KABANATA 9

7K 405 36
                                    

Senda's P.O.V.

"Ate Marietta...a-anong nangyari sa 'yo?" matapos n'yang hubarin ang kanyang lambong sa loob ng aking kubo. "Bakit ganyan ang hitsura mo?" tila anak araw kasi ito sa sobrang kaputian ng balat, gayun din ang mahabang buhok nito at isang pares ng ginintuang pakpak.

"Isinumpa ako." Tumatangis ito.

"Isinumpa? Isinumpa nino?"

"Ng isang napakasamang nilalang."

"Ano namang klaseng nilalang ang may kakayahang manumpa sa 'yo sa ganyang paraan?"

"Isang kampon ng demonyo."

"D-demonyo?"

"Oo, demonyo. Ang lahat ng kapangyarihan niya ay nagmula sa demonyo, maging ang kanyang walang hanggang kabataan."

Napanganga ako, "pero sinong--"

"Saka na natin pag-usapan, Senda. Sa ngayon, kailangan ko ng tulong mo."  Bahagya nitong inilislis ang kanyang saya at agad kong nakita ang tumutulong dugo sa kanyang mga binti."

"Teka, ano bang nangyari sa 'yo? Bakit dinudugo ka? Halika nga..." inalalayan ko ito upang maupo sa papag.

"Kinailangan kong makaalis matapos kong mailuwal ang anak ko...ang pamangkin mo dahil dito sa nangyari sa aking anyo. Tulungan mo ako Senda...nanghihina na ako. Mauubusan na yata ako ng dugo..."

Iginiya ko na ito upang mahiga. Nilagyan ko ito ng unan at tinulungang makuha ang komportableng posisyong patagilid dahil sa mga pakpak nito. "Teka sandali ate, magpapainit lang ako ng tubig.  Magpahinga ka lang muna rito, "hinaplos ko ang noo nito at agad na naramdaman ang mataas nitong lagnat, "naku baka nabinat ka na...teka, nagugutom ka ba? Gusto mo bang kumain?" tumango ito, "sige sandali ate, ipaghahanda rin kita ng makakain."

***

"Patawarin mo sana ako Senda kung pinaalis kita sa bahay." Aniya, habang pinipunasan ko ang kanyang mga binti ng maaligamgam na tubig. "Ayoko lang madamay ka sa mga bagay na kalakip ng pagkatao ko."

"Ano bang ibig mong sabihin, ate?"

"May mga bagay na hindi normal tungkol sa akin ang hindi ko masabi sa 'yo at sa kuya mo.  Pero ngayong nakita mo na ako, wala na akong dahilan para itago ito sa 'yo."

Kinakabahan ako kahit na sa totoo lang ay may hindi rin naman normal sa akin na hindi ko pa nasasabi sa kanya; at ito ay ang ang pagiging kalahating tao lamang dahil ang aking tunay na ama ay isang engkanto.

"Ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo ate? Anong tungkol sa 'yo ang tinutukoy mo?"

"Hindi ako isang purong tao." Agad akong nakaramdam ng kurot sa dibdib ko dahil gayun din naman ako, "nagmula ako sa angkan ng mga Nephilim na hindi ko naman pinili. Ito ang tunay dahilan kung bakit wala akong maipakilala sa inyong mga kamag-anak noong nagpakasal kami ni Arnulfo. At alam ko rin na kapag itinuloy ko ang pakikipag-ugnayan sa kapatid mo at  magkaanak ako sa kanya ay sasapitin ko ang sumpang ito. Ngunit dahil sa pagmamahal ko sa kanya, hindi ko na inalintana ang mangyayari sa akin." Nagsumula na itong humagulhol.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Hindi ako makahagilap ng tamang sasabihin sa kanya kaya... "anong plano mo, ate? Wala ka bang alam na lunas diyan sumpang dumapo sa 'yo."

"Meron. Merong lunas ito pero kailangan kong maghintay ng napakahabang panahon."

"At ano naman ito, ate? May maitutulong man lang ba ako sa 'yo?"

"Kailangan kong hintayin na magkaanak ang anak ko. Magbabalik lamang ako sa dati kapag ang naging lalaki ang kanyang panganay."

"Kailangan, lalaki lang? Paano kung hindi?"

Lalong nanlumo ang ekspresyon ng mukha nito, "habangbuhay ko nang papasanin ang sumpang ito."

"Hay naku, grabe naman ang sumpang 'yan sa 'yo. Bukod sa nakapatagal ay hindi pa pala sigurado. Paano na 'yan, ate? Anong plano mong gawin habang hinihintay ang araw na 'yun?"

"Kailangan ko ang tulong mo, Senda."

"Tulong ko? Ano naman ang maitutulong sa 'yo ng isang abang katulad ko?"

"Kailangan kong tumungo sa Paraeiah at doon na muna mamalagi."

"Ha? Ano 'yun at saan 'yun?"

"Isa itong kapirasong isla sa malayong hilaga na minana ko sa aking mga ninuno."

"Pero paano naman kita matutulungang makarating doon?"

"Kailangan kong makarating ng Aparri at mula roon ay ako na ang bahala."

Nanlaki ang mga mata ko, "sa tuktok na 'yun ng Pilipinas ate. Napakalayo naman noon mula rito sa Calapan. Sa papa'nong paraan naman kita mututulungan papunta ro'n kung ako nga ay hindi makatawid man lang papuntang Batangas simula nang mapadpad ako rito."

Muli itong umiyak, "hindi ko alam. Basta kailangan kong makarating doon dahil hindi ako maaaring mamamalagi rito na ganito ang hitsura ko."

***

Natutulog na si  Ate Mareitta pero hindi pa rin ako dalawin ng antok. Pilit ko pa rin  kasing iniisip kung paano ko ito matutulungan dahil tama naman na hindi siya maaaring manatiling kasalamuha ng mga tao dahil sa kanyang anyo.

"Nakuuu, paano ba 'to, LORD!" Pikitmatang bulong ko habang nadarasal ako sa aking pagkakahiga. "Tulungan NIYO po ako. Hindi ko alam kung paano ko tutulungan si Ate Marietta." 

Abala pa ako sa pagdarasal nang makarinig ako ng mga kaluskos sa labas ng bintana ko. Kinabahan ako dahil sumunod na narinig ko ay ang mga impit na pag-iyak ng mga aso at malalakas na pagsinghap ng mga baboy. Kinakabahan ma'y marahan akong bumangon upang silipin ang pinanggagalingan ng mga ingay sa siwang ng dingding kong yari sa sawali, pero gamuntik na akong mapasigaw nang makita kong pinalilibutan na pala ng hindi mabilang na baboy ramo ang palibot ng bakod kong yari lamang naman sa  mga kawayan.

"Diyos ko!" Tinakpan ko ang bibig ko upang pigilan ang sarili ko sa pagsasalita ng malakas, "bakit ang daming baboy ramo sa labas? Saan naman kaya nanggaling ang mga ito." Mas lalong ikinagulat ko nang matanaw ko sa kalagitnaan ng kadiliman si Ate Marietta. Nagtungo ito sa may bakod at nagsalita roon na tila mayro'n itong kinakausap. 

"Umalis kayo rito?" pabulong na wika ni ate Marietta sa maiitim at mabubuhok na mga baboy ramo. "Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi niyo ako maaaring sundan kahit saan? Alis...alis!"

Napakunot-noo ako nang mapansin kong nagsisisialisan nga ang mga baboy ramo, bagaman nagmadali na rin naman akong makabalik sa higaan ko nang maulinigan ko ang mga yabag ni ate Marietta, papasok sa bahay.

[ITUTULOY]





My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon