KABANATA 30

2.1K 179 31
                                    

Lucio's P.O.V.

"Panginoon," paglapit sa akin ni Yolanda at ng dalawa pa sa kanyang mga alalay na babae. Abala ako sa pagbabasa sa aking aklatan. "Nadala na po namin si Senda sa..." sumulyap muna ito sa kanyang mga kasama, "malaking aparador po sa inyong silid. Hindi pa po namin tinanggal ang kanyang piring dahil hindi po namin alam kung gusto niyong tanggalin na namin ito."

Tinapos ko muna ang isang buong pahina ng aklat na binabasa ko bago ko ito isinara at ipinatong sa lamesitang nasa gilid ng inuupuan kong sopa "Sige, makakaalis na kayo." Pag-uutos ko. Agad namang sumunod ang mga ito nang wala nang anupamang sinabi.

Kinusot ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. Hindi pa ako pagod at lalong hindi pa ako inaantok dahil iyon ang dalawang bagay na may kahirapang makamit ng isang tulad ko. Ganito na ako simula ng ibigay sa akin ni Lucifer ang buhay na walang-hanggan. Hindi ako napapagod at nakakatulog agad, lalo na kung wala akong masyadong ginagawa. Ito ang dahilan kung bakit kahit sa dalawang araw na nakasiping ko si Senda sa pagtulog niya, sadyang hindi naman talaga ako nakakatulog. Naroon lang ako at nakahiga, nakapikit at nagpapahinga, ngunit bukas na bukas at naglalakbay pa rin ang aking diwa at nag-iisip ng kung ano-anong bagay. Kung minsa'y nagpaplano rin ng mga gusto kong gawin sa kinabukasan kahit nasa loob lamang ang mga ito ng aking isipan.

***

Pumasok na ako sa aking silid at umupo sa harapan ng malaking aparador kung saan nila dinala si Senda. Tahimik na tahimik ito na sa wari ko ba'y hindi man lamang ito gumagalaw sa loob. Ngunit upang makasiguro na naroroon pa nga ito ay bahagya kong binuksan ang pinto ng aparador at agad ko naman nakita ang nakabaluktot na si Senda na mukhang nakatulog na sa pagkakaupo nito. May piring pa rin ang mga mata nito at nakagapos din ang mga paa at kamay.

Tumikhim ako, ngunit tila hindi nito ito narinig. Muli akong tumikhim sa pangalawang pagkakataon, ngunit wala pa ring pagbabago. Mukhang sadyang malalim na ang pagtulog nito. Isasara ko na lamang sana munang muli ang pinto ng aparador nang umiktad ito nang bahagya na tila naalimpungatan ito.

"Y-Yolly?" anito. Namamalat pa rin, "Y-yolly, ikaw ba 'yan? A-alam mo ba kung hanggang kailan ako makukulong dito?" halos wala pa ring boses na lumalabas sa kanyang bibig.

Natutukso man akong sumagot ay nanatiling tikom ang bibig ko.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Y-Yolly," nagsimula na itong humikbi. "Kung makakausap mo naman si Luis, pakisabi naman sa kanya na sorry na. Hindi ko naman sinasadya. Plano ko lang naman na ipanduro 'yung kutsilyo sa kanya pero hindi ko na siguro natantiya ang katawan ko dahil napakasama talaga ng pakiramdam ko simula pa kagabi, masakit rin ang buong katawan ko, ang ulo ko at lalamunan ko. Ok lang naman kahit ikulong niya ako rito dahil seryoso naman talaga ang nagawa kong atraso sa kanya, pero sana masabi mo sa kanya na hindi ko naman sinasadya at sana ay mapatawad din niya ako..." muli itong humikbi at umiyak nang saglit, bago ito muling nakatulog.

Napakunot ako nang mapag-isipan kong mabuti ang mga sinabi niya. Masama raw ang pakiramdam niya kaya't nilapitan ko ito at hinawalakan sa noo nito. Medyo nanginginig ito at inaapoy na pala ng lagnat.

***

"Eh Panginoon, maaaring sa inyo balewala lang 'yung mga nilakbay niyo ni Senda," wika ni David sa akin matapos kong maihiga nang maayos si Senda sa kama sa silid niya, "pero para sa isang mortal na katulad niya, 'yung pagkakalublob pa lang niya sa dagat kasama ng mga siyokoy at ang matuyuan ng basang damit sa malamig na kagubatan, sapat na 'yun para magkasakit sila."

"Oo nga po, Panginoon," pagsingit naman ng nagmamagaling na si Baltazar, "may iba nga sa kanilang mga tao, kapag inilublob ng mga siyokoy sa ilalim ng tubig, patay na agad. Hindi po kaya nanghihingalo na si Sen--?" hindi na nito natapos ang sasabihin dahil binatukan na ito ni Gaspar.

"Bakit ka ba nambabatok?" pabulong pag-angil ni Baltazar sa nambatok sa kanya.

"'Wag ka na lang kasi sabat ng sabat kung wala ka namang matinong sasabihin!" Bulong naman ni Melchor dito.

"Bakit?" muling hirit ni Baltazar, "'di ba totoo namang ang lahat ng mga babaeng tao na dinukot at inilublob ng mga manyakis na Siyoko na 'yon ay hindi na nakakabalik nang buhay sa lupa?"

Muli itong binatukan ni Gaspar at binulungan, "manahimik ka na lang nga kasi. Nakatingin sa 'yo ang Panginoon o. Mamaya niyan ikaw na ang hindi makalabas ng buhay rito!"

Muli kong hinilot ang magkabila kong sentido. Ganito ako kapag naiinis, naririndi at nabubuwisit ngunit ayaw ko namang magalit nang wala sa lugar. Kahit paano kasi'y kumakalma ako kapag ginagawa ko ito.

"Iwanan niyo na muna ako." Malumanay kong wika sa kanilang lahat, "gusto ko munang mapag-isa?"

"Ok po!" Wika ni Baltazar, "tara David, usungan mo ako!" anito, ngunit nagulat ako nang sa halip na umalis ito ay natabig pa ako nito nang bahagya sa paghagibis nito papunta sa loob ng silid ni Senda.

"Hoy, anong ginagawa mo? Dito tayo sa labas!" Sabi rito ni Gaspar.

"Eh gusto raw mapag-isa ng Panginoong Lucio, 'di ba?" pagdadahilan nito.

"Oo nga, pero bakit diyan ka pumunta sa loob ng silid ni Senda?" tanong dito ni David.

"Ano pa, eh 'di para buhatin palabas si Senda." sagot nito.

Nagsasalubong na ang mga kilay ko sa mga sandaling iyon.

"Ha?" nagtatakang tanong ni Melchor, "pero bakit?"

"Eh 'di ba para mapag-isa ang Panginoon," sagot ni Baltazar, "kailangan nag-iisa lang talaga siya rito sa silid, 'di ba? Eh papaano siya makapag-iisa kung hindi natin ilalabas si Senda? Hindi naman niya sinabing gusto niyang magpagdalawa sila? Ang sabi niya, isa lang. Ang isa, ay one sa ingles. Look at my hand," ipinakita nito ang kanyang hintuturo, "this is one. One is not two, kaya kailangan nating isama si Senda para makapag-isa ang Panginoon!"

Napapikit ako saglit habang sandaling binabalot ng katahimikan ang buong paligid. Tanging huni na lamang ng mga kulilis ang aking naririnig. Nabasag lamang ang katahimikang ito nang biglang hinila ni David ang isang tenga ni Baltazar upang kaladkarin ito palabas.

"Hay nako, Baltazar! Nakakahiya na talaga sa Panginoon ang katangahan mo." Pabulong na panenermon dito ni David, "saan ka ba talaga ipinaglihi ng nanay mo? Ano bang kinain ng nanay mo noong ipangbubuntis ka niya?" nag-umpisa nang maglakad ang apat papalayo. Patuloy pa rin naman nitong sinesermunan si Baltazar hanggang sa tuluyan na silang nakalayo.

May mga pagkakataon na mas mahaba ang pasensiya ko sa kahit anong bagay. Iyon ay kung wala akong masyadong iniisip at inaalala. Ngunit hindi iyon ang nararamdaman ko ngayon dahil nag-alala ako kay Senda. Bagay na halos nakalimutan ko na ang pakiramdam. Hindi ko alam kung tinutubuan na ba ako ng kunsensyang alam kong matagal nang lumisan sa aking pagkatao, pero tila ganoon nga ang nararamdaman ko ngayon. Ako ang may kasalanan kung bakit halos mabugbog sa pagod si Senda. Ako rin ang may dahilan kung bakit siya nakaratay ngayon. At sa kabila ng kanyang pinagdadaanan mula nitong nakakaraang araw, nang dahil lamang sa kapritso kong pagkatuwaan siya, siya pa ngayon ang humihingi ng tawad sa akin sa pang-aabala ko sa kanya?

Tahimik naman buhay niya bago ako dumating.

Masaya siya kahit nag-iisa at kahit simple lamang ang buhay niya.

Hindi kaya mas makabubuting lubayan ko na lamang ito at pabayaang makapamuhay ng mapayapa nang mas malayo sa isang katulad kong...

Ano na nga ba ako?

Sa totoo lang, kahit gaano pa katagal ang mga dumaang panahon at lumipas. At kahit naririto pa rin ako sa paulit-ulit na pagpaparoo't parito ng iba't ibang mga nilalang. Sadyang hindi ko pa rin nabibigyan ng sapat na panahong hanapin ang sarili ko. Paulit-ulit ko kasing iniiwasan ito, dahil marahil sa hindi ko pa rin kayang harapin ang lahat ng mga bagay na dumating at nangyari sa buhay ko na naging dahilan kung bakit ako nagkaganito.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon