Arianne

42 4 0
                                    

UMUWI AKO sa aming probinsiya upang dumalo sa kaarawan ni Mama. Bukas pa naman ang birthday niya kaya naisip kong tumungo muna sa mga kaibigan at kaklase ko noong elementary at high school upang mangumusta at makipagkuwentuhan sa kanila. Pagkatapos, kinahapunan ay mag-isa akong pumunta sa plaza sa aming bayan. Bigla kasi ay parang gusto kong mapag-isa at doon ko naisipang pumunta. Doon kasi ako madalas pumupunta noon kapag gusto kong mapag-isa at makapag-isip. Tinatawag ko iyon na "open hideout."

Umupo ako sa isang bakanteng bench habang iginagala ang aking mga mata sa paligid. Pasado alas tres pa lamang ng hapon pero hindi na masakit ang sikat ng araw. Sa bandang hindi-kalayuan kasi ay may maitim na bahagi ng ulap. Mukhang uulan.

Naagaw ng pansin ko ang isang mamang nagtitinda ng cotton candy ay napangiti ako. Naalala ko si Arianne. Pareho kasi naming paborito ang matamis na pagkaing iyon. Biglang pumasok sa aking imahinasyon ang eksena noon na bumibili kaming dalawa ng cotton candy.

Sabi ni Arianne, ang pag-ibig daw ay kasing-tamis ng cotton candy. Ang kailangan mo lang daw gawin ay namnamin ang sarap kahit na minsan ay nasasaktan ka na. Dahil sa kabila raw ng lahat, may tamis at sarap sa gitna ng pait at hirap.

Napangiti ako, saka tumayo at bumili ng cotton candy.

Habang naglalakad ako pabalik sa bench ay biglang umambon. Tumigil ako sa paglalakad at tumingala sa kalangitan. Maitim na ang mga ulap. Kaunti na lang ang liwanag. At ilang sandali pa ay umulan na. Dali-dali kong kinuha ang three-fold umbrella sa bag ko at binuklat iyon. Kasabay ng pag-angat ko ng payong upang maging panangga iyon sa ulan ay biglang parang si Arianne ang nagpayong sa akin. Tila umurong ang panahon at bumalik ako sa nakaraan.


"KANINA ka pa hinahanap ni Tito Fritz," sabi ni Arianne habang sabay kaming naglalakad pauwi. Nakasukob kami sa isang payong. Hawak niya iyon kanina pero inagaw ko sa kanya at ako na ang humawak. Medyo nagulat pa ako nang biglang may pumayong sa akin pero nang makita ko na siya pala ay kaagad ding pumanatag ang loob ko.

Galing ako sa eskuwelahan at dumaan muna sa plaza bago umuwi. Pero biglang umulan at wala akong dalang payong. Ginabi ako sa plaza at hindi pa rin tumitigil ang ulan. Magpapabasa na sana ako sa ulan pero dumating siya.

"Talaga? Himala naman at hinahanap niya ako," sabi ko sa kanya.

Hindi na siya nagsalita. Gusto kong sabihin sa kanya na magsalita siya, kung ano ang masasabi niya sa sinabi ko pero hindi ko na ginawa. Bakit pa ba ako maninibago sa kanya? Mula naman noong una ko siyang makita, hindi na talaga siya palasalita. Ayaw lang niya akong kausapin marahil. Hindi lang siguro niya ako trip kausapin.

Mula noong lumipat ako sa probinsiya noong high school hanggang ngayong college ay talagang napakatahimik ni Arianne. Siya ang tipong "isang tanong, isang sagot." Madalas sa minsan, ayaw talagang sumagot. Iiling lang siya kapag "ayaw" o "hindi" at tatango naman kung "oo." Minsan lang siyang ngumiti pero hindi naman laging nakakunot ang noo o nagsasalubong ang mga kilay. Iyong parang wala lang siyang emosyon, walang facial expression, kaya ang hirap niyang basahin. Pero makikita ang lungkot sa mga mata niya.

Hindi ko rin kinausap si Arianne kahit na gusto ko siyang kausapin. Pinakiramdaman ko na lang siya. Pero nakarating na kami sa bahay ay hindi siya nagsalita.

"Thank you, ha?" pagpapasalamat ko sa kanya.

"Gino..." tawag niya.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now