KABANATA 41

2K 178 15
                                    

Senda's P.O.V.

"Senda, Nanay ko." Pagpapakila sa akin ni Mylene sa ina niyang si Aling Maria.

"Magandang gabi po." Pagbati ko rito. Nakangiti naman ito sa akin.

"At ito naman ang nakababata kong kapatid na si Lumen." Itinuro nito ang isang dalagita na sa tantiya ko ay mga nasa labintatlo hanggang labinlimang taong gulang.

"Hi, Senda!" Masiglang pagbati nito sa akin, "totoo pala ang sabi ng ate ko na mukha kang diyosa tulad ko." humalakhak ito.

Tumingin ako sa nagkikibit-balikat na si Mylene. "Pasensiya ka na, Senda. Mana sa ate, medyo makapal ang mukha." Humalakhak ito.

"Mabuti naman at nagkasya sa iyo ang bestida ni Mylene." Sabi sa akin ni Aling Maria. Nakatingin ito sa soot ko. "Paborito niyang bestida 'yan noong wala pa siyang bilbil." Tumawa ito.

"Kita mo 'tong nanay ko," sabi sa akin ni Mylene, "nung payat ako, ang sabi niya, magpataba raw ako para hindi masyadong halata na naghihirap kami. Tapos ngayon naman na medyo tumaba ako, inaalaska pa rin ako." Bumaling ito sa nanay niya, "ano ba talaga 'nay?"

"Bawasan mo kasi ang pagkain ng mga kakanin ko kapag hindi mo naibebenta lahat." Biro ni Aling Maria sa anak. "Ibigay mo na lang kay Senda itong bestida mo, tutal, mas bagay naman sa kanya." Bumaling ito sa akin, "nagmukhang mamahalin ang bestidang 'yan sa 'yo, hija."

Medyo nahihiya ako kapag may pumupuri sa akin kung kaya ngumiti lamang ako at hindi na nagkumento ukol doon.

"Oo naman 'nay. Wala naman na akong balak na ipasauli pa 'yan." Tumingin ito sa akin, "ito talagang nanay ko, pinangungunahan lagi ako. Pasensya ka na, Senda. Ganyan talaga ang nanay ko. Nasa Miyerkules pa lang ang takbo ng utak ko, nasa Sabado na siya."

"Ang sabihin mo, mabagal ka lang talaga." Sabi ni Aling Maria sa kanyang anak bago ito muling bumaling sa akin, "alam mo kasi Senda, ipinaglihi ko 'yan sa pulot-pukyutan kaya medyo mabagal tumakbo, mabagal mag-isip at mabagal ding makahanap ng mapapangasawa."

Tila hindi naman makapaniwala si Mylene sa panlalaglag sa kanya ng kanyang sariling ina.

"Nagbebenta po pala kayo ng kakanin?" salitan kong tiningnan ni Mylene at ang kanyang ina. "Ano po ang mga ibinebenta niyo?'

"Sari-sari. Sapin-sapin, Kutsinta, Puto, Suman, Bibingka, Biko, Espasol at kung ano-ano pa. Kung ano ang kaya naming pagtulungang gawin nitong mga anak ko, 'yun ang ginagawa namin na husto lamang para maibenta naming lahat sa loob lamang ng isang araw."

"Ganun po ba? Naglalako rin po kayo rito sa atin?"

"Naku, hindi," sagot nito, "kapag dito sa atin, uutangin lang kaya malulugi lamang kami kapag dito kami nagtinda. May mga nirarasyunan kaming mga kantina, mga tindahan, karinderya at mga bahay-bahay. Kapag may pasada si Mang Felix, nakakapagrasyon kami sa eskuwelahan sa San Pedro," ang tintukoy nito ay ang nayong napapaggitnaan ng San Gabriel at San Agustin. Mayroon kasing mababang paaralan doon. "O 'di kaya naman ay sa mga karinderya sa bayan mismo kapag dumideretrso doon ang biyahe ni Mang Felix. Pero kapag wala kaming masasakyan, mas madalas kaming maglako riyan sa San Antonio dahil mahilig mamakyaw ang mga tao roon ng kahit anong pagkain dahil hindi sila madalas na nakakapunta sa bayan. Napakadalang lamang kasi ang mga nais mamasada papunta sa baryong 'yun." Ang baryo San Antonio ay ang pinakadulong baryo makalampas ng San Gabriel.

Ang pagkakasunod-sunod ng mga baranggay mula sa bayan ay San Lucas, Santa Monica, San Joaquin, San Agustin, San Pedro, San Gabriel at San Antonio. Liblib nang maituturing ang San Gabriel dahil hindi naman masyadong marami ang populasyon ng nayong ito, ngunit ang San Antonio ang pinakliblib sa lahat na sa pakiwari ng taga-ibang baranggay ay namumukod-tanging pinangingilagang puntahan ng mga taga-ibang nayon. Kung ano-ano kasi ang mga kuwentong kumakalat sa lugar na iyon. May mga tao raw kasi na kapag nagtutungo roon ay hindi na nakababalik.

"Hindi po ba delikadong pumaroon?" lakas-loob na tanong ko kay Aling Maria. "Plano ko po kasi dating sumubok na mangalakal doon ng kape at tsokolate pero marami po ang nagsasabi sa akin na mapanganib daw ang lugar na iyon?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Kapansin-pansin ang pagtitinginan ng tatlong mag-iina.

"Kanino mo narinig 'yan?" sagot nito nang maglaon.

"Sa mga nirarasyonan ko pong mga tindahan sa San Pedro."

"Anong sabi nila?"

"May mga nagtutungo raw po doon na hindi na nakababalik? Totoo po ba 'yun?"

Batid kong iniiwasan nila ngunit nahuli ko pa rin ang pagsulyap ni Aling Maria kay Mylene.

"Magkakahiwalay kasi ang mga bahay doon." Sagot nito, "a-at hindi maganda ang kalsada kaya walang pumapasada kahit na tricycle. Mas maraming gubat kaysa kabahayan. Kaya marami talaga ang naliligaw roon, at sa kadahilanang kakaunti lamang ang nakatira, halos wala kang mapapagtanungan. Hindi na kasi lumalabas ang mga tao roon kapag madilim na, lalo na kapag..." muli itong sumulyap kay Mylene, "bago ang buwan."

Kahit na nahihiwagaan ako sa pag-aalinlangan nitong magkuwento ay nagpanggap na lamang akong wala akong napapansing kakaiba sa mga ikinikilos nila.

"Pero kayo po? Hindi po ba kayo naliligaw kapag naglalako kayo roon?"

"Hindi naman. Sanay na ako ro'n. Taga-roon kasi ang mga biyenan ko. Doon ipinanganak at lumaki ang napangasawa ko...ang ama nitong mga anak ko kaya kung maligaw man kami roon, meron naman kaming mapupuntahan."

"Ganun po ba?" nais ko rin sanang itanong kung nasaan na ang kanyang asawa; ang ama ni Mylene at Lumen, ngunit ayoko namang isipin nila na tsismosa ako, dahil ako mismo ay hindi naman palakuwento ng mga personal na bagay sa ibang tao. Ngunit upang mailusot ko ang personal kong kadahilanan ng pagtatanong ay, "pasensiya na po kung nagtatanong ako. G-gusto ko rin po kasi sanang sumubok na mag-alok ng mga paninda kong kape at tsokolate sa San Antonio, ang kaso po ay hindi pa ako nagagawi roon kahit miminsan at wala po akong kakilala."

Medyo may pagkamali-mali lamang ako kung minsan, ngunit hindi naman ako bulag upang hindi ko mapansin ang pasimpleng pagngiti ni Aling Maria kay Mylene.

"Naku, alam mo hija, mahilig sa kape at tsokolate ang mga tao roon kaya sinadadya pa nila sa bayan ang pamimili ng kape, tsokolate, pati na rin ng asukal at pulot-pukyutan. Mayroon sa kanila, nilalakad pa nila mula San Antonio patungo dito sa atin at sa San Pedro para makasakay lamang ng jeep papuntang bayan. Pero kung malalaman nila na maaari mo silang rasyunan, sigurado akong matutuwa ang mga taga-roon. Siguradong marami kang magiging suki. Kung gusto mo, hija. Sumama ka sa amin nitong si Mylene at Lumen kapag magtutungo kami roon. Ipakikilala ka namin para magkaroon ka ng mga kakilala roon."

Gusto kong lumunok, ngunit pinigilan ko dahil baka mahalata nila na medyo kinakabahan na ako sa inaalok nila. Gusto ko rin batukan at pagsasampalin ang sarili ko dahil hindi ko naman kailangang sabihin gusto kong magbenta sa gawing 'yun ay sinabi ko pa rin.

'Ewan ko sa 'yo Senda.' Sabi ko sa isipan ko. 'Di ka pa nakuntento sa pagsama ngayon sa sayawan, kailangan talaga ipahamak mo pa ang sarili mo sa lugar na hindi mo naman gustong puntahan. Naku, ang tanga-tanga mo talaga. Lagot ka kay Dalia kapag nalaman n'ya 'to! Baka lagyan ka na naman n'on ng kulugo sa dulo ng ilong para hindi ka makalabas ng bahay!'

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon