Ang Liham ng Pamamaalam

33 2 0
                                    


MINAMAHAL kong Clarissa,

Hindi ko alam kung bakit sumulat pa ako sa iyo kahit alam kong hindi mo na rin naman ito mababasa. Siguro may mga gusto pa akong sabihin sa iyo na hindi ko nasabi noon. Ngunit kahit nasabi ko na siguro sa iyo, nais ko pa ring ulitin dahil hindi ako magsasawang sabihin sa iyo ang mga salitang iyon. Lalo na ang mga katagang "Mahal kita."

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas subalit hindi pa rin kita makalimutan, Clarissa. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano mabubuhay mula noong wala ka na sa piling ko. Naging miserable ang buhay ko buhat nang iniwan mo ako. Pero huwag kang mag-alala, hindi kita sinisisi. Alam ko naman na hindi mo sinadya ang iwan ako. Nagtatampo lang ako dahil madaya ka. Akala ko ba magkakasama tayo habambuhay? Pero bakit mo ako iniwan?

Alam kong ako ang dapat na humingi ng tawad sa iyo dahil alam kong hindi ka masaya na makita akong ganito. Malungkot, hindi ngumingiti, hindi tumatawa, laging seryoso. Patawarin mo ako kung lagi pa rin kitang naiisip at dahil diyan, hindi ako nagiging masaya. Kahit na ang mga masasayang alaala natin ang iniisip ko, hindi ko pa rin magawang ngumiti.

Hindi ko na maalala kung kailan ako huling ngumiti, tumawa, o humalakhak mula nang mawala ka, Clarissa. Ngumingiti lang ako kapag pinapanood ko ang sunrise dahil sabi mo dapat ngumiti kapag pinapanood iyon kasi ibig sabihin niyon ay bagong araw, bagong simula, bagong buhay. Kaya dapat ngumiti. Pero hindi ko alam kung ngumingiti nga ba talaga ako kapag pinapanood ko ang sunrise. Ang alam ko, umiiyak ako kapag pinapanood ko ang sunset dahil wala ka na upang samahan akong panoorin iyon. At alam kong hindi ka na darating.

Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang maging masaya. Lahat-lahat. Pero sa ngayon, hindi ko pa kaya. Pero sana, magawa ko. Pasensiya ka na kung hanggang ngayon ay sa iyo pa rin umiikot ang mundo ko.

Ikaw pa rin ang mundo ko, Clarissa. Kung nandito ka lang ngayon, may katabi sana akong humiga sa damuhan at tumingin sa mga bituin habang magkahawak ang ating mga kamay. Madalas tayong naghahanap ng hugis ng puso sa mga bituin. Connect the stars. Parang connect the dots. Naalala ko rin ang tanong mo noon kung alam ko kung ilan kaya ang mga bituin. Ang sabi ko, hindi ko alam kasi hindi naman sila mabilang. Pero sabi mo, sobra sa billion. Kaya ang sabi ko, zillion.

Naalala ko pa ang sinabi ko sa iyo noon na sana laging mag-uumpisa at magtatapos ang bawat araw na magkasama tayo. Pero hindi na mangyayari iyon. Dahil wala ka na.

Labis akong nagpapasalamat dahil dumating ka sa buhay ko, Clarissa. Hindi kita kalilimutan pero kailangan ko nang magpaalam dahil alam kong hindi ka na babalik. Ngunit alam ko rin na balang araw ay magkikita uli tayo. Mahal pa rin kita, Clarissa.

Hanggang dito na lang. Paalam.

Laging nagmamahal,

Nathan


Hindi ko napigilan ang pagpatak ng mga luha ko habang sinusulat ko ang liham ng pamamaalam para kay Clarissa. Bumalik sa isip ko ang mga araw na magkasama kami. Masasaya ang mga alaalang iyon pero hindi ko talaga magawang ngumiti. Wala na si Clarissa. At hindi na siya babalik.

Isang gabi, nabangga ng malaking truck ang kotseng minamaneho niya. Isinugod siya sa ospital pero dead on arrival.

Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Sana hinatid ko na lang siya sa kanila nang gabing iyon. Kahit hindi siya pumayag na ihatid ko siya, dahil alam niyang pagod ako sa trabaho, sana pinilit ko siya. Pero wala na akong magawa. Nangyari na ang nangyari. Matagal nang naging bahagi iyon ng nakaraan.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now