Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree

78 5 0
                                    

MAGANDA rito sa Japan. Maraming magagandang tanawin. Ang sarap kunan ng litrato. Kaya naman, pagdating na pagdating ko rito ay kaagad akong gumala upang kumuha ng mga litrato sa paligid. Pagod man ako sa mahigit apat na oras na biyahe sa eroplano ay mas nangibabaw ang excitement ko kaya parang nawala ang pagod ko.

Mahilig akong kumuha ng litrato kaya naman sobrang saya ko nang niregaluhan ako ni Mama ng Polaroid camera noong second year high school ako. Alam kong matagal niyang pinag-ipunan iyon kaya naman ay lagi kong iniingatan.

Pangarap ko ang maging isang photographer. Pero hindi lang ang pagkuha ng litrato ang pinunta ko sa Japan. Nandito ako para hanapin ang aking ama. Iyon ang pinakadahilan ko.

Sabi ni Mama, sanggol pa lamang ako mula nang umalis si Papa sa Pilipinas at umuwi sa sariling bansa. Negosyante si Papa sa Pilipinas. Pero nang malugi ang hardware store niya ay nagdesisyon siyang umuwi sa Japan upang doon magtrabaho. Nangako siyang babalik pero hanggang ngayon ay hindi na namin nakita ni anino niya. Nakalimutan din niya ang obligasyon at responsibilidad niya bilang asawa ni Mama. Hindi rin siya nagpapadala ng pera. Tila kinalimutan na niya kami na pamilya niya. Mabuti na lang at natanggap si Mama sa isang food company at naging regular doon.

Sumali ako sa isang photography contest na inorganisa ng isang kilalang arts organization sa Pilipinas para sa mga college students sa tulong ng Japanese government. Mapalad akong nanalo. Trip to Japan ang premyo. Mayroon pang apat na araw na photography workshop sa Tokyo Polytechnic University, na ang dating pangalan ay Konishi Professional School of Photography, kaya naman ay talagang specialization ng university ang photography. Kasama sa prize ng contest ang one-week cash allowance na ilang papel na yen at isang linggong pag-stay sa isang hotel sa Tokyo.


ISANG LINGGO. Kailangang mahanap ko ang papa ko sa loob ng pitong araw. Sabi nila, lahat daw ng nangyayari ay may dahilan. Maaaring ang dahilan kung bakit nanalo ako sa contest ay ang mahanap ko si Papa. Sana nga.

May picture ako ni Papa. Lihim kong kinuha iyon sa mga gamit ni Mama. Ang sabi ni Mama, pinunit at itinapon na niya ang nag-iisang larawan na iyon ni Papa pero nagsinungaling siya. Nang hanapin ko iyon sa mga gamit niya ay nakita kong buong-buo iyon. Naisip ko na ayaw rin pala ni Mama na mawala ang isang remembrance na iyon mula kay Papa. Marahil ay ayaw rin niyang kalimutan si Papa.

Kahit hindi sabihin ni Mama, kahit ikinakaila niya, alam kong mahal pa rin niya si Papa. Natural lang naman na magalit siya dahil sa ginawa ni Papa pero alam kong hindi mapagtanim ng galit o sama ng loob si Mama. Alam kong matagal na niyang pinatawad si Papa.

Sa laki at lawak ng Japan, paano ko hahanapin doon si Papa? Hindi ko alam ang eksaktong address niya. Dalawang bagay lang ang alam ko sa kanya: ang pangalan niya at kung nasaan siya. Siya si Ichiro Takahashi at siya ay nasa Tokyo, kung saan ako naroroon ngayon. Pero hindi ko alam kung doon pa siya nakatira o hindi na. Basta, hahanapin ko pa rin siya. Bahala na. Labis akong nananalangin na sana ay makita ko si Papa.

Gusto kong malaman kung ano na ang nangyari sa kanya. Kung may bago na ba siyang pamilya. Sana, wala. Gusto ko kasi sanang magkabalikan pa sila ni Mama. Pero iyon nga lang, hanggang "sana" na lang. Dahil hindi na mangyayari iyon. Wala na si Mama. Sumakabilang-buhay siya noong isang taon. Isang umaga, hindi na siya nagising.


NAMUMULAKLAK ngayon ang mga cherry tree sa Tokyo. Sa pagkakaalam ko, sa ibang lugar sa Japan, sa ibang buwan din namumulaklak ang mga cherry tree. Sa Okinawa, January ang cherry blossom. Samantalang sa northern island ng Hokkaido, buwan naman ng Mayo. Kasabay naman ng Tokyo ang Kyoto at Osaka tuwing Abril.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now