KABANATA 7

6.7K 421 75
                                    

Senda's P.O.V.

Hindi ako makagalaw at makakilos ng maayos, dahil bagaman wala itong imik ay nakatitig naman ito sa akin.  Pilit akong humanap ng iba't ibang maaari kong pagkaabalahan para hindi na ako mailang, pero sa kahit anumang gawin ko, sumusunod ito at gumagawa rin ng paraan para matulungan ako. Nagbayo ako ng mga pinatuyong kape, pero kinuha niya ang pambayo at siya ang nagbayo. Nang maubos na ang lahat ng dapat bayuhin, pinakialaman naman niya ang paghihimay ko ng balat at laman sa bilao. Nang matapos namin ang pagpaghihimay at nagsimula na akong magsindi ng apoy sa kalan ng gagamitin kong talyasi sa pagsasangag ng kape ay ito pa nga mismo ang umiihip at nagdaragdag ng mga uyo at kahoy na panggatong para patuloy na magningas ang apoy. Nang maglagay na ako ng dalawang takal na kapeng isasangag sa talyasi, inunahan na rin ako nito sa sandok upang mahalo-halo niya ang kape hanggang sa masunog ito.

"Bakit mo ba ginagawa ito ginoo?" nang hindi ko na matiis.

Hindi pa rin ito umiimik. Nakatutok lang ang paningin nito sa kapeng hinahalo.

 "A-ano bang pangalan mo? Bakit mo ako dinalhan ng bigas at mga prutas?"

Hindi pa rin ito nagsasalita kaya napabuntong-hininga na ako.

"Hindi ba maaaring kahit pangalan mo man lang ay malaman ko?"

Tumingin ito sa akin, "ako si Lu--" tila natigilan ito saglit bago nito sinabing, "Luis."

"Luis? Luis ano? Anong apelyido mo?"

Muli itong sumulyap sa akin, "Villa--" muli'y tila napahinto ito bago nito nasabing, "Villanueva."

"Luis Villanueva? Taga-saan ka ba Luis? Para kasing hindi ka naman tagarito."

"Sa--" tila nag-isip muna ito, "sa Maynila."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Sabi ko na nga ba hindi ka tagarito eh. Pero ano bang ginagawa mo rito?"

Muli itong nanahimik. Muli'y nakatuon na naman ang paningin nito sa hinahalo nitong kape.

"Luis, mabalik nga tayo sa mga dala niyo kanina. Binebenta mo ba ang mga 'yun sa akin?"

Umiling ito, bagaman hindi ito nakatingin sa akin, "pasalubong ko lang, para hindi mo na kailangang sadyain sa bayan."

"Pasalubong? Kaban-kabang bigas at ilang kaing ng prutas, pasalubong mo lang?  Pero bakit mo ako binibigyan ng pasalubong? Para saan?"

Muli akong napabuntong-hininga nang hindi na naman ito nagsalita.

***

Halos wala na akong ginawa dahil siya na rin mismo ang naglagay sa sako ng mga naluto naming kape. At nang magsimula na akong maggiling sa gilingan ay inagaw rin nito ito sa akin para siya na rin ang matiyagang magpihit sa hawakan nito.

"Talaga bang wala kang balak sabihin sa akin kung bakit ka naririto at kung bakit mo ako tinutulungan?" nang wala na akong magawa kundi ang tumunganga sa ginagawa niya.

"Ano sa palagay mo?" aniya sa mababang tono.

"Hindi ko nga alam kaya nga tinatanong kita, 'di ba?"

Sa halip na sumagot ay huminto muna ito upang alugin ang batyang nakasalo sa giniling na kape. "Saan mo ba balak dalhin ang mga ito?" muli nitong pinihit ang gilingan.

"Inirarasyon ko 'yan sa maliliit na sari-sari stores diyan sa kabilang baranggay."

"Bakit sa kabilang baranggay pa? Wala bang kumukuha ng paninda mo rito?"

Napanguso ako, "ewan ko ba. May tatlong sari-sari store dito na kumukuha sa akin ng rasyon dati, kaya lang, simula ng magkaroon ng mga kaso ng kulam, sapi at kung ano-anong kababalaghan dito, tila ako yata ang pinagbibintangan nilang may kagagawan kaya isa-isa na nilang tinanggihan ang mga kape at tsokolateng kinukuha nila sa akin dati. Marunong lang akong magpaanak dahil pinag-aral ako ng kuya ko ng midwifery sa Roxas, eh malay ko ba naman na dito pala sa nayon na 'to, kapag marunong kang magpaanak akala nila, hilot na rin ako, albularya o ang mas malala, mangkukulam. Malay ko ba naman sa kulam-kulam na 'yan, tapos nitong huli, masyado nang lumayo ang tsismis. Aswang na rin daw ako. Ikaw nga...tingnan mo nga ako."

Tumingin naman ito sa mukha ko.

"Mukha ba akong Aswang?"

Napakunot-noo ako nang sinipat pa nito ang mukha ko.

"Kapag nasa anyong tao...oo, siguro." Bumungisngis ito sa kauna-unahang pagkakataon.

Nagulat ako. Tila bigla ring umakyat ang presyon ko, "anong sinabi mo?"

"Bakit?" nakangisi na ito, "akala ko ba'y hinihingi mo ang opinion ko?"

"Sinasabi mo bang sa opinion mo, mukha akong Aswang?"

Lalo ako nainis nang tumango ito at muling bumungisngis, "may kahawig ka ngang manananggal sa anyong tao eh. Hindi kaya ikaw rin 'yun?"

Pinaningkitan ko ito at pinamaywangan, "sinasabi mo bang naniniwala ka ring Aswang ako?"

Nagkibit-balikat ito, "siguro." Bago ito tuluyang humalakhak na tila ba aliw na aliw ito sa kanyang pang-aasar sa akin.

"Kung naniniwala ka na Aswang ako, eh bakit ka naririto? Hindi ka ba natatakot na dukutin ko 'yang puso mo?"

"Bakit, gusto mo ba ang puso ko?"

Napanganga ako habang nagsasalubong ang mga kilay ko. Hindi ko rin kasi alam ang isasagot ko. Medyo nagulat ako nang kinindatan muna ako nito bago nito sinabing...

"Kung gusto mo ng puso ko, eh 'di sa 'yo na."

At tuluyan nang namilog ang mga mata ko nang hinubad nito ang kanyang pang-itaas at pagkatapos ay dinakma naman nito ang aking kanang kamay upang ilapat ito sa kanyang dibdib.

"O, ano pang hinihintay mo? Dukutin mo na!"

Sandali akong napalunok at napatulala nang makita ko ang maganda niyang katawan. Ngayon pa lamang ako nakahawak ng dibdib ng isang lalaki kaya nag-animong estatwa akong hindi makagalaw.

"Ano na? Dukutin mo na!"

Lalo niyang idiniin ang pagkakatuon ko sa dibdib niya na halos kasabay naman ng pagkakakuha ko ng buwelo upang mahablot ko mula sa kanya ang aking kamay.

"Bastos!" Bulyaw ko sabay talikod. "Magbihis ka nga, ang laswa-laswa mo!" Nag-antanda ako at tumingin sa itaas, "patawarin NIYO po ako PANGINOON. Siya po ang may kasalanan, hindi po ako. Sorry po, sorry po."

Wala na akong naririnig mula kay Luis kaya inisip ko na lang na siguro'y nakabihis na ito, pero laking gulat ko nang sa paglingon ko sa huling kinaroroonan nito'y wala na ito.  Napakunot-noo ako dahil wala na rin ito sa kahit saan man ako tumingin.

"Nasaan na kaya ang bastos na 'yun?"  bulong ko sa sarili ko habang inililibot ko ang aking mga mata sa paligid. "Grabe naman, ang bilis naman niyang nakaalis. Ano 'yun? Naglaho na lang?"

Sa mismong pagpihit kong muli sa may bandang tarangkahan ay nagulantang naman ako sa biglang pagsulpot ng isang tao sa mismong harapan ko. Nakasuot ito ng mahaba at balot na balot balabal na may puting belo na nagsisilbing takip nito sa kanyang mukha.

"Kamusta ka na, Senda?" anito.

Sinipat ko muna ang mukha sa ilalim ng belo nito hanggang sa makilala ko na kung sino ito, "ate Marietta?"

[ITUTULOY]




My Guardian DevilNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ