherado pero umaapaw na kilig ang nararamdaman ko nang mga sandaling iyon. Parang sasabog ang puso ko sa sobrang lakas ng pagtibok nito. Para siyang Spurs. Paano ba naman kasi, na-love-at-Spurs-sight na yata ako sa kanya. At kahit Miami pa siguro akong makikilala along the way, hindi na siya mapapalitan sa puso ko.

Nahihiya akong lapitan siya pero binalewala ko ang hiya ko na iyon at nilapitan siya. Kung binalewala ko ang hiya ko, matatawag ba akong walang-hiya? Hindi naman siguro. Makapal lang ang mukha? Hindi rin. Binalewalang-hiya? Puwede na.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Unde poveștirile trăiesc. Descoperă acum